Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hulyo 2027 › Hulyo 20

Kalendaryong Orthodox · Hulyo 7 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Hulyo 20, 2027

Martes · Ikalimang linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 3

Mga kapistahan at mga santo

Kagalang-galang na Tomas ng Malea (ika-10 siglo)

Pag-aayuno

Walang pag-aayuno

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Sulat

Roma 14:9–18

9Dahil sa layuning ito namatay si Cristo at nabuhay muli, upang siya ay maging Panginoon ng mga patay at mga buhay. 10Ngunit ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw, bakit mo kinamumuhian ang iyong kapatid? Dahil lahat tayo ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos. 11Sapagkat ito ay nasusulat, “Habang ako ay nabubuhay,” sabi ng Panginoon, “ang bawat tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawat dila ay magbibigay ng papuri sa Diyos.” 12Kaya kung gayon, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng kaniyang sarili sa Diyos. 13Samakatuwid, itigil na natin ang paghuhusga sa isa't isa, ngunit sa halip pagpasyahan ito, na walang sinuman ang maglalagay ng ikatitisod o patibong para sa kaniyang kapatid. 14Nalalaman ko at nahikayat ako sa Panginoong Jesus, na walang bagay na hindi malinis sa kaniyang sarili. Sa kaniya lamang na itinuturing ang anumang bagay na marumi, para sa kaniya ito ay marumi. 15Kung dahil sa pagkain ay nasaktan ang iyong kapatid, hindi ka na lumalakad sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak sa iyong pagkain ang siyang pinagkamatayan ni Cristo. 16Kaya huwag ninyong hayaan na ang inyong mabubuting gawa ang maging dahilan upang kutyain sila ng mga tao. 17Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, ngunit tungkol ito sa pagiging matuwid, kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu. 18Sapagkat ang sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay katanggap-tanggap sa Diyos at sinang-ayunan ng mga tao.

Sulat (para sa Miyerkules)

Roma 15:7–16

7Kaya tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya ng pagtanggap din sa inyo ni Cristo, sa ikapupuri ng Diyos. 8Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay ginawang lingkod ng pagtutuli sa ngalan ng katotohanan ng Diyos. Ginawa niya ito upang patotohanan niya ang mga pangakong ibinigay sa mga ninuno, 9at para sa mga Gentil upang papurihan nila ang Diyos sa kaniyang awa. Ito ay gaya ng nasusulat, “Kaya pupurihin kita kasama ng mga Gentil, at aawit ng papuri sa pangalan mo.” 10Muling nitong sinasabi, “Magalak kayo, kayong mga Gentil, kasama ang kaniyang mga tao.” 11At muli, “Purihin ang Panginoon, lahat kayong mga Gentil at hayaan ninyong ang lahat na mga tao ay purihin siya.” 12Sinasabi rin ni Isaias, “Magkakaroon ng ugat mula kay Jesse, at siya ang lilitaw upang mamuno sa mga Gentil. Magtitiwala ang mga Gentil sa kaniya.” 13Ngayon nawa ang Diyos ng pagtitiwala ay punuin kayo ng buong kagalakan at kapayapaan sa inyong paniniwala, upang kayo ay managana sa pagtitiwala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. 14Ako man sa aking sarili ay naniniwala tungkol sa inyo, aking mga kapatid. Naniniwala din ako na kayo mismo ay puno ng kabutihan, puno ng lahat ng kaalaman. Naniniwala ako na kayo ay may kakayahan ding payuhan ang isa't isa. 15Ngunit mas matapang akong sumusulat sa inyo tungkol sa ilang mga bagay upang paalalahanan kayong muli, dahil sa kaloob na ibinigay sa akin ng Diyos. 16Itong kaloob na dapat akong maging lingkod ni Cristo Jesus na isinugo sa mga Gentil, upang ihandog bilang isang pari ang ebanghelyo ng Diyos. Kailangan kong gawin ito upang ang handog ng mga Gentil ay maging katanggap-tanggap, nakalaan sa Diyos sa pamamangitan ng Banal na Espiritu.

Ebanghelyo

Mat 12:14–16, 22–30

14Ngunit lumabas ang mga Pariseo at nagsabwatan laban sa kaniya. Naghahanap sila ng paraan kung paano siya maipapatay. 15Nang mapansin ito ni Jesus, lumayo siya doon. Maraming tao ang sumunod sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat. 16Sila ay pinagbilinan niya na huwag ipapaalam sa iba ang tungkol sa kaniya, 22Pagkatapos ay may isang tao na bulag at pipi na sinapian ng demonyo ang dinala kay Jesus. Pinagaling niya ito at ang lalaki ay nakapagsalita at nakakita. 23Ang lahat ng napakaraming tao ay namangha, at sinabi, “ Anak kaya ni David ang lalaking ito?” 24Ngunit nang marinig ng mga Pariseo ang mga himalang ito, kanilang sinabi, “Ang taong ito ay hindi nakapagpapalayas ng mga demonyo maliban sa pamamagitan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. “ 25Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kaniyang sarili ay magiging mapanglaw, at bawat lungsod o bahay na nahahati laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili. 26Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kaniyang sarili. Paano mananatili ang kaniyang kaharian? 27At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa kanino pinalalayas ng inyong mga tagasunod ang mga demonyo? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom. 28Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, samakatuwid, ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo. 29Paano malolooban ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao at nanakawin ang kaniyang mga pag-aari na hindi muna igagapos ang malakas na tao? Saka pa niya nanakawin ang kaniyang mga pag-aari sa kaniyang bahay. 30Ang sinuman na hindi kasapi ko ay laban sa akin, at sino man ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagkakalat.

Ebanghelyo (para sa Miyerkules)

Mat 12:38–45

38At sumagot ang ilang mga eskriba at Pariseo kay Jesus at sinabi, “Guro, nais naming makakita ng palatandaan mula sa iyo,” 39Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang masama at mapangalunyang salinlahi ang naghahanap ng palatandaan. Ngunit walang ibibigay na palatandaan sa kaniya maliban sa palatandaan ni Jonas na propeta. 40Sapagkat gaya ni Jonas na tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng malaking isda, gayundin na ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi na nasa ilalim ng lupa. 41Ang mga tao sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at parurusahan ito. Sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Jonas. 42Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao ng salinlahing ito at parurusahan ito. Naglakbay siya mula sa dulo ng mundo upang dinggin ang karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Solomon. 43Kung ang isang masamang espiritu ay umalis sa isang tao, siya ay dadaan sa lugar na walang tubig, at siya ay maghahanap ng mapagpapahingahan, ngunit hindi niya ito mahanap. 44At sasabihin nitong, 'Ako ay babalik sa dati kong tahanan kung saan ako nanggaling.' Nang makabalik, nakita niya ang bahay na malinis at maayos. 45Siya ay aalis at magsasama ng pito pang espiritu na mas masama pa sa kaniya at silang lahat ay papasok at maninirahan doon. At ang kalagayan ng taong iyon ay magiging mas malala pa kaysa sa dati. Katulad ng masasamang salinlahing ito.”

Mga santo ng araw

Mga santo ng Hulyo 20

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Hulyo 7 sa kalendaryo ng simbahan ay Hulyo 20 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan