Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Nobyembre 2027 › Nobyembre 8
Kalendaryong Orthodox · Oktubre 26 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Nobyembre 8, 2027
Lunes · Ika-21 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 3
Mga kapistahan at mga santo
Dakilang Martir Demetrio ng Tesalonica (c. 306)
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
15Tumingin ka mula sa langit at magbigay pansin mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan. Nasaan ang iyong kasigasigan at makapangyarihang mga gawa? Ipinagkait sa amin ang iyong awa at habag. 16Dahil ikaw ay aming ama, kahit hindi kami kilala ni Abraham at hindi kinikilala ng Israel, ikaw, Yahweh, ang aming ama. 'Aming Manunubos' ang naging pangalan mo mula pa noong sinaunang panahon. 17Yahweh, bakit mo kami hinayaang maligaw mula sa iyong mga landas at tumigas ang aming mga puso kaya hindi ka na namin sinusunod? Bumalik ka para sa kapakanan ng iyong mga lingkod, ang mga lipi ng iyong pamana. 18Ang bayan mo ang nagmay-ari ng iyong banal na lugar sa maiksing panahon, pero pagkatapos niyurakan ito ng aming mga kaaway. 19Kami ay naging tulad ng mga hindi mo kailanman pinamahalaan at tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.” 64:1O Yahweh, kung binuksan mo ang kalangitan at ikaw ay bumaba! Nayanig sana ang mga bundok sa iyong presensya, 2tulad nang pagningas ng apoy sa kasukalan, o ng apoy na nagpapakulo ng tubig. O, na malalaman ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan, na manginginig ang mga bansa sa iyong presensya! 3Noon, nang gumawa ka ng mga kamangha-manghang mga bagay na hindi namin inaasahan, bumaba ka, at ang mga bundok ay nayanig sa iyong presensya. 4Mula noong sinaunang panahon wala pang sinuman ang nakarinig o nakakilala, ni nakakita ng anumang Diyos maliban sa iyo, na gumagawa ng mga bagay para sa sinumang umaasa sa kanya. 5Dumarating ka para tulungan ang mga nagagalak na gumawa kung ano ang tama, sila na nakakaalala ng iyong mga paraan at sumusunod sa mga ito. Nagalit ka ng kami ay nagkasala. Sa iyong mga paraan lagi kaming maliligtas. 8Gayun pa man, Yahweh, ikaw ang aming ama, kami ang putik. Ikaw ang nagbigay hugis sa amin, at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. 9Yahweh, huwag kang magalit nang labis sa amin, ni laging alalahanin ang aming mga kasalanan. Pakiusap masdan mo kaming lahat, ang iyong bayan.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
2“Pumunta ka at ipahayag mo sa pandinig ng Jerusalem. Sabihin mo, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Alang-alang sa iyo, inaalala ko ang iyong pangako ng katapatan sa iyong kabataan, ang iyong pag-ibig nang magkasundo tayong magpakasal, nang sundan mo ako sa ilang, ang lupain na walang tanim. 3Nakalaan ang Israel para kay Yahweh, ang unang bunga ng mga ani! Nagkakasala ang lahat ng kumain mula sa mga unang bunga! Darating ang kasamaan sa kanila. Ito ang pahayag ni Yahweh.” 4Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, sambahayan ni Jacob at bawat pamilya sa sambahayan ng Israel. 5Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Ano ang pagkakamaling nakita sa akin ng inyong mga ama upang lumayo sila sa pagsunod sa akin? At sumunod sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan at sila mismo ay naging walang kabuluhan? 6Hindi nila sinabi, 'Nasaan si Yahweh, ang nagpalaya sa atin mula sa lupain ng Egipto? Nasaan si Yahweh, ang nanguna sa atin sa ilang sa lupain ng Araba, sa may tuyong hukay at madilim na lupain, ang lupaing hindi nilalakaran at walang sinuman ang naninirahan?' 7Ngunit dinala ko kayo sa lupain ng Carmel upang kainin ang mga bunga nito at iba pang mga magagandang bagay! Ngunit nang dumating kayo, dinungisan ninyo ang aking lupain, ginawa ninyong kasuklam-suklam ang aking mana! 8Hindi sinabi ng pari, 'Nasaan si Yawheh?' at hindi ako inalala ng mga dalubhasa sa batas! Lumabag ang mga pastol laban sa akin. Nagpahayag ang mga propeta para kay Baal at lumakad sa hindi kapaki-pakinabang na mga bagay. 9Kaya pararatangan ko pa rin kayo at ang anak ng inyong mga anak. Ito ang pahayag ni Yahweh. 10Tumawid kayo sa baybayin ng Chittim at inyong tingnan. Magpadala kayo ng mga mensahero sa Cedar upang malaman at makikita ninyo kung mayroong nangyari noon na gaya nito. 11May bansa bang ipinagpalit ang mga diyos kahit hindi naman sila mga diyos? Ngunit ipinagpalit ng aking mga tao ang kanilang kaluwalhatian sa hindi makakatulong sa kanila. 12Manginig kayo, mga kalangitan dahil dito! Masindak kayo at mangilabot. Ito ang pahayag ni Yahweh.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
Wala sa saling ito
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
16Tingnan ninyo, ipadadala ko kayo na parang mga tupa sa kalagitnaan ng mga asong lobo, kaya maging marunong kayo tulad ng mga ahas at hindi mapanakit tulad ng mga kalapati. 17Mag-ingat kayo sa mga tao! Dadalhin nila kayo sa mga konseho, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. 18At kayo ay dadalhin at ihaharap sa mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga Gentil. 19Kapag dinala nila kayo, huwag kayong mabahala kung paano o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ibibigay sa inyo ang mga dapat ninyong sabihin sa oras na iyon. 20Sapagkat hindi kayo ang magsasalita subalit ang Espiritu ng inyong Ama ang siyang magsasalita sa inyo. 21Dadalhin ng kapatid ang kaniyang kapatid sa kamatayan, at ang ama sa kaniyang anak. Sasalungat ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ipapapatay nila sila. 22Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit sinuman ang makapagtitiis hanggang huli, ang taong iyon ay maliligtas.
Sulat
10Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil sa wakas ay binago ninyo ang inyong pagpapahalaga para sa akin. Bagama't pinahalagahan ninyo ako noon ngunit wala kayong pagkakataon para tumulong. 11Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin. 14Gayunpaman, ginawa ninyo ang mabuti sa pakikibahagi sa aking mga paghihirap. 15At alam ninyo, kayong mga taga-Filipos, na sa simula ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang iglesya ang tumulong sa akin sa bagay ng pagbibigay at pagtatanggap maliban sa inyo lamang. 16Kahit nang ako ay nasa Tesalonica, nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan ng higit sa isang beses. 17Hindi sa hinahanap ko ang kaloob. Sa halip, hinahanap ko ang bunga na nagpapataas ng inyong halaga. 18Nakatanggap at nagkaroon ako ng lahat bagay. Napuno ako. Natanggap ko mula kay Epafroditus ang mga bagay na galing sa inyo. Ang mga ito ay mababangong samyo, katanggap-tanggap at kalugod-lugod na handog sa Diyos. 19At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20Ngayon, nawa'y sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. 21Batiin ninyo ang bawat mananampalataya kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kasamahan kong mananampalataya. 22Binabati kayo ng lahat ng mananampalataya dito, lalo na ang mga nasa sambahayan ni Ceasar. 23Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.
Sulat (para sa lindol)
6Sapagkat ang Panginoon ay nagdidisiplina sa sinumang minamahal niya, at pinarurusahan niya ang bawat anak na kanyang tinatanggap. 7Tiisin ang pagsubok bilang pagdisiplina. Nakikitungo ang Diyos sa inyo bilang mga anak, sapagkat sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng kaniyang ama? 8Ngunit kung kayo ay walang disiplina, kung saan lahat tayo ay dapat kabahagi, kung gayon hindi kayo mga tunay na anak at mga anak sa labas. 9Bukod dito, mayroon tayong mga makamundong amang nagdidisiplina sa atin, at iginagalang natin sila. Hindi ba dapat nararapat na mas higit tayong sumunod sa Ama ng mga espiritu at mabuhay? 10Sapagkat ang ating mga ama nga ay nagdidisplina sa atin ng ilang mga taon sa alam nilang tama para sa kanila, subalit tayo ay dinidisiplina ng Diyos upang tayo ay makibahagi sa kaniyang kabanalan. 11Walang disiplina sa kasalukuyan na masaya kundi masakit. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon ito ay magbibigay ng mapayapang bunga ng katuwiran para sa sinumang nagsanay sa pamamagitan nito. 12Samakatuwid itaas ninyo ang inyong mga kamay na nakababa at palakasing muli ang nanghihinang mga tuhod; 13gawin mong matuwid ang mga daan ng iyong mga paa, upang ang sinumang pilay ay hindi maliligaw sa halip ay gagaling. 25Tiyakin ninyo na hindi ninyo tinanggihan ang nagsasalita. Sapagkat kung hindi sila nakatakas ng sila ay tumanggi sa isang nagbigay babala sa kanila dito sa lupa, tiyak na hindi tayo makakatakas, kung tatalikod tayo mula sa nagbabala mula sa langit. 26At sa mga oras na iyon ang kaniyang tinig ang yayanig sa lupa. Subalit ngayon nangako siya at sinabi, “Minsan ko pang yayanigin hindi lamang ang lupa ngunit maging ang kalangitan.” 27Ang mga salitang ito na,” Ngunit minsan pa,” ay nagpapahiwatig sa pagtanggal ng mga bagay na nayayanig, iyon ay ang mga bagay na nilikha, upang ang mga bagay na hindi nayayanig ay mananatili.
Sulat (San Demetrio)
1Kaya ikaw, anak ko, maging matatag ka sa biyayang nakay Cristo Jesus. 2At ang mga bagay na narinig mo sa akin kasama ng maraming saksi, ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat na tao na kaya ring magturo sa iba. 3Samahan mo ako sa pagdurusa at paghihirap, tulad ng isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. 4Walang sundalo ang naglilingkod habang nakatali sa mga bagay ng buhay na ito, upang sa ganoon kalugdan siya ng kaniyang mataas na opisyal. 5Gayundin naman, kung sinuman ang makipagpaligsahan tulad ng isang manlalaro, hindi siya kokoronahan maliban kung siya ay makipagpaligsahan ayon sa mga alituntunin. 6Kinakailangang ang isang masipag na magsasaka ay maunang tatanggap ng kaniyang bahagi sa ani. 7Isipin mo ang tungkol sa aking sinasabi, sapagkat ang Panginoon ang magbibigay sa iyo ng pang-unawa sa lahat ng bagay. 8Alalahanin mo si Jesu-Cristo, mula sa binhi ni David, na binuhay mula sa mga patay. Ayon ito sa aking mensahe ng ebanghelyo, 9kung saan ako ay nagdurusa na humantong sa pagkakadena sa akin na parang isang kriminal. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nakatanikala. 10Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay para sa mga pinili, upang matamo din nila ang kaligtasan na nakay Cristo Jesus, na may kaluwalhatian na walang hanggan.
Ebanghelyo
22''Ang lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin mula sa aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak, at kanino man na naisin ng Anak na ipahayag siya.” 23Nang humarap siya sa mga alagad, sinabi niya nang bukod, “Pinagpala ang mga nakakakita sa mga bagay na nakikita ninyo. 24Sinasabi ko sa inyo, maraming mga propeta at mga hari na hinangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, at hindi nila ito nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig, at hindi nila narinig.”
Ebanghelyo (para sa lindol)
23Nang sumakay na si Jesus sa bangka, sumunod sa kaniya ang mga alagad niya. 24Masdan ito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa dagat kaya natabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog si Jesus. 25Pumunta sa kaniya ang kaniyang mga alagad at siya ay ginising nila na nagsasabi, “Iligtas mo tayo, Panginoon, mamamatay na tayo!” 26Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot, kayong maliit ang pananampalataya?” At bumangon si Jesus at sinaway ang mga hangin at ang dagat. At nagkaroon ng labis na katahimikan. 27Namangha ang mga lalaki at sinabi nila, “Anong uring tao ito, maging ang dagat at hangin ay sumusunod sa kaniya?”
Ebanghelyo (San Demetrio)
17Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na magmahalan kayo sa isa't isa. 18Kung kinamumuhian kayo ng mundo, alam ninyo na kinamuhian muna ako nito bago kayo kamuhian nito. 19Kung kayo ay sa mundo, mamahalin kayo ng mundo bilang sa kaniya; ngunit dahil hindi kayo sa mundo, at dahil pinili ko kayo mula sa mundo, sa kadahilanang ito kayo ay kinamumuhian ng mundo. 20Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo. 'Ang lingkod ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon'. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo; kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang sa inyo. 21Gagawin nila ang lahat ng mga bagay na ito sa inyo dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkasala; subali't ngayon wala silang maidadahilan para sa kanilang kasalanan. 23Ang namumuhi sa akin ay namumuhi rin sa akin Ama. 24Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawain na hindi pa nagawa ninuman; hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan, ngunit ngayon, pareho na nilang nakita at kinamuhian ako at ang aking Ama. 25Ito ay nangyayari upang ang salita ay matupad na ayon sa nakasulat sa kanilang kautusan: Kinamumuhian nila ako ng walang kadahilanan.” 26Kapag darating na ang Manga-aliw na siyang aking isusugo sa inyo mula sa Ama, na ang Espiritu ng katotohanan, na nanggaling mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. 27Magpapatotoo rin kayo dahil kasama ko na kayo mula pa sa simula. 16:1Sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo matisod. 2Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga; tunay nga na darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang gumagawa siya ng mabuting gawain para sa Diyos.
Mga santo ng araw
- Paggunita sa dakila at kakila-kilabot na lindol sa Constantinopla (740)
- Martir Lupo (c. 306)
- Kagalang-galang na Atanasio ng Medikion (c. 814)
- Kagalang-galang na Teofilo ng mga Kuweba ng Kyiv, Arsobispo ng Novgorod (1482)
- Kagalang-galang na Demetrio ng Basarbovo, ng Bulgaria (1685)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Oktubre 26 sa kalendaryo ng simbahan ay Nobyembre 8 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan