Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Pagpitas ng butil sa Araw ng Pamamahinga

Mat 12:1–8 · Mar 2:23–28 · Luc 6:1–5

Mateo

Mat 12:1–8

1Nang panahong iyon, sa Araw ng Pamamahinga, napadaan si Jesus sa mga triguhan. Ang kaniyang mga alagad ay nagutom at nag-umpisa silang pumitas ng mga uhay at kinain iyon.

2Ngunit nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo, ang iyong mga alagad ay gumagawa ng labag sa kautusan sa Araw ng Pamamahinga.”

3Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya ay nagutom at pati ang mga lalaking kasama niya?

4Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos at kinain ang tinapay na handog, na labag sa kautusan na kainin niya at labag sa kautusan na kainin din ng kaniyang mga kasama, ngunit nararapat lamang sa mga pari?

5At hindi ba ninyo nabasa sa kautusan na sa Araw ng Pamamahinga, ang mga pari sa templo ay nilalapastanganan ang Araw ng Pamamahinga ngunit hindi nagkakasala?

6Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang mas dakila sa templo ay narito.

7At kung alam sana ninyo ang ibig sabihin nito, 'Ang nais ko ay habag at hindi handog,' hindi sana ninyo hinatulan ang walang kasalanan.

8Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Marcos

Mar 2:23–28

23Sa Araw ng Pamamahinga, pumunta si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa triguhan at nagsimulang mamitas ang kaniyang mga alagad ng mga uhay.

24At sinabi ng mga Pariseo sa kaniya, “Tingnan mo, bakit sila gumagawa ng bagay na ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?”

25Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong siya ay nangailangan at nagutom—siya at ang mga lalaking kasama niya?

26Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kinain ang tinapay—na handog na hindi naaayon sa batas na kainin ng kahit na sino maliban sa mga pari—at binigyan pa niya ang kaniyang mga kasama?”

27Sinabi ni Jesus, “Ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa para sa sangkatauhan, at hindi ang sangkatauhan para sa Araw ng Pamamahinga.

28Kung gayon, ang Anak ng Tao ay Panginoon maging sa Araw ng Pamamahinga.”

Lucas

Luc 6:1–5

1Ngayon ay nangyari na sa Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay naglalakad sa triguhan at ang kaniyang mga alagad ay nangunguha ng mga uhay, ang mga ito ay kinikiskis sa kanilang mga palad at kinakain ang mga butil.

2Ngunit sinabi ng ibang mga Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng isang bagay na labag sa kautusan na gawin sa Araw ng Pamamahinga?”

3Sumagot si Jesus sa kanila na sinabi, “Hindi man lamang ba ninyo nabasa ang tungkol sa ginawa ni David nang siya ay magutom, siya at ang kaniyang mga kasamang kalalakihan?

4Pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kinuha ang tinapay na handog at kumain ng ilan sa mga ito, at ibinigay din ang ilan sa kaniyang mga kasamang kalalakihan para kainin, kahit na ayon sa batas mga pari lamang ang pwedeng kumain.”

5Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY