18:13Pagkatapos sa ika-labing apat na taon ni Haring Hezekias, nilusob ni Senaquerib na hari ng Asiria ang lahat ng matitibay na lungsod ng Juda at sinakop sila.
18:14Kaya nagpadala si Hezekias hari ng Juda ng mensahe sa hari ng Asiria, na nasa Lacis, sinasabing, “Nasaktan ko ang iyong kalooban. Lumayo ka mula sa akin. Titiisin ko kung anuman ang ipataw mo sa akin.” Hiningi ng hari ng Asiria kay Hezekias na hari ng Juda na magbayad ng tatlong daang talento ng pilak at tatlumpung talento ng ginto.
18:15Kaya binigay sa kaniya ni Hezekias ang lahat ng pilak na natagpuan sa tahanan ni Yahweh at sa mga pananalapi sa palasyo ng hari.
18:16Pagkatapos pinutol ni Hezekias ang ginto mula sa mga pinto ng templo ni Yahweh at mula sa mga poste na kaniyang pinagpatungan; binigay niya ang ginto sa hari ng Asiria.
18:17Pero pinakilos ng hari ng Asiria ang kaniyang dakilang hukbo, pinadala si Tartan at Rabsaris at ang punong tagapag-utos mula sa Lacis kay Haring Hezekias sa Jerusalem. Naglakbay sila sa kalsada at dumating sa labas ng Jerusalem. Nilapitan nila ang padaluyan ng tubig sa itaas na tubigan, sa malawak na daanan ng mga naglalaba, at tumayo dito.
18:18Nang nanawagan sila kay Haring Hezekias, sina Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala ng sambahayan, at Sebna ang eskriba, at Joas anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay lumabas para katagpuin sila.
18:19Kaya sinabi sa kanila ng punong tagapag-utos na sabihin kay Hezekias kung ano ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: “Ano ang pinanggagalingan ng iyong kapanatagan?
18:20Nagsasalita ka lang ng mga walang kabuluhang mga salita, sinasabi mong may mga alyansa at lakas para sa digmaan. Ngayon sino ang iyong pinagkakatiwalaan? Sino ang nagbigay sa iyo ng tapang na maghimagsik laban sa akin?
18:21Tingnan mo, nagtitiwala ka sa tungkod na panglakad ng bugbog na tambo ng Ehipto, pero kapag sinandalan ito ng isang tao tutusok ito sa kaniyang kamay at bubutasin ito. Iyon ang Paraon hari ng Ehipto sa sinumang nagtitiwala sa kaniya.
18:22Pero kapag sinabi mo sa akin, 'Nagtitiwala kami kay Yahweh aming Diyos', hindi ba't siya ang tinaggalan ni Hezekias ng mga dambana at mga altar, at sinabi sa Juda at sa Jerusalem, 'Dapat kayong magsamba sa altar na ito sa Jerusalem'?
18:23Kaya ngayon, nais kong gumawa ka ng magandang alok mula sa aking panginoon ang hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakahanap ka ng mga sasakay sa kanila.
18:24Paano mo malalabanan kahit ang isang kapitan ng mahihina sa mga lingkod ng aking panginoon? Pinagkatiwalaan mo ang Ehipto para sa mga karwahe at mangangabayo!
18:25Naglakbay ba ako dito nang wala si Yahweh para labanan at wasakin ang lugar na ito? Sinabi sa akin ni Yahweh, 'Lusubin mo ang lupain at wasakin ito.'”
18:26Pagkatapos sinabi nila Eliakim na anak ni Hilkias, ni Sebna, at ni Joas sa punong tagapag-utos, “Pakiusap, kausapin mo ang iyong mga lingkod sa wikang Aramaic, dahil naiintindihan namin ito. Huwag mo kaming kausapin sa wika ng Juda sa tainga ng mga mamamayang nasa pader.”
18:27Pero sinabi ng punong tagapag-utos sa kanila, “Pinadala ba ako ng aking panginoon para sabihin sa inyong panginoon at sa inyo ang mga salitang ito? Hindi ba niya ako pinadala para sa mga taong nakaupo sa pader, ang kakain ng kanilang sariling mga dumi at iinumin ang kanilang mga ihi kasama ninyo?”
18:28Pagkatapos tumayo ang punong tagapag-utos at sumigaw nang may malakas na tinig sa wikang Judio, “Makinig sa salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria.
18:29Sinasabi ng hari, “Huwag ninyong hayaang linlangin kayo ni Hezekias, dahil hindi niya kayo maliligtas mula sa aking kapangyarihan.
18:30Huwag ninyong hayaang pilitin kayo ni Hezekias na pagkatiwalaan si Yahweh, na sinasabing, “Siguradong ililigtas tayo ni Yahweh; hindi mapapasakamay ang lungsod na ito sa hari ng Asiria.'”
18:31Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil ito ang sinasabi ng hari ng Asiria: 'Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo at pumunta sa akin. Pagkatapos ang bawat isa sa inyo ay kakain sa sarili niyang ubasan at mula sa sarili niyang puno ng igos, at iinom ng tubig mula sa sarili niyang balon.
18:32Gagawin ninyo ito hanggang sa dumating ako at dalhin kayo sa lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at ubasan, isang lupain ng mga puno ng olibo at pulot, para mabuhay kayo at hindi mamatay.' Huwag kayong makinig kay Hezekias kapag sinubukan niya kayong pilitin, na sinasabing, 'Sasagipin tayo ni Yahweh.'
18:33Mayroon ba sa mga diyos ng mga tao ang sumagip sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria?
18:34Nasaan na ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan na ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena, at Iva? Sinagip ba nila ang Samaria mula sa aking kamay?
18:35Sa lahat ng mga diyos sa lupain, mayroon bang diyos na nakapagsagip ng kaniyang lupain mula sa aking kapangyarihan? Paano ililigtas ni Yahweh ang Jerusalem mula sa aking kapangyarihan?”
18:36Pero nanatiling tahimik ang mga mamamayan at hindi sumagot, dahil sinabi sa kanila ng hari, “Huwag ninyo siyang sasagutin.”
18:37Pagkatapos sina Eliakim na anak ni Hilkias, ang pinuno ng sambahayan; si Sebna ang eskriba; at Joas ang anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pinuntahan si Hezekias nang may mga punit na damit, at inulat sa kaniya ang mga sinabi ng punong tagapag-utos.
19:1Nangyari nga nang malaman ni Haring Hezekias ang ulat, pinunit niya ang kaniyang damit, binalutan ang kaniyang sarili ng magaspang na tela, at nagpunta sa tahanan ni Yahweh.
19:2Pinadala niya si Eliakim, na tagapamahala ng sambahayan, at Sebna ang eskriba, at ang mga nakatatanda sa mga pari, na binabalutan ng magaspang na tela, kay Isaias ang anak ni Amoz, ang propeta.
19:3Sinabi nila sa kaniya, “Sinasabi ni Hezekias, 'Ang araw na ito ay araw ng kabalisaan, pagsaway, at kahihiyan, dahil dumating na ang panahon ng pagpapanganak sa mga sanggol, pero walang lakas para isilang sila.
19:4Maaaring pakikinggan ni Yahweh ang inyong Diyos ang lahat ng mga sinabi ng punong tagapag-utos, na pinadala ng hari ng Asiria na kaniyang panginoon para labanan ang buhay na Diyos, at sasawayin ang mga salitang narinig ni Yahweh na inyong Diyos. Ngayon ay itaas ninyo ang inyong mga panalangin para sa mga nalalabing naririto pa.”
19:5Kaya pumunta ang mga lingkod ni Haring Hezekias kay Isaias,
19:6at sinabi sa kanila ni Isaias, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon: 'Sinasabi ni Yahweh, “Huwag kang matakot sa mga salitang narinig mo, kung saan kinutya ako ng mga lingkod ng hari ng Asiria.
19:7Tingnan mo, maglalagay ako sa kaniya ng espiritu, at makaririnig siya ng isang ulat at babalik siya sa sarili niyang lupain. Dudulutin ko siyang malaglag sa espada sa sarili niyang lupain.”
19:8Pagkatapos bumalik ang punong tagapag-utos at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigmaan laban sa Libna, dahil narinig niyang umalis ang hari mula sa Lacis.
19:9Pagkatapos narinig ni Senaquerib na kumilos si Tirhaka ang hari ng Etiopia at ang Ehipto para kalabanin siya, kaya muli siyang nagpadala ng mensahero kay Hezekias na may mensaheng:
19:10“Sabihin mo kay Hezekias hari ng Juda, 'Huwag mong hayaang linlangin ka ng Diyos na siyang pinagkakatiwalaan mo, na sinasabing, “Hindi mapapasakamay ng hari ng Asiria ang Jerusalem.
19:11Tingnan mo, narinig mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng mga lupain sa pamamagitan ng ganap na pagwawasak sa kanila. Kaya masasagip ka ba?
19:12Niligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ama: Gozan, Haran, Rezef, at ang mga mamamayan ng Eden sa Telasar?
19:13Nasaan ang mga hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng mga lungsod ng Sefarvaim, ng Hena, at Iva?”
19:14Natanggap ni Hezekias ang liham na ito mula sa mga mensahero at binasa ito. Umakyat siya sa tahanan ni Yahweh at nilatag ito sa kaniyang harapan.
19:15Pagkatapos nanalangin si Hezekias sa harapan ni Yahweh at sinabing, “Yahweh ng mga hukbo, Diyos ng Israel, ikaw na nakaluklok sa ibabaw ng kerubim, ikaw lang ang Diyos sa lahat ng mga kaharian sa buong mundo. Nilikha mo ang langit at ang lupa.
19:16Ibaling mo ang iyong tainga, Yahweh, at makinig. Buksan mo ang iyong mga mata, Yahweh, at tingnan, at pakinggan ang mga salita ni Senaquerib, na kaniyang pinadala para kutyain ang buhay na Diyos.
19:17Tunay nga, Yahweh, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain.
19:18Nilagay nila ang kanilang mga diyos sa apoy, dahil hindi sila mga diyos pero gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy lamang at bato. Kaya winasak sila ng mga taga-Asiria.
19:19Kaya ngayon, Yahweh aming Diyos, iligtas mo kami, nagmamakaawa ako, mula sa kaniyang kapangyarihan, para malaman ng lahat ng mga kaharian sa mundo na ikaw, Yahweh, ang nag-iisang Diyos.”
19:20Pagkatapos nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Hezekias, sinasabing, “Sinasabi ni Yahweh ang Diyos ng Israel, 'Dahil nanalangin ka sa akin tungkol kay Senaquerib ang hari ng Asiria, narinig kita.
19:21Ito ang mensahe na sinabi ni Yahweh tungkol sa kaniya: “Kinamumuhian ka ng birheng anak na babae ng Sion at pinagtatawanan ka para hamakin ka. Iniiling ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
19:22Sino ang iyong sinuway at kinutya? At sino ang iyong pinagtaasan ng boses at itinaas ang iyong mata nang may pagmamataas? Laban sa Banal ng Israel!
19:23Nilabanan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga mensahero, at sinabing, “Kasama ng daan-daang kong mga karwahe ay umakyat ako sa kataasan ng mga kabundukan, sa pinakamataas na tuktok ng Lebanon. Puputulin ko ang matatayog na sedar at mainam na mga puno ng igos doon. At papasukin ko ang pinaka malalayong bahagi nito, ang pinaka masagana nitong gubat.
19:24Humukay ako ng mga balon at uminom ng mga tubig mula sa mga ibang bansa. Tinuyot ko ang lahat ng mga ilog ng Ehipto sa ilalim ng aking talampakan.'
19:25Hindi mo pa ba naririnig kung paano ko ito itinakda noon pa man, at ginawa ito noong sinaunang panahon? Ngayon ay tinutupad ko na ito. Narito ka para tibagin ang matitibay na lungsod at maging tumpok ng mga durog na bato.
19:26Ang kanilang mga mamamayan, na kaunti ang lakas, ay nawasak at napahiya. Sila ay mga halaman sa bukirin, luntiang mga damo, ang damo sa bubungan o sa bukirin, na sinunog bago pa man ito lumaki.
19:27Pero alam ko ang iyong pag-upo, paglabas, pagdating, at ang iyong matinding galit laban sa akin.
19:28Dahil sa matinding galit mo sa akin, at dahil umabot sa aking pandinig ang iyong kayabangan, ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong, at ang aking lubid sa iyong bibig; ibabalik kita sa paraan kung paano ka dumating.”
19:29Ito ang magiging tanda para sa iyo: Sa taon na ito ay kakainin mo ang mga ligaw na halaman, at sa pangalawang taon ang tutubo mula roon. Pero sa pangatlong taon ay dapat kang magtanim at umani, magtanim ng ubasan at kainin ang kanilang bunga.
19:30Ang mga natira sa angkan ni Juda na mabubuhay ay muling uugat at mamumunga.
19:31Dahil mula sa Jerusalem ay may lalabas na nalabi, mula sa Bundok Sion ay darating ang mga naligtas. Gagawin ito ng kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo.
19:32Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya papasok sa lungsod na ito ni papana ng palaso rito. Hindi siya makakalapit dito ng may kalasag ni magtatayo ng tungtungang panglusob dito.
19:33Ang daan na kaniyang tinahak para makarating ang magiging parehong daanan sa kaniyang pag-alis; hindi siya papasok sa lungsod na ito. Ito ang kapahayagan ni Yahweh.”
19:34Dahil ipagtatanggol ko ang lungsod na ito at sasagipin ito, para sa sarili kong kapakanan at para sa kapakanan ng lingkod kong si David.”
19:35Nang gabing iyon lumabas ang anghel ng Diyos at nilusob ang kampo ng mga taga-Asiria, pinatay ang 185,000 na mga sundalo. Nang bumangon ang mga lalaki ng madaling araw, nagkalat ang mga bangkay sa paligid.
19:36Kaya umalis si Senaquerib na hari ng Asiria sa Israel at umuwi at nanatili sa Ninive.
19:37Kinalaunan, habang sumasamba siya sa tahanan ni Nisroc ang kaniyang diyos, pinatay siya ng kaniyang mga anak na sina Adramelec at Sarezer gamit ang espada. Pagkatapos tumakas sila sa lupain ng Ararat. Pagkatapos ang kaniyang anak na si Esarhadon ang pumalit sa kaniya bilang hari.