Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Enero 2027 › Enero 14

Kalendaryong Orthodox · Enero 1 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Enero 14, 2027

Huwebes · Ika-33 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 7

Mga kapistahan at mga santo

Pagtutuli sa Panginoon

Panahon ng Pasko (Sviatki)

Walang pag-aayuno

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Gen 17:1–2, 4–12, 14

1Nang siyamnapu't-siyam na taong gulang na si Abram, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabing, “Ako ang Diyos na makapangyarihan. Lumakad ka sa akin at mamuhay ka nang matuwid. 2Pagkatapos pagtitibayin ko ang aking tipan sa pagitan natin, at lubos kitang pararamihin.” 4“Para sa akin, masdan mo, ang aking tipan ay sumasaiyo. Ikaw ay magiging ama ng napakamaraming bansa. 5Ang pangalan mo ay magiging Abraham, at hindi na Abram—dahil itinalaga kita na maging ama ng napakamaraming bansa. 6Pamumungahin kita nang lubos, at magmumula sa iyo ang maraming bansa, at ang mga magiging hari ay magmumula rin sayo. 7Magtatatag ako ng tipan sa pagitan natin at sa iyong mga magiging kaapu-apuhan, hanggang sa kanilang buong salinlahi, para sa isang walang hanggang tipan, na ako ang magiging Diyos mo at ng mga susunod mong mga kaapu-apuhan. 8Ibibigay ko sayo at sa mga susunod mong kaapu-apuhan, ang lupain kung saan ka naninirahan, lahat ng lupain sa Canaan, para sa walang hanggang pag-aari at ako ang magiging Diyos nila.” 9Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Abraham, “Para sayo, dapat mong ingatan ang aking tipan, ikaw at ang susunod mong kaapu-apuhan hanggang sa kanilang buong salinlahi. 10Ito ang aking tipan sa pagitan ko at sa pagitan mo at sa susunod mong mga kaapu-apuhan na dapat mong ingatan: Lahat ng lalaki sa inyo ay dapat matuli. 11Dapat kayong matuli sa laman ng iyong balat, at ito ang magiging palatandaan ng tipan sa pagitan ko at pagitan mo. 12Bawat lalaki sa inyo ay dapat na matuli pagsapit ng ikawalong araw na gulang, maging sa mga susunod ninyong salinlahi. Kasama rito ang mga ipinanganak sa iyong sambahayan, pati na ang nabili ng salapi mula sa mga dayuhan na hindi kasama sa iyong mga kaapu-apuhan. 14Sinuman sa mga hindi tuli ang hindi tinuli sa laman ng kaniyang balat ay ihihiwalay mula sa kanyang sambayahan. Sinira niya ang aking tipan.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 8:22–30

22Nilikha ako ni Yahweh mula pa noong pasimula — ang una sa kaniyang mga ginawa noong unang panahon. 23Mula pa noong unang panahon, inilagay na ako sa pagkalalagyan—mula ng una, mula pa sa pasimula ng mundo. 24Bago pa magkaroon ng mga karagatan, ako ay isinilang na—bago pa magkaroon ng mga bukal na may masaganang tubig, bago pa ilagay ang mga bundok, 25at bago pa ang mga burol, ako ay ipinanganak na. 26Ipinanganak na ako bago pa likhain ni Yahweh ang lupa o mga bukirin, o kahit ang unang alikabok sa mundo. 27Naroon na ako nang naitatag niya ang kalangitan, nang kaniyang ginuhit ang hangganan sa ibabaw ng kailaliman. 28Naroon na ako nang naitatag niya ang mga kalangitan sa itaas at nang ginawa niya ang mga bukal sa kalaliman. 29Naroon na ako nang ginawa niya ang hangganan para sa dagat, kaya ang katubigan ay hindi kumalat lagpas kung saan niya iniutos, at kung saan niya inutos ilagay ang mga pundasyon ng lupa. 30Ako ay nasa tabi niya, bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang kanyang kasiyahan sa araw araw, laging nagagalak sa harap niya.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 10:31–11:12

31Mula sa bibig ng mga gumagawa ng tama ay dumarating ang bunga ng karunungan, ngunit ang masamang dila ay mapuputol. 32Alam ng mga labing gumagawa nang tama kung ano ang katanggap-tanggap, ngunit ang bibig ng masama ay alam kung ano ang masama 11:1Kinapopootan ni Yahweh ang timbangang hindi tama, ngunit siya ay nagagalak sa wastong timbang. 2Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan. 3Ang katapatan ng matuwid ay gumagabay sa kanila, pero ang mga baluktot na pamamaraan ng mga taksil ay sumisira sa kanila. 4Ang kayamanan ay walang halaga sa araw nang matinding kapootan, pero ang paggawa ng matuwid ay maglalayo sa iyo mula sa kamatayan. 5Ang matuwid na pag-uugali ng taong walang kapintasan ay ginagawang matuwid ang kaniyang daan, pero ang masama ay babagsak dahil sa kaniyang sariling kasamaan. 6Ang matuwid na pag-uugali ng mga nakalulugod sa Diyos ang siyang nag-iingat sa kanila, pero ang taksil ay nabitag ng kanilang sariling mga pagnanasa. 7Kapag ang taong masama ay namatay, ang kaniyang pag-asa ay mamamatay, at ang pag-asa na naging kaniyang kalakasan ay mapupunta sa wala. 8Ang isang taong gumagawa ng tama ay laging nailalayo sa kaguluhan, at sa halip ito ay dumarating sa mga masasama. 9Sinisira ng bibig ng mga walang Diyos ang kaniyang kapwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ang mga gumagawa ng tama ay pinanatiling ligtas. 10Kapag ang mga gumagawa ng tama ay sumasagana, ang isang lungsod ay nagdiriwang; kapag ang masama ay namatay; ay may mga sigaw ng kagalakan. 11Sa pamamagitan ng mabubuting mga kaloob ng mga nakalulugod sa Diyos, ang lungsod ay magiging tanyag; sa bibig ng mga masasama, ang lungsod ay mawawasak. 12Ang taong may paghamak sa kaniyang kaibigan ay walang ulirat, pero ang isang may pang-unawa ay tumatahimik.

Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo

Juan 10:9–16

9Ako ang tarangkahan. Kung sinumang pumapasok sa pamamagitan ko, siya ay maliligtas; siya ay papasok at lalabas at makakahanap ng pastulan. 10Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito. 11Ako ang mabuting pastol. Inialay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12Ang isang bayarang-lingkod, na hindi isang pastol, na hindi nagmamay-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo at pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. Tinatangay ng lobo ang mga ito at pinangangalat ang mga ito. 13Siya ay tatakbo dahil siya ay isang bayarang-lingkod at hindi nagmamalasakit sa mga tupa. 14Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang sa akin, at ang sa akin ay nakikilala ako. 15Kilala ako ng Ama, at kilala ko ang Ama, at ibinigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16Mayroon akong iba pang mga tupa na wala sa tupahang ito. Sila din, kailangan kong dalhin, at makikinig sila sa aking boses upang magkaroon lamang ng isang kawan at isang pastol.

Sulat (Pagtutuli sa Panginoon)

Col 2:8–12

8Tiyakin ninyong walang huhuli sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at ang walang kabuluhang pagmamayabang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga elemento ng mundo, at hindi naaayon kay Cristo. 9Sapagkat sa kaniyang katawan nabubuhay ang lahat ng kaganapan ng Diyos. 10At napuno kayo sa kaniya. Siya ang ulo ng bawat kapangyarihan at kapamahalaan. 11Sa kaniya, tinuli rin kayo sa pamamagitan ng pagtutuli na hindi ginagawa ng mga tao, ang pagtatanggal sa katawan ng laman, ngunit sa pagtutuli ni Cristo. 12Inilibing kayong kasama niya sa bautismo. At sa kaniya ay ibinangon kayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na siyang nagbangon sa kaniya mula sa mga namatay.

Sulat (San Basilio)

Heb 7:26–8:2

26Sapagkat ganito ang pinaka-punong pari na nararapat para sa atin. Siya ay walang kasalanan, walang dungis, dalisay, ibinukod mula sa mga makasalanan, at naging lalong mataas kaysa sa kalangitan. 27Hindi siya nangangailangan, di tulad ng mga pinaka-punongpari, na mag-alay ng handog araw-araw, una para sa kaniyang sariling kasalanan, at pagkatapos para sa kasalanan ng mga tao. Ginawa niya ito nang minsanan para sa lahat, nang inialay niya ang kaniyang sarili. 28Sapagkat ang kautusan ang humirang ng mga tao na may kahinaan katulad ng mga pinakapunong pari, ngunit ang salita ng panunumpa, na dumating matapos ang kautusan, ay naghirang ng isang Anak, na siyang ginawang ganap magpakailanman. 8:1Ngayon, ito ang paksa ng aming sinasabi, mayroon tayong isang pinaka-punong pari na nakaupo sa kanang kamay ng trono ng Kamahalan sa kalangitan. 2Isa siyang lingkod sa lugar na banal, ang tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng sinumang tao.

Ebanghelyo (Pagtutuli sa Panginoon)

Luc 2:20–21, 40–52

20Bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos sa lahat ng kanilang narinig at nakita, tulad ng sinabi sa kanila. 21Noong ikawalong araw at siyang panahon para tuliin ang sanggol, pinangalanan nila siyang Jesus, ang pangalan na ibinigay ng anghel bago pa siya ipinagbuntis. 40Ang bata ay lumaki at naging malakas, lumalawak sa karunungan at ang biyaya ng Diyos ay nasa kaniya. 41Ang kaniyang mga magulang ay pumupunta sa Jerusalem taon-taon para sa Pista ng Paskwa. 42Nang siya ay labindalawang taong gulang, sila ay muling umakyat para sa nakaugaliang panahon para sa pista. 43Pagkatapos nilang manatili sa buong bilang ng araw para sa pista, nagsimula na silang umuwi. Ngunit ang batang Jesus ay nanatili sa Jerusalem at ito ay hindi alam ng kaniyang mga magulang. 44Inakala nila na siya ay nasa pangkat na kasama nilang naglalakbay, kaya sila ay nagpatuloy ng isang araw sa paglalakbay. Pagkatapos ay nagsimula silang hanapin siya sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. 45Nang siya ay hindi nila matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at sinimulang hanapin siya roon. 46At nangyari nga na makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila siya sa loob ng templo na nakaupo sa gitna ng mga guro, nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila ng mga katanungan. 47Lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at sa kaniyang mga kasagutan. 48Nang siya ay nakita nila, nagulat sila. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan ng ganito? Makinig ka, ako at ang iyong ama ay nag-aalala na naghahanap sa iyo.” 49Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na narito sa bahay ng aking Ama?” 50Ngunit hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin sa mga salitang iyon. 51Pagkatapos, siya ay sumama sa kanila pabalik sa kanilang tahanan sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kaniyang ina ang lahat ng bagay na ito sa kaniyang puso. 52At si Jesus ay patuloy na lumaki sa karunungan at pangangatawan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.

Ebanghelyo (San Basilio)

Luc 6:17–23

17Pagkatapos, si Jesus ay bumaba mula sa bundok kasama sila at tumayo sa patag na lugar. Naroon ang napakaraming bilang ng kaniyang mga alagad, ganoon din ang malaking bilang ng tao na mula sa Judea at Jerusalem at mula sa dalampasigan ng Tiro at Sidon. 18Sila ay dumating upang makinig sa kaniya at para gumaling sa kanilang mga karamdaman. Ang mga taong binabagabag ng mga maruming espiritu ay pinagaling din. 19Ang lahat ng napakaraming tao ay sinusubakan siyang hipuin dahil ang kapangyarihang magpagaling ay lumalabas mula sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat. 20Pagkatapos ay tumingin siya sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Pinagpala kayong mga mahihirap sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. 21Pinagpala kayo na nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay mapupuno. Pinagpala kayo na tumatangis ngayon sapagkat kayo ay tatawa. 22Pinagpala kayo kung kayo ay kinamumuhian ng mga tao at kung kayo ay ihinihiwalay at itinuturing ang inyong pangalan na masama alang-alang sa Anak ng Tao. 23Magalak sa araw na iyon at tumalon sa galak sapagkat tiyak na kayo ay may dakilang gantimpala sa langit, sapagkat ang kanilang mga ninuno ay pinakitunguhan ang mga propeta sa ganoon ding paraan.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Enero 14

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Enero 1 sa kalendaryo ng simbahan ay Enero 14 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan