Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Setyembre 2027 › Setyembre 20

Kalendaryong Orthodox · Setyembre 7 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Setyembre 20, 2027

Lunes · Ika-14 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 4

Mga kapistahan at mga santo

Bisperas ng Kapistahan ng Kapanganakan ng Kabanal-banalang Ina ng Diyos

Pag-aayuno

Walang pag-aayuno

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Sulat

2 Cor 12:10–19

10Kung kaya ako ay nasisiyahan alang-alang kay Cristo, sa kahinaan man, sa panglalait man, sa kaguluhan man, sa pagmamalupit man, sa mga pangyayari man na nakapagbibigay ng kapighatian. Sa tuwing ako ay mahina, saka ako malakas. 11Ako ay naging isang mangmang! Pinilit ninyo ako na gawin ito, kahit kayo sana ang dapat pumuri sa akin. Sapagkat hindi ako mababa kaysa sa mga tinatawag na matatalinong apostol na iyan, kahit na ako ay walang silbi. 12Ang tunay na palatandaan ng isang apostol ay ginawa sa inyo ng buong pagtitiyaga, ang mga palatandaan at mga kamangha-manghang bagay at mga dakilang gawa. 13Kaya paanong kayo ay mas hindi pinapahalagahan kaysa sa ibang mga iglesiya, maliban na lang na ako ay hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa ganitong kamalian! 14Tingnan niyo! Ako ay handang pumunta sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako ay hindi magiging pabigat sa inyo sapagkat hindi ko gusto ang anumang nasa inyo. Kayo ang gusto ko. Sapagkat ang mga anak ay hindi dapat mag-ipon para sa mga magulang. Sa halip, ang mga magulang ang dapat mag-ipon para sa mga anak. 15Ako ay labis na matutuwa na gumugol at mapagod para sa inyong mga kaluluwa. Kung mahal ko kayo ng labis, dapat ba akong mahalin ng kakaunti? 16Ngunit ganoon nga, hindi ako naging pabigat sa inyo. Ngunit dahil ako ay tuso, kayo ay aking nahuli sa pamamagitan ng panlinlang. 17Kayo ba ay nilamangan ko sa pamamagitan ng aking mga isinugo sa inyo? 18Pinakiusapan ko si Tito na pumunta sa inyo, at pinasama ko sa kaniya ang isang kapatid. Nilamangan ba kayo ni Tito? Hindi ba tayo lumakad sa parehong paraan? 19Sa tingin niyo ba sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming mga sarili sa inyo? Sa paningin ng Diyos, ayon sa kalooban ni Cristo ipinagsasabi namin ang lahat para sa inyong kalakasan.

Sulat (para sa Martes)

2 Cor 12:20–13:2

20Sapagkat ako ay nangangamba na baka hindi ko makita sa inyo ang aking inaasahan. Ako ay nangangamba na baka hindi niyo makita sa akin ang inyong inaasahan. Ako ay nangangamba na baka mayroong pagtatalo, pagkainggit, pagsilakbo ng galit, makasariling hangarin, usap-usapan, pagmamataas at kaguluhan. 21Ako ay nangangamba na sa aking pagbalik, ibaba ako ng aking Diyos sa inyong harapan. Ako ay nangangamba na baka ako ay magdalamhati dahil sa maraming nagkasala noon, at sa mga hindi nagsisi mula sa karumihan at pangangalunya at kahalayan na kanilang nakaugalian. 13:1Ito na ang pangatlong pagkakataon na ako ay pupunta sa inyo. “Ang bawat paratang ay dapat pagtibayin ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi.” 2Sinabi ko na sa mga nagkasala noon at sa lahat, noong ikalawang pagpunta ko riyan, at sasabihin kong muli: Sa aking pagbabalik, hindi ko na sila patatawarin.

Ebanghelyo

Mar 4:10–23

10Nang nag-iisa na si Jesus, nagtanong ang mga malalapit sa kaniya kasama ang Labindalawa tungkol sa talinghaga. 11Sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang hiwaga ng kaharian ng Diyos. Ngunit sa ibang nasa labas ang lahat ay mga talinghaga, 12nang sa gayon, kapag sila ay tumingin, oo titingin sila, ngunit hindi sila makakakita, at kapag sila ay nakinig, oo makaririnig sila, ngunit hindi sila makauunawa, o kundi sila ay manumbalik at patatawarin sila ng Diyos.” 13At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo naiintindihan ang talinghagang ito? Paano pa kaya ninyo maiintindihan ang iba pang mga talinghaga? 14Ang manghahasik ay naghasik ng salita. 15Ang ilan sa mga ito ay ang nahulog sa tabi ng daan, kung saan ang salita ay naihasik. At nang marinig nila ito, agad na dumating si Satanas upang alisin ang salitang naitanim sa kanila. 16At ang iba ay ang mga naitanim sa mabatong lupa, nang makarinig sila ng salita, agad nila itong tinatanggap nang may kagalakan. 17At hindi sila nakapag-ugat kaya sila nakatiis lang ng maikling panahon. At dumating ang mga pagdurusa o pag-uusig dahil sa salita at agad silang nadapa. 18At ang iba naman ay naihasik sa tinikan. Narinig nila ang salita at tinanggap ito, 19ngunit ang mga alalahanin sa mundo, ang pandaraya ng kayamanan at ang pagnanasa sa iba pang mga bagay ay pumasok at nasakal ang salita, at ito ay hindi nakapamunga. 20At mayroon namang naihasik sa matabang lupa. Narinig nila ang salita at tinanggap ito at nakapamunga: may tatlumpu, may animnapu, at may isangdaan.” 21Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdadala ba kayo ng lampara sa loob ng bahay upang ilagay ito sa loob ng basket o sa ilalaim ng higaan? Dadalhin ninyo ito sa loob at ilalagay sa lagayan ng lampara. 22Sapagkat walang itinatago na hindi maihahayag at walang lihim na hindi maibubunyag. 23Sinuman ang may taingang pandinig, makinig.

Ebanghelyo (para sa Martes)

Mar 4:24–34

24Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyong mabuti ang inyong naririnig, ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at idadagdag ito sa inyo. 25Dahil sinumang mayroon ay pagkakalooban ng higit pa, at sinumang wala, kukunin maging ang anumang nasa kaniya.” 26At sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang taong naghasik ng kaniyang binhi sa lupa. 27Sa gabi siya ay natutulog at sa umaga siya ay bumabangon, at ang binhi ay sumisibol at tumutubo, ngunit hindi niya alam kung paano. 28Ang lupa sa sarili niya ay namumunga ng butil: una ang sibol, sunod ang mga tangkay, sunod ang mga hinog na butil sa tangkay. 29At kapag nahinog na ang butil, agad niyang ipinadadala ang panggapas sapagkat dumating na ang anihan.” 30At sinabi niya, “Saan natin maihahambing ang kaharian ng Diyos, o anong talinghaga ang magagamit natin upang maipaliwanag ito? 31Ito ay katulad ng buto ng mustasa na kapag ito ay itinanim, ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga buto sa daigdig. 32Gayunpaman, kapag ito ay naitanim, tumutubo ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga tanim sa bukirin at nagkakaroon ito ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa himpapawid ay nakakapamugad sa lilim nito. 33Ipinangaral niya ang salita sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, hanggang sa kaya nilang maunawaan, 34at hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit kapag siya ay nag-iisa na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat sa kaniyang sariling mga alagad.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Setyembre 20

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Setyembre 7 sa kalendaryo ng simbahan ay Setyembre 20 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan