Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Enero 2027 › Enero 3

Kalendaryong Orthodox · Disyembre 21 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Enero 3, 2027

Linggo · Tono 6

Mga kapistahan at mga santo

Ika-31 Linggo pagkatapos ng Pentekostes

Linggo bago ang Pasko

Pag-aayuno ng Pasko

Pag-aayuno: may langis

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Gen 14:14–20

14Ngayon nang marinig ni Abram na nabihag ng mga kaaway ang kaniyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kaniyang tatlong daan at labing walong sinanay na tauhan, na ipinanganak sa kaniyang sambahayan, at tinugis niya sila hanggang sa Dan. 15Kinagabihan hinati niya ang kaniyang mga tauhan laban sa kanila at nilusob sila, at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco. 16Pagkatapos dinala niya ang lahat ng mga ari-arian, at dinala rin niya ang kaniyang kamag-anak na si Lot at ang kaniyang mga kagamitan, pati na rin ang mga kababaihan at ang iba pang mga tao. 17Matapos bumalik ni Abram mula sa pagtalo kina Kedorlaomer at sa mga hari na kasama niya, ang hari ng Sodoma ay lumabas para salubungin siya sa lambak ng Save (tinatawag ding Lambak ng Hari). 18Naglabas si Melquisedec, hari ng Salem, ng tinapay at alak. Siya ay pari ng Kataastaasang Diyos. 19Siya ay kaniyang pinagpala na nagsasabing, “Pagpalain ka Abram ng Kataastaasang Diyos, Manlilikha ng langit at lupa. 20Pagpalain ang Kataastaasang Diyos, na siyang nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” Pagkatapos ibinigay ni Abram sa kaniya ang ikasampu ng lahat ng kaniyang pag-aari.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Deut 1:8–11, 15–17

8Masdan ito, inilagay ko ang lupain sa harapan ninyo; pumaroon at angkinin ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama—kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob—para ibigay sa kanila at sa kanilang mga kaapu-apuhang susunod sa kanila.' 9Nagsalita ako sa inyo nang panahong iyon, na nagsasabing, 'Hindi ko kayang dalhin kayo ng mag-isa. 10Pinarami kayo ni Yahweh na inyong Diyos, masdan ninyo, sa araw na ito kayo ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami. 11Nawa'y si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, ay gawin kayong makalibo pa sa dami ninyo ngayon at pagpalain kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyo! 15Kaya kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga matatalinong lalaki at mga lalaking may magandang kalooban at ginawa silang mga pinuno ninyo, mga punong kawal ng libu-libo, mga punong kawal ng daan-daan, mga punong kawal ng lima-limampu, mga punong kawal ng sampu-sampu at mga pinuno, lipi sa lipi. 16Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon, na nagsasabing, 'pakinggan ninyo ang mga pagtatalo sa pagitan ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang pagitan ng isang lalaki at kaniyang kapatid, at ang dayuhang kasama niya. 17Hindi kayo magpapakita ng pagtatangi sa sinumang nasa isang pagtatalo, maririnig ninyo ng magkatulad ang maliit at malaking bagay. Hindi dapat kayo matakot sa mukha ng tao, dahil ang kahatulan ay sa Diyos. Ang pagtatalo na sobrang mahirap para sa inyo, dadalhin ninyo ito sa akin at pakikinggan ko ito.'

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Deut 10:14–21

14Tingnan ninyo, pag-aari ni Yahweh na inyong Diyos ang langit ng kalangitan, ang sanlibutan, kasama ang lahat na nasa kanila. 15Si Yahweh lamang ang nasiyahan sa inyong mga ama para ibigin sila, at pinili niya kayo, na kanilang mga kaapu-apuhan, na kasunod nila, kaysas sa sa ibang mga tao, gaya ng ginagawa niya ngayon. 16Kaya nga tuliin ang masamang balat ng inyong puso at huwag maging suwail. 17Dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, ang tanging makapangyarihan at ang tanging kinatatakutan, na siyang walang itinatanging sinuman at hindi tumatanggap ng mga suhol. 18Nagpapatupad siya ng katarungan para sa ulila at balo, at ipinapakita niya ang pagmamahal para sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain at kasuotan. 19Kaya mahalin ang dayuhan; dahil naging dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. 20Katatakutan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; siya ang inyong sasambahin. Kailangan ninyong kumapit sa kaniya, at mangangako kayo sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. 21Siya ang inyong papuri, at siya ay inyong Diyos, na siyang gumawa para sa inyo ng makapangyarihan at nakakatakot na mga bagay na ito, na nakita ng inyong mga mata.

Ikasiyam na Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga

Juan 20:19–31

19Kinagabihan ng araw na iyon na unang araw ng linggo, at habang nakasara ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20Nang sinabi niya ito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. At nang makita ng mga alagad ang Panginoon, nagalak sila. 21At muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo. Kung paano ako isinugo ng Ama, gayun din ko kayo sinusugo.” 22Nang sinabi ito ni Jesus, hiningahan niya sila, at sinabi sa kanila, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23Kung kanino mang kasalanan ang inyong patatawarin, ang mga ito ay pinatatawad para sa kanila; kung kanino mang mga kasalanan ang inyong pinanatili, ang mga ito ay mananatili.” 24Si Tomas, na isa sa Labindalawa, na tinatawag na Didimo, ay hindi nila kasama nang si Jesus ay dumating. Paglaon ay sinabi ng iba pang mga alagad sa kaniya, 25“Nakita namin ang Panginoon.” Sinabi niya sa kanila, “Maliban na makita ko ang mga bakas ng mga pako sa kaniyang mga kamay, at mailagay ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako maniniwala.” 26Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ang mga alagad at si Tomas ay kasama nila. Dumating si Jesus habang ang mga pinto ay nakasara, tumayo sa gitna nila at sinabi, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo.” 27At sinabi niya kay Tomas, “Iabot mo dito ang iyong daliri at tingnan ang aking mga kamay; iabot mo rito ang iyong mga kamay at ilagay sa aking tagiliran; huwag maging walang pananampalataya ngunit maniwala ka.” 28Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya, “Aking Panginoon at aking Diyos.” 29Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Dahil nakita mo ako, ikaw ay naniwala”. Pinagpala silang mga hindi nakakita ngunit naniwala.” 30Ngayon, si Jesus ay gumawa ng maraming mga tanda sa harapan ng mga alagad, mga tandang hindi naisulat sa aklat na ito, 31ngunit naisulat ang mga ito upang kayo ay maniwala na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang habang kayo ay naniniwala, kayo ay magkakaroon ng buhay sa kaniyang pangalan.

Sulat (Linggo bago ang Pasko)

Heb 11:9–10, 17–23, 32–40

9Sa pamamagitan ng pananampalataya siya ay nanirahan sa lupang ipinangako bilang isang dayuhan. Siya ay namuhay sa tolda na kasama sina Isaac at Jacob na parehong tagapagmana ng pangako. 10Ito ay dahil sa tumingin siya sa hinaharap sa pagtatayo ng isang lungsod na ang arketekto at tagapagpatayo ay ang Diyos. 17Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abraham pagkatapos subuking ialay si Isaac. Oo siya na masayang tumanggap ng mga pangako ay inialay ang kaniyang nag-iisang anak, 18tungkol sa kaniya ang sinabi, “Magmumula kay Isaac ang iyong mga salinlahi.” 19Isinaalang- alang ni Abraham na bubuhayin ng Diyos si Isaac mula sa mga patay, at sa matalinhagang pagsasalita, natanggap niya siyang muli. 20Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na pinagpala ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na darating. 21Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Jacob, nang siya ay mamamatay na, pinagpala niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose. Si Jacob ay sumamba na nakahilig sa taas ng kaniyang tungkod. 22Ito ay sa pamamagitan din ng pananamplataya na si Jose, nang malapit na ang kaniyang katapusan, ay nagsalita patungkol sa paglisan ng mga anak ng Israel mula sa Egipto at inutos na dalhin kasama nila ang kaniyang mga buto. 23Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Moises, nang siya ay ipanganak ay itinago siya ng kaniyang mga magulang ng tatlong buwan dahil nakita nila na siya ay isang magandang bata at hindi sila takot sa utos ng hari. 32At ano pa ba ang aking sasabihin? Hindi na sapat ang aking oras kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepta, David, Samuel, at ng mga propeta, 33na sa pamamagitan ng pananampalataya ay sumakop ng mga kaharian, gumawa ng may katarungan, at tumanggap ng mga pangako. Sila ay nagpatikom ng bibig ng mga lion, 34pinawi ang kapangyarihan ng apoy, tumakas sa talim ng espada, kung saan gumaling mula sa mga karamdaman, naging tanyag sa pakikipaglaban, at naging dahilan ng pagtakas ng mga sundalong dayuhan. 35Tinanggap ng mga kababaihan ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. Ang iba ay pinahirapan, ng hindi tinatanggap ang kanilang paglaya upang maranasan nila ang mas mainam na muling pagkabuhay. 36Ang iba ay nagdusa ng pangaalipusta, at paghampas, oo, kahit ng mga kadena at pagkakulong. 37Kung saan binato sila. Nilagari sila sa dalawa. Pinatay sila sa pamamagitan ng espada. Sila ay namuhay na nakadamit ng balat ng mga tupa at balat ng mga kambing na hirap na hirap, nagpakasakit at pinagmalupitan, 38(Sila na hindi karapat-dapat sa mundo), naglibot sa ilang, sa mga kabundukan, sa mga kuweba at sa mga butas sa lupa. 39Bagamat ang lahat ng mga taong ito ay pinagtibay ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, hindi nila natanggap ang anumang kaniyang ipinangako. 40May inihanda ang Diyos sa simula pa na mas mainam para sa atin, dahil kung wala tayo hindi sila magiging ganap.

Ebanghelyo (Linggo bago ang Pasko)

Mat 1:1–25

1Ito ang aklat ng talaan ng angkan ni Jesu-Cristo na anak ni David na anak ni Abraham. 2Si Abraham ang ama ni Isaac at si Isaac ang ama ni Jacob, at si Jacob ang ama ni Juda at ng mga kapatid niya. 3Si Juda ang ama ni Fares at Zara kay Tamar, si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. 4Si Aram ang ama ni Aminadab, si Aminadab ang ama ni Naason, si Naason ang ama ni Salmon. 5Si Salmon ang ama ni Boaz kay Rahab, si Boaz ang ama ni Obed kay Ruth, si Obed ang ama ni Jesse, 6Si Jesse ang ama ni David na hari, si David ang ama ni Solomon sa asawa ni Urias. 7Si Solomon ang ama ni Rehoboam, si Rehoboam ang ama ni Abias, si Abias ang ama ni Asa. 8Si Asa ang ama ni Josafat, si Josafat ang ama ni Joram, si Joram ang ama ni Ozias. 9Si Ozias ang ama ni Jotam, si Jotam ang ama ni Acaz, si Acaz ang ama ni Ezequias. 10Si Ezequias ang ama ni Manases, si Manases ang ama ni Amon, at si Amon ang ama ni Josias. 11Si Josias ang ama ni Jeconias at ng mga kapatid niya noong panahon ng pagpapatapon sa Babilonia. 12Pagkatapos ng pagpapatapon sa Babilonia, anak naman ni Jeconias si Salatiel, si Salatiel ay ninuno ni Zerubabel. 13Si Zerubabel ang ama ni Abiud, si Abiud ang ama ni Eliakim, at si Eliakim ang ama ni Azor. 14Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ang ama ni Aquim, at si Aquim ang ama ni Eliud. 15Si Eliud ang ama ni Eliasar, si Eliasar ang ama ni Matan, at si Matan ang ama ni Jacob. 16Si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria na nagsilang kay Jesus, na tinatawag na Cristo. 17Lahat ng salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat na salinlahi, mula kay David hanggang sa pagkakatapon sa Babilonia ay labing-apat na salinlahi, mula sa pagpapatapon sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat na salinlahi. 18Naganap ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa ganitong kapamaraanan. Si Maria na kaniyang ina ay naipagkasundong maikasal kay Jose. Ngunit bago pa man sila magsama, nalamang nagdadalang tao siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya. 20Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.” 22Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23“Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.” 24Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya. 25Gayunpaman, hindi niya ito sinipingan hanggang sa isinilang niya ang anak na lalaki. At tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Enero 3

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Disyembre 21 sa kalendaryo ng simbahan ay Enero 3 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan