Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Mula kay Hezekias hanggang kay Josias

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Mula kay Hezekias hanggang kay Josias

Si Josias at ang Aklat ng Kautusan

2 Hari 22:1–20 · 2 Cro 34:1–28

2 Mga Hari

2 Hari 22:1–20

1Si Josias ay walong taong gulang nang magsimula siyang maghari; naghari siya nang tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jedida (siya ang anak ni Adaya na taga-Boskat).

2Ginawa niya kung ano ang tama sa mata ni Yahweh. Lumakad siya sa lahat ng pamamaraan ni David ang kaniyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan man o sa kaliwa.

3Nangyari ito sa ika-labing walong taon ni Haring Josias, nang isinugo niya si Safan anak na lalaki ni Azalias anak na lalaki ni Mesulam, ang eskriba, sa tahanan ni Yahweh, na sinasabing,

4Pumunta ka kay Hilkias ang punong pari at sabihin sa kaniyang bilangin ang pera na dinala sa tahanan ni Yahweh, na nalikom ng mga bantay ng templo mula sa bayan.

5Ipadala mo ito sa kanila sa mga manggagawa na namamahala sa tahanan ni Yahweh at ipabigay mo ito sa mga manggagawa na nasa tahanan ni Yahweh, para kumpunihin ang mga sira sa templo.

6Magpabigay ka sa kanila ng pera sa mga karpintero, mga nagtatayo, at mga mason, at para bumili rin ng troso at magtabas ng bato para kumpunihin ang templo.”

7Pero hindi kinailangan ang pagbibigay-sulit para sa pera na ibinigay sa kanila, dahil tapat nila itong pinanghawakan.

8Sinabi ng punong pari na si Hilkias kay Safan, ang eskriba, “Natagpuan ko ang Aklat ng Batas sa tahanan ni Yahweh. Kaya ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.

9Pumunta si Safan at dinala ang aklat sa hari, at nag-ulat din sa kaniya, na nagsasabing, “Nagastos na ng inyong mga lingkod ang pera na natagpuan sa templo at ibinigay ito sa mga tagapangsiwa na nangalaga sa tahanan ni Yahweh.”

10Pagkatapos sinabi ni Safan ang eskriba sa hari, “Binigyan ako ni Hilkias ang pari ng isang aklat.” Pagkatapos binasa ito ni Safan sa hari.

11Noong marinig ng hari ang mga salita ng batas, pinunit niya ang kaniyang mga damit.

12Inutusan ng hari sina Hilkias ang pari, Ahikam na anak ni Safan, Akbor na anak ni Mikaias, Safan ang eskriba, at Asaias, ang kaniyang sariling lingkod, na sinasabing,

13“Pumunta kayo at sumangguni kay Yahweh para sa akin, at para sa bayan at para sa lahat ng Juda, dahil sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Dahil labis ang galit ni Yahweh na nag-alab laban sa atin. Labis ito, dahil hindi nakinig ang ating mga ninuno sa mga salita ng aklat na ito para sundin ang lahat na isinulat tungkol sa atin.”

14Kaya pumunta sina Hilkias ang pari, Ahikam, si Akbor, Safan at Asaias kay Hulda ang babaeng propeta, ang asawa ni Sallum anak ni Tikva anak ni Harhas, tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari (nanirahan siya sa Jerusalem sa ikalawang purok), at nagsalita sila sa kaniya.

15Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa lalaking nagsugo sa iyo sa akin,

16“Ito ang kung ano ang sinasabi ni Yahweh: “Masdan mo, malapit na akong magdala ng sakuna sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng mga salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.

17Dahil tinalikuran nila ako at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyus-diyosan, para galitin nila ako sa lahat ng kanilang mga ginawa - kaya ang aking galit ay nag-alab laban sa lugar na ito, at hindi ito mapapawi.'”

18Pero sa hari ng Juda, na nagsugo sa iyo para tanungin ang kalooban ni Yahweh, ito ang kung ano ang sasabihin ninyo sa kaniya: ' Sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig:

19dahil ang iyong puso ay malambot, at dahil nagpakumbaba ka sa harap ni Yahweh, nang marinig mo ang kung ano ang aking sinabi laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, na sila ay pababayaan at magiging isang sumpa, at dahil sa pinunit mo ang iyong mga damit at nanangis sa harap ko, nakinig din ako sa iyo' - ito ang pahayag ni Yahweh.

20Masdan mo, isasama kita sa iyong mga ninuno; maisasama ka sa iyong libingan nang may kapayapaan, ni makikita ng iyong mga mata ang anuman sa mga sakuna na dadalhin ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito.” Kaya bumalik sa hari ang mga lalaki dala-dala ang mensaheng ito.

2 Mga Cronica

2 Cro 34:1–28

1Walong taong gulang si Josias nang magsimula siyang maghari. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem.

2Ginawa niya kung ano ang tama sa mga mata ni Yahweh at sumunod sa mga yapak ni David na kaniyang ninuno, at hindi lumingon sa kanan man o sa kaliwa.

3Dahil sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, habang siya ay bata pa, sinimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno. Sa ikalabing dalawang taon, sinimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem mula sa mga dambana, mga imahen ni Ashera, at mga inukit na mga imahe, at ang mga molde ng imahe na gawa sa metal.

4Giniba ng mga tao ang mga altar ng mga Baal sa kaniyang harapan. Binasag niya ang mga altar ng insenso na nasa ibabaw nila. Giniba niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga inukit naimahe sa pira-piraso hanggang sa maging abo ang mga ito. Ikinalat niya ang abo sa mga libingan ng mga taong nag-alay sa mga ito.

5Sinunog niya ang mga buto ng kanilang mga pari sa kanilang mga altar. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at ang Jerusalem.

6Ginawa rin niya ito sa mga lungsod ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, at sa mga nawasak na lugar na nakapalibot sa kanila.

7Giniba niya ang mga altar, dinurog ang mga imahen ni Ashera at ang mga inukit na imahe hanggang sa naging pulbos ang mga ito, at hinati-hati ang lahat ng altar ng insenso sa lahat ng dako ng lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.

8Ngayon sa ikalabing-walong taon ng kaniyang paghahari, matapos linisin ni Josias ang lupain at ang templo, ipinadala niya si Safan na anak ni Azalias, si Maasias, ang gobernador ng lungsod, at si Joas na anak ni Joahaz na nakalihim upang ipaayos ang tahanan ni Yahweh na kaniyang Diyos.

9Pumunta sila kay Hilkias, ang pinakapunong pari at ipinagkatiwala sa kaniya ang pera na dinala sa tahanan ng Diyos na tinipon ng mga Levita, ng mga bantay ng mga pintuan mula sa Manases at Efraim, mula sa lahat ng mga naninirahan sa Israel, mula sa buong Juda at Benjamin at mula sa mga naninirahan sa Jerusalem.

10Ipinagkatiwala nila ang pera sa mga kalalakihang namamahala sa mga gawain sa templo ni Yahweh. Binayaran ng mga kalalakihang ito ang mga manggagawang nag-ayos muli ng templo.

11Ibinayad nila ito sa mga karpentero at mga manggagawa, upang bumili ng mga tabas na bato, at mga kahoy na panghalang at para gumawa ng mga barakilan para sa mga gusali na pinabayaan ng ilang mga hari na magiba.

12Ginawa ng mga kalalakihan ang kanilang trabaho nang tapat. Ang kanilang mga tagapamahala ay sina Jahat at Obadias, ang mga Levita, na mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga taga-Kohat. Ang ibang mga Levita, na mahuhusay na manunugtog ay pinamahalaan ang mga trabahador.

13Ang mga Levitang ito ang namahala sa mga nagbuhat ng mga materyales na kinakailangan sa gawain at sa lahat ng mga kalalakihang nagtrabaho sa kahit na anong paraan. Mayroon ding mga Levita na mga kalihim, mga administrador at mga bantay ng tarangkahan.

14Nang inilabas nila ang salapi na ipinasok sa tahanan ni Yahweh, natagpuan ni Hilkias na pari Ang Aklat ng Kautusan ni Yahweh na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.

15Sinabi ni Hilkias sa eskribang si Safan, “Natagpuan ko ang Aklat ng Kautusan sa tahanan ni Yahweh.” Dinala ni Hilkias ang aklat kay Safan.

16Dinala ni Safan ang aklat sa hari at ibinalita sa kaniya, “Ginagawa ng inyong mga lingkod ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanila.

17Ibinuhos nila ang salaping natagpuan sa loob ng tahanan ni Yahweh, at ipinagkatiwala nila ito sa mga tagapamahala at sa mga trabahador.”

18Sinabi ng eskribang si Safan sa hari, “Binigyan ako ng paring si Hilkias ng isang aklat.” Pagkatapos ay binasa ito ni Safan sa hari.

19At nangyari nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kaniyang mga kasuotan.

20Inutusan ng hari si Hilkias, si Ahikam na anak ni Safan, si Abdon na anak ni Mica, sa eskribang si Safan, at si Asias na kaniyang sariling lingkod, sinabi niya,

21“Pumunta kayo at itanong ninyo ang kagustuhan ni Yahweh para sa akin at para sa mga naiwan sa Israel at sa Juda dahil sa mga salita ng aklat na natagpuan. Sapagkat malaki ang galit ni Yahweh na ibinuhos sa atin. Dahil ang ating mga ninuno ay hindi nakinig sa mga salita ng aklat na ito upang sundin ang lahat ng nakasulat dito.”

22Kaya si Hilkias at ang lahat ng inutusan ng hari ay pumunta kay Hulda na isang babaeng propeta, ang asawa ni Sallum na anak ni Tokat na anak ni Hasra, ang tagapag-ingat ng kasuotan (nanirahan siya sa Jerusalem sa Ikalawang Distrito) at nakipag-usap sila sa kaniya sa ganitong paraan:

23Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin,

24“Ito ang sinasabi ni Yahweh: 'Tingnan ninyo, magpapadala ako ng sakuna sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, ang lahat ng mga sumpang naisulat sa aklat na kanilang nabasa sa harapan ng hari ng Juda.

25Dahil tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin ako sa lahat ng kanilang mga ginawa—kung gayon ibubuhos ko ang aking galit sa lugar na ito, at hindi ito mapapawi.”'

26Ngunit sa hari ng Juda, na siyang nagpadala sa inyo upang tanungin ang kagustuhan ni Yahweh, ito ang sasabihin ninyo sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang narinig mo:

27'dahil malambot ang iyong puso at nagpakumbaba ka sa harapan ng Diyos nang marinig mo ang kaniyang mga salita laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, at dahil nagpakumbaba ka sa aking harapan at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak sa aking harapan, nakinig din ako sa iyo'—ito ang pahayag ni Yahweh.

28'Tingnan mo, titipunin kita kasama ng iyong mga ninuno at magsasama-sama kayo sa inyong libingan nang payapa, at hindi mo makikita ang anuman sa mga sakunang ibibigay ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito."”” Kaya dinala ng mga kalalakihan ang mensaheng ito sa hari.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY