Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hunyo 2027 › Hunyo 24
Kalendaryong Orthodox · Hunyo 11 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Hunyo 24, 2027
Huwebes · Unang linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 7
Mga kapistahan at mga santo
Mga Apostol Bartolome at Bernabe (ika-1 siglo)
Sanlinggong walang pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
3Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon. 6Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 8Hindi ninyo siya nakita, pero mahal ninyo siya. Hindi ninyo siya nakikita ngayon, ngunit naniniwala kayo sa kaniya at lubos kayong nagagalak na may kaligayahang hindi maipaliwanag na punong-puno ng kaluwalhatian. 9Kayo mismo ang tumatanggap ng bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
13Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” 17At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
11Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating. 13Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal. 16Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17Igalang ninyo ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang kapatiran. Magkaroon kayo ng takot sa Diyos. Igalang ninyo ang hari. 18Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo nang may buong paggalang, hindi lang sa mabuti at mahinahon na mga amo, pero pati narin sa mga masama. 19Sapagkat kapuri-puri ang sinumang magtitiis ng pasakit habang nahihirapan sa kawalan ng katarungan nang dahil sa kaniyang konsiyensya sa Diyos. 20Sapagkat gaano kataas na parangal ang nakalaan sa paggawa ng kasamaan at magtiis habang pinarurusahan? Pero kung gumawa kayo ng mabuti at nagtiis kayo habang pinarurusahan, ito ay kapuri-puri sa Diyos. 21Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
15Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.” 16Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”. 17Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”. 18Tunay nga sinabi ko sa iyo, noong bata ka pa, dinadamitan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kahit saan mo gusto; subalit pagtumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay, at ibang tao ang magdadamit sa iyo at dadalhin ka sa lugar na ayaw mong puntahan.” 19Ngayon sinabi ito ni Jesus upang ipakita kung anong uri ng kamatayan na maluluwalhati ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi niya kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.” 20Lumingon si Pedro at nakita ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod sa kanila - na siya ring sumandal sa dibdib ni Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo? 21Nakita siya ni Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ano ang gagawin ng lalaking ito?” 22Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais kong maghintay siya hangang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo? Sumunod ka sa akin.” 23Kaya itong pahayag na ito ay kumalat sa mga kapatiran, na yung alagad na iyon ay hindi mamamatay. Ngunit hindi sinabi ni Jesus kay Pedro na ang alagad na ito ay hindi mamamatay, ngunit, “Kung nais ko na dapat siyang maghintay hanggang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo?” 24Ito ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito, at siya ang sumulat ng mga bagay na ito, at alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo. 25Marami pa ring ibang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung ang bawat isa ay naisulat, sa palagay ko kahit ang mundo mismo ay hindi mapagkakasya ang mga aklat na maisusulat.
Sulat
28Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa. 32Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito. 2:1Kaya wala kang maidadahilan, ikaw tao, ikaw na humahatol, sapagkat kung ano ang hatol mo sa iba, iyon ang hatol mo sa iyong sarili. Sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa din ng ganoong mga bagay. 2Ngunit alam natin na ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan kapag ito ay bumaba sa mga gumagawa ng ganoong mga bagay. 3Ngunit isipin mo ito, ikaw tao, ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng mga bagay na ganoon, kahit na ginagawa mo rin ang ganoong mga bagay. Makatatakas ka ba sa hatol ng Diyos? 4O hinahamak mo ang yaman ng kaniyang kabutihan, ang mga naantala niyang parusa, at ang kaniyang pagtitiyaga? Hindi mo ba alam na ang kaniyang kabutihan ay siyang aakay sa iyo sa pagsisisi? 5Ngunit ayon sa lawak ng iyong katigasan at iyong pusong walang pagsisisi ay nag-iimbak ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng poot, iyon ay, ang araw ng paghahayag ng matuwid na paghatol ng Diyos. 6Magbibigay siya sa bawat tao ayon sa kaniyang ginawa: 7sa mga patuloy na gumagawa ng mga mabubuting bagay na naghangad ng papuri, karangalan at ng hindi pagkasira, bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. 8Ngunit para sa mga makasarili, mga taong hindi sumusunod sa katotohanan ngunit sumusunod sa kalikuan, darating ang matinding galit at poot. 9Magdadala ang Diyos ng pagdurusa at paghihirap sa bawat kaluluwa ng taong gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego.
Sulat (mga apostol)
19Kaya kumalat ang mga mananampalataya mula Jerusalem dahil sa paghihirap na nagumpisa noong kamatayan ni Esteban—ang mga mananampalatayang ito ay umabot sa mga malalayong lugar ng Fenicia, Sayprus at Antioquia. Sinabi nila ang mensahe tungkol kay Jesus sa mga Judio lamang, at wala nang iba pa. 20Ngunit ang ilan sa kanila, na mga lalaking taga- Sayprus at taga-Cirene, ay pumunta sa Antioquia at nagsalita sa mga Griego rin at ipinangaral ang Panginoong Jesus. 21At ang kamay ng Panginoon ay kasama nila; malaking bilang ang nanampalataya at bumalik sa Panginoon. 22Ang balita tungkol sa kanila ay nakarating sa tainga ng iglesia sa Jerusalem: at kanilang ipinadala si Bernabe hanggang sa Antioquia. 23Nang dumating siya at nakita ang kaloob ng Diyos, siya'y natuwa; at pinalakas niya ang loob ng lahat na manatili sa Panginoon ng kanilang buong puso. 24Sapagkat siya'y mabuting tao at puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya, at maraming tao ang naidagdag sa Panginoon. 25Pagkatapos nito, pumunta ng Tarso si Bernabe upang hanapin si Saulo. 26Nang makita niya siya, isinama niya siya sa Antioquia. At nangyari, na sa loob ng isang taon, nakitipon sila sa iglesia at tinuruan ang maraming tao. At ang mga alagad ay unang tinawag na Kristiyano sa Antioquia. 29Kaya, napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid sa Judea ayon sa kakayahan ng bawat isa. 30Ginawa nila ito; nagpadala sila ng pera sa mga nakatatanda sa pamamagitan nila Bernabe at Saulo.
Ebanghelyo
27Narinig ninyo na sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang tumingin sa isang babae upang siya ay pagnasaan ay nangalunya sa babaing iyon sa kaniyang puso. 29At kung ang iyong kanang mata ang nagiging sanhi ng iyong pagkatisod, dukutin mo ito at itapon sa malayo sapagkat mas mabuti para sa iyo na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang buo mong katawan sa impiyerno. 30At kung ang iyong kanang kamay ang sanhi ng iyong pagkadapa, putulin mo ito at itapon sa malayo. Sapagkat mas mabuti na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ay mapunta sa impiyerno. 31At sinabi din, 'Kung sinuman ang magpalayas sa kaniyang asawang babae, dapat niya itong bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae maliban lamang kung sa sekswal na imoralidad ang dahilan nito ay nagiging sanhi ng pangangalunya ng kaniyang asawa. At kung sinumang magpakasal sa kaniya pagkatapos siyang hiwalayan ay nangangalunya rin.
Ebanghelyo (mga apostol)
16Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, at ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.” 17Bumalik ang pitumpu na may kagalakan, nagsasabing, “Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpasakop sa amin sa iyong pangalan.” 18Sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinanood ko si Satanas na nahulog mula sa langit gaya ng kidlat. 19Tingnan, binigyan ko kayo ng kapangyarihan na tapakan ang mga ahas, at ang mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang makapananakit sa inyo sa anumang paraan. 20Gayon pa man huwag kayong magalak lamang sa mga ito, na ang mga espiritu ay sumusunod sa inyo, ngunit higit na magalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.” 21Sa parehong oras na iyon, siya ay nagalak nang lubusan sa Banal na Espiritu, at sinabi, “Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at nakakaunawa, at ipinahayag ang mga ito sa mga walang muwang, tulad ng mga maliliit na bata. Oo, Ama, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyong paningin.”
Mga santo ng araw
- Kagalang-galang na Bernabe ng Vetluga (1445)
- Paglilipat ng mga relikya ni Kagalang-galang na Efren ng Novy Torzhok (1572)
- Ikon ng Ina ng Diyos na tinatawag na “Tunay na Marapat” (“Ang Mahabagin”) (ika-10 siglo)
- Ang 222 Bagong Martir ng Tsina na pinatay noong Pag-aalsa ng mga Boxer noong 1900 (Simbahang Ortodokso ng Rusya sa Labas ng Rusya)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Hunyo 11 sa kalendaryo ng simbahan ay Hunyo 24 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan