Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Setyembre 2027 › Setyembre 23
Kalendaryong Orthodox · Setyembre 10 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Setyembre 23, 2027
Huwebes · Ika-14 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 4
Mga kapistahan at mga santo
Pagkatapos ng Kapistahan ng Kapanganakan ng Kabanal-banalang Ina ng Diyos
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Sulat
1Ako si Pablo na apostol. Hindi ako apostol na mula sa mga tao o sa pamamagitan ng tao, ngunit sa pamamagitan ni Jesu Cristo at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay. 2Kasama lahat ng mga kapatiran, sumusulat ako sa mga iglesya ng Galacia. 3Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. 6Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo. 8Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.” 10Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo. 20Makinig kayo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling sa mga sinusulat ko sa inyo. 21Pagkatapos, pumunta ako sa rehiyon ng Siria at Cilicia. 22Hindi pa ako nakikita ng mga iglesiya sa Judea na nakay Cristo, 23ngunit naririnig lang nila na, “Ang taong umuusig sa atin noon, ngayon ay nagpapahayag ng pananampalatayang winawasak niya noon.” 24Niluluwalhati nila ang Diyos dahil sa akin. 2:1At pagkatapos ng labing-apat na taon muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama si Bernabe. Isinama ko din si Tito. 2Pumunta ako dahil ipinakita sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta. Inilahad ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinapahayag sa mga Gentil. (Ngunit nakipag-usap ako nang sarilinan sa mga waring mga mahahalagang mga pinuno). Ginawa ko ito upang tiyakin na hindi ako tumatakbo, o tumakbo, ng walang kabuluhan. 3Ngunit kahit si Tito, na kasama ko, na isang Griego, ay hindi napilit na patuli. 4Ang mga bagay na ito ay lumitaw dahil sa nagpapanggap na mga kapatid na patagong dumating upang manmanan ang kalayaang mayroon tayo kay Cristo Jesus. Nais nilang maging alipin tayo sa kautusan. 5Hindi kami nagpasakop sa kanila ng kahit isang oras, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatiling walang pababago para sa inyo.
Ebanghelyo
1Dumating sila sa kabilang dako ng dagat, sa rehiyon ng Geraseno. 2At nang bumababa si Jesus sa bangka, agad may isang lalaking may maruming espiritu ang pumunta sa kaniya mula sa mga libingan. 3Ang lalaki ay nakatira sa mga libingan. Wala nang makapagpigil sa kaniya, kahit pa kadena. 4Ilang ulit na siyang ginapos gamit ang mga tanikala at kadena. Sinisira niya ang mga kadena at winawasak niya ang kaniyang mga tanikala. Walang sinuman ang may lakas na supilin siya. 5Bawat gabi at araw sa mga libingan at sa mga bundok, sumisigaw siya at sinusugatan niya ang kaniyang sarili ng mga matatalas na bato. 6Nang nakita niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya sa kaniya at yumuko sa kaniyang harapan. 7Sumigaw siya nang may malakas na boses, “Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sa iyo sa Diyos mismo, huwag mo akong pahirapan.” 8Sapagkat sinasabi niya sa kaniya, “Lumabas ka sa lalaking ito, ikaw na maruming espiritu.” 9At tinanong niya ito, “Ano ang pangalan mo?” At sumagot siya, “Ang pangalan ko ay Pulutong, sapagkat marami kami.” 10Paulit-ulit siyang nakiusap sa kaniya na huwag silang papuntahin sa labas ng rehiyon. 11Ngayon may malaking kawan ng baboy ang naroon na kumakain sa burol, 12at nagmakaawa sila sa kaniya, na sinasabi, “Papuntahin mo kami sa mga baboy, hayaan mo kaming pumasok sa kanila.” 13Kaya pinayagan niya ang mga ito, lumabas ang mga masamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at nagtakbuhan sila patungo sa matarik na burol papunta sa dagat, halos dalawang libong baboy ang nalunod sa dagat. 14At tumakbo ang mga nagpapakain sa mga baboy at ipinamalita sa lungsod at sa mga karatig-pook kung ano ang nangyari. At maraming tao ang pumunta upang makita kung ano ang nangyari. 15Pagkatapos ay pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinapian ng demonyo— na may Pulutong—na nakaupo, nakabihis, at nasa kaniyang tamang kaisipan, at sila ay natakot. 16Sinabi sa kanila ng mga nakakita ng nangyari sa lalaking sinapian ng demonyo kung ano ang nangyari sa kaniya at gayon din ang tungkol sa mga baboy. 17At nagsimula silang nagmakaawa sa kaniya na umalis sa kanilang rehiyon. 18At nang sumasakay na siya sa bangka, nakiusap sa kaniya ang lalaking sinaniban ng demonyo kung maaari siyang sumama sa kaniya. 19Ngunit hindi siya pumayag dito, subalit sinabi niya sa kaniya, “Umuwi ka sa iyong bahay at sa mga kasama mo, at sabihin mo sa kanila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paano ka niya kinahabagan.” 20Kaya siya ay umalis at nagsimulang ihayag ang mga dakilang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya sa Decapolis at ang lahat ay namangha.
Mga santo ng araw
- Mga Martir Minodora, Mitrodora at Ninfodora (305-311)
- Mga Paring Martir Ismael, Eugenio, Juan, Constantino, Pedro, Basilio, Gleb, Basilio, Juan, Pedro, Nicolas at Paladio, mga pari, mga Kagalang-galang na Martir Melecio at Gabriel, Martir Simeon at Martir Tatiana (1937)
- Paring Martir Uaro, Obispo ng Lipetsk (1938)
- Mga Apostol mula sa Pitumpu Apeles, Lucius at Clemente (ika-1 siglo)
- Martir Barypsabas (ika-2 siglo)
- Tapat na Pulqueria, Reyna ng mga Griyego (453)
- Mga Banal na Hirarka Pedro at Pablo, mga Obispo ng Nicea (ika-9 siglo)
- Kagalang-galang na Pablo ang Masunurin, ng mga Kuweba ng Kyiv (ika-13–14 siglo)
- Kagalang-galang na Prinsipe Andres, sa pagkamonghe ay Joasaf, ng Spaso-Kubensky (1453)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Setyembre 10 sa kalendaryo ng simbahan ay Setyembre 23 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan