Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa Galilea

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa Galilea

Isang tanong tungkol sa pag-aayuno

Mat 9:14–17 · Mar 2:18–22 · Luc 5:33–39

Mateo

Mat 9:14–17

14Pagkatapos ay pumunta ang mga alagad ni Juan sa kaniya at sinabi, bakit kami at ang mga Pariseo ay madalas na nag-aayuno, ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?

15Sinabi ni Jesus sa kanila, “Malungkot ba ang mga panauhin habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na kukunin na sa kanila ang lalaking ikakasal at saka sila mag-aayuno.

16Walang tao ang maglalagay ng bagong tela sa lumang damit, sapagkat pupunitin lamang ng tagpi ang bagong damit, at gagawa lamang ito ng mas malalang punit.

17Ni walang taong maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kung ito ay gagawin, puputok ang sisidlang balat at matatapon lang ang alak, at ang sisidlang balat ay masisira. Sa halip, ilalagay nila ang bagong alak sa bagong sisidlang balat, at pareho silang magtatagal.”

Marcos

Mar 2:18–22

18Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay nag-aayuno. Lumapit ang ilang tao at sinabi sa kaniya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at mga alagad ng mga Pariseo ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?”

19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang mag-ayuno ang mga tagapaglingkod sa kasal kung kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Hanggang kasama pa nila ang lalaking ikakasal ay hindi pa sila maaaring mag-ayuno.

20Ngunit darating din ang araw na ang lalaking ikakasal ay mailalayo sa kanila at sa mga araw na iyon, mag-aayuno sila.

21Walang taong magtatahi ng bagong tela sa lumang damit dahil kung ganoon ang itinagpi nito ay mapupunit at magkakaroon ng mas malalang punit.

22Walang taong maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat dahil kung ganoon ay masisira ng alak ang sisidlang-balat at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlang balat. Sa halip ay maglagay ng bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”

Lucas

Luc 5:33–39

33Sinabi nila sa kaniya, “Ang mga alagad ni Juan ay madalas nag-aayuno at nananalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Ngunit ang iyong mga alagad ay kumakain at umiinom.”

34Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon bang mag-uutos sa mga panauhin ng kasal na mag-ayuno habang kapiling pa nila ang lalaking ikakasal?

35Subalit darating ang mga araw na aalisin mula sa kanila ang lalaking ikakasal, at sa mga araw na iyon sila ay mag-aayuno.”

36Pagkatapos ay nagbahagi din si Jesus ng isang talinghaga sa kanila, “Walang tao ang gugupit ng kapirasong tela mula sa bagong damit upang tagpiin ang lumang damit. Kung ganyan ang gagawin niya, mapupunit niya ang bagong damit, at ang kapirasong tela mula sa bagong damit ay hindi babagay sa tela ng lumang damit.

37Gayundin naman, walang tao ang naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa niya ito, puputukin ng bagong alak ang mga sisidlang balat, at matatapon ang mga alak, at ang mga sisidlan ay masisira.

38Ngunit ang mga bagong alak ay marapat na ilagay sa bagong sisidlang balat.

39Walang tao na pagkatapos uminom ng lumang alak, ay maghahangad na uminom ng bagong alak, dahil sasabihin niya, 'Ang luma ay mas mabuti.'”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY