Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Mula kay Hezekias hanggang kay Josias

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Mula kay Hezekias hanggang kay Josias

Si Manases, hari ng Juda

2 Hari 21:1–18 · 2 Cro 33:1–20

2 Mga Hari

2 Hari 21:1–18

1Labingdalawang taong gulang si Manasses nang magsimula siyang maghari; naghari siya ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Hefzibas ang pangalan ng kaniyang ina.

2Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng mga nakapandidiring mga bagay ng mga bansa na pinalayas ni Yahweh sa harapan ng bayan ng Israel.

3Dahil itinayo niya muli ang mga dambana na winasak ng kaniyang ama na si Hezekias, at nagtayo siya ng mga altar para kay Baal, gumawa ng poste ni Asera, gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at lumuhod siya sa lahat ng mga bituin ng langit at sinamba ang mga ito.

4Nagtayo si Manasses ng paganong mga altar sa tahanan ni Yahweh, bagaman inutos ni Yahweh, “Sa Jerusalem mananatili ang aking pangalan magpakailanman.”

5Nagtayo siya ng mga altar para sa lahat ng mga bituin ng kalangitan sa dalawang patyo ng tahanan ni Yahweh.

6Hinandog niya ang kaniyang anak bilang sinunog na handog sa apoy, nagsagawa siya ng panghuhula at salamangka, at kumonsulta sa mga nakipagusap sa mga patay at sa mga nakipagusap sa mga espiritu. Gumawa siya ng labis na kasamaan sa paningin ni Yahweh, at pinukaw niya ang Diyos na magalit.

7Ang inukit niyang imahe ni Asera na ginawa niya, ay inilagay niya sa tahanan ni Yahweh. Ang tahanan na ito ang lugar kung saan nangusap si Yahweh kay David at Solomon na kaniyang anak; na sinasabing, “Sa tahanan na ito at sa Jerusalem, na aking pinili mula sa lahat ng mga tribo ng Israel, mananatili ang aking pangalan magpakailanman.

8Hindi ko hahayaang maligaw ang landas ng Israel mula sa lupain na aking binigay sa kanilang mga ninuno, kung susundin lang nila ng mabuti ang lahat ng inutos ko sa kanila, at sundin ang lahat ng batas na inutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.”

9Pero hindi nakinig ang mga tao, at inakay sila ni Manasses na gumawa ng higit pang kasamaan kaysa sa mga bansa na winasak ni Yahweh sa harapan ng bayan ng Israel.

10Kaya nangusap si Yahweh sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na sinasabing,

11“Dahil gumawa ng karumal-dumal na mga bagay si Manasses ang hari ng Juda, at kumilos ng may kasamaan na higit pa sa lahat ng ginawa ng mga Amorita na kaniyang sinundan, at dinulot ding magkasala ang Juda kasama ng kaniyang mga diyus-diyosan,”

12kaya sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, “Tingnan ninyo, malapit na akong magpadala ng labis na kapahamakan sa Jerusalem at Juda na kung sinuman ang makarinig nito, kikilabutan ang pareho niyang tainga.

13Ilalatag ko sa ibabaw ng Jerusalem ang panukat na linya na ginamit laban sa Samaria, at ang panghulog na ginamit laban sa bahay ni Ahab; pupunasan at lilinisin ko ang Jerusalem, gaya ng pagpupunas ng pinggan ng isang tao, pinupunasan ito at pagkatapos ay itinataob ito.

14Itatapon ko ang mga nalalabi ng aking mana at ibibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Magiging biktima sila ng pandarambong para sa lahat ng kanilang mga kaaway,

15dahil ginawa nila kung ano ang masama sa aking paningin, at pinukaw ako para magalit, simula nang lumabas ang kanilang mga ninuno sa Ehipto, hanggang sa araw na ito.”

16Higit pa roon, nagpadanak si Manasses ng labis na inosenteng dugo, pinuno niya ng kamatayan ang magkabilang dulo ng Jerusalem. Karagdagan pa ito sa kasalanan na pinilit niyang gawin ng Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh.

17Para sa iba pang mga bagay tungkol kay Manasses, lahat ng kaniyang ginawa, at ang kasalanan na kaniyang ginawa, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Juda?

18Nahimlay si Manasses kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa hardin ng sarili niyang bahay, sa hardin ni Uza. Ang kaniyang anak na si Amon ang pumalit sa kaniya bilang hari.

2 Mga Cronica

2 Cro 33:1–20

1Labing dalawang taong gulang si Manases nang nagsimula siyang maghari; naghari siya ng limampu't limang taon sa Jerusalem.

2Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, tulad ng mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga tao na pinalayas ni Yahweh bago dumating ang mga mamamayan ng Israel.

3Sapagkat itinayo niyang muli ang dambana na giniba ni Ezequias, na kaniyang ama, nagpagawa siya ng altar para kay Baal, at nagtayo siya ng imahen ni Ashera, at lumuhod siya upang sambahin ang lahat ng mga bituin sa langit.

4Nagtayo si Manases ng mga altar ng mga pagano sa tahanan ni Yahweh, bagaman iniutos ni Yahweh na, “Dito sa Jerusalem sasambahin ang aking pangalan magpakailanman.”

5Nagtayo siya ng mga altar para sa lahat ng bituin sa langit sa dalawang patyo sa tahanan ni Yahweh.

6Inihandog niya ang kaniyang mga anak bilang mga handog na susunugin sa lambak ng Ben Hinnom; nagsagawa siya ng panghuhula, pangkukulam at salamangka, at sumangguni sa mga nakikipag-usap sa mga patay at sa mga nakikipag-usap sa espiritu. Marami siyang isinasagawang masasama sa paningin ni Yahweh, at ginalit niya ang Diyos.

7Ang inukit na imahen ni Ashera na kaniyang pinagawa, inilagay niya ito sa tahanan ng Diyos. Ang tahanang ito ang tinutukoy ng Diyos kay David at sa kaniyang anak na si Solomon. Sinabi niya “Sa bahay na ito at sa Jerusalem, na aking pinili mula sa lahat ng mga tribo ng Israel, dito sasambahin ang aking pangalan magpakailanman.

8Hindi ko palalayasin ang mga Israelita kailanman sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung maingat lamang nilang susundin ang lahat ng iniutos ko sa kanila, susundin ang lahat ng mga batas, kautusan, at alituntunin na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises.”

9Pinamunuan ni Manases ang mga taga-Judah at ang mga nakatira sa Jerusalem na gumawa ng masasama ng higit pa sa ginawa ng mga bansang pinuksa ni Yahweh bago dumating ang mga mamamayan ng Israel.

10Nakipag-usap si Yahweh kay Manases, at sa kaniyang mga tao; ngunit hindi nila pinakinggan.

11Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa pinuno ng hukbo ng Hari ng Asiria, na bumihag kay Manases nang nakakadena, at nilagyan ng tanikala ang kanyang mga paa, at dinala siya sa Babilonia.

12Nang nagdurusa si Manases, nagmakaawa siya kay Yahweh, na kaniyang Diyos at labis siyang nagpakumbaba sa Diyos ng kaniyang mga ninuno.

13Nanalangin siya sa kaniya; at nagmakaawa siya sa Diyos, at dininig ng Diyos ang kaniyang pagmamakaawa at dinala siya pabalik sa Jerusalem, sa kaniyang pagiging hari. At napagtanto ni Manases na Diyos si Yahweh.

14Pagkatapos nito, gumawa si Manases ng panlabas na pader sa lungsod ni David, sa kanlurang bahagi ng Gihon, sa lambak, hanggang sa pasukan na tinatawag na Isdang Tarangkahan. Pinalibutan niya ang burol ng Ofel ng mga napakataas na pader. Naglagay siya ng mga matatapang na pinuno ng kawal sa lahat ng mga pinagtibay na lungsod ng Juda.

15Inalis niya ang mga diyos ng mga dayuhan, inalis niya ang mga diyus-diyosang mula sa tahanan ni Yahweh at lahat ng altar na itinayo niya sa bundok ng tahanan ni Yahweh at sa Jerusalem, at itinapon ang mga ito palabas ng lungsod.

16Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog doon ng mga handog pangkapayapaan at handog ng pasasalamat; inutusan niya ang Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.

17Gayuman nag-alay pa rin ang mga tao sa dambana, ngunit ang kanilang alay ay kay Yahweh lamang, na kanilang Diyos.

18Tungkol naman sa iba pang mga bagay ukol kay Manases, ang panalangin niya sa kaniyang Diyos, at ang sinabi ng mga Propetang nakipag-usap sa kaniya sa pangalan ni Yahweh, na Diyos ng Israel, nakasulat ang mga ito sa mga ginawa ng mga hari ng Israel.

19Gayundin, ang kaniyang panalangin at kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, lahat ng kaniyang kasalanan at paglabag, at ang mga lugar kung saan siya nagtayo ng mga dambana at naglagay ng mga imahen ni Ashera at ng mga inukit na imahe bago siya nagpakumbaba—nakasulat ang mga ito sa Kasayasayan ng mga Propeta.

20Namatay si Manases kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing siya sa kaniyang sariling bahay. Si Ammon, na kaniyang anak, ang pumalit sa kaniya bilang hari.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY