Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hunyo 2027 › Hunyo 13
Kalendaryong Orthodox · Mayo 31 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Hunyo 13, 2027
Linggo · Tono 6
Mga kapistahan at mga santo
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Banal na Ama ng Unang Konsilyo Ekumeniko
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
14Ngayon nang marinig ni Abram na nabihag ng mga kaaway ang kaniyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kaniyang tatlong daan at labing walong sinanay na tauhan, na ipinanganak sa kaniyang sambahayan, at tinugis niya sila hanggang sa Dan. 15Kinagabihan hinati niya ang kaniyang mga tauhan laban sa kanila at nilusob sila, at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco. 16Pagkatapos dinala niya ang lahat ng mga ari-arian, at dinala rin niya ang kaniyang kamag-anak na si Lot at ang kaniyang mga kagamitan, pati na rin ang mga kababaihan at ang iba pang mga tao. 17Matapos bumalik ni Abram mula sa pagtalo kina Kedorlaomer at sa mga hari na kasama niya, ang hari ng Sodoma ay lumabas para salubungin siya sa lambak ng Save (tinatawag ding Lambak ng Hari). 18Naglabas si Melquisedec, hari ng Salem, ng tinapay at alak. Siya ay pari ng Kataastaasang Diyos. 19Siya ay kaniyang pinagpala na nagsasabing, “Pagpalain ka Abram ng Kataastaasang Diyos, Manlilikha ng langit at lupa. 20Pagpalain ang Kataastaasang Diyos, na siyang nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” Pagkatapos ibinigay ni Abram sa kaniya ang ikasampu ng lahat ng kaniyang pag-aari.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
8Masdan ito, inilagay ko ang lupain sa harapan ninyo; pumaroon at angkinin ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama—kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob—para ibigay sa kanila at sa kanilang mga kaapu-apuhang susunod sa kanila.' 9Nagsalita ako sa inyo nang panahong iyon, na nagsasabing, 'Hindi ko kayang dalhin kayo ng mag-isa. 10Pinarami kayo ni Yahweh na inyong Diyos, masdan ninyo, sa araw na ito kayo ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami. 11Nawa'y si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, ay gawin kayong makalibo pa sa dami ninyo ngayon at pagpalain kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyo! 15Kaya kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga matatalinong lalaki at mga lalaking may magandang kalooban at ginawa silang mga pinuno ninyo, mga punong kawal ng libu-libo, mga punong kawal ng daan-daan, mga punong kawal ng lima-limampu, mga punong kawal ng sampu-sampu at mga pinuno, lipi sa lipi. 16Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon, na nagsasabing, 'pakinggan ninyo ang mga pagtatalo sa pagitan ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang pagitan ng isang lalaki at kaniyang kapatid, at ang dayuhang kasama niya. 17Hindi kayo magpapakita ng pagtatangi sa sinumang nasa isang pagtatalo, maririnig ninyo ng magkatulad ang maliit at malaking bagay. Hindi dapat kayo matakot sa mukha ng tao, dahil ang kahatulan ay sa Diyos. Ang pagtatalo na sobrang mahirap para sa inyo, dadalhin ninyo ito sa akin at pakikinggan ko ito.'
Panalangin sa Gabi: pagbasa
14Tingnan ninyo, pag-aari ni Yahweh na inyong Diyos ang langit ng kalangitan, ang sanlibutan, kasama ang lahat na nasa kanila. 15Si Yahweh lamang ang nasiyahan sa inyong mga ama para ibigin sila, at pinili niya kayo, na kanilang mga kaapu-apuhan, na kasunod nila, kaysas sa sa ibang mga tao, gaya ng ginagawa niya ngayon. 16Kaya nga tuliin ang masamang balat ng inyong puso at huwag maging suwail. 17Dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, ang tanging makapangyarihan at ang tanging kinatatakutan, na siyang walang itinatanging sinuman at hindi tumatanggap ng mga suhol. 18Nagpapatupad siya ng katarungan para sa ulila at balo, at ipinapakita niya ang pagmamahal para sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain at kasuotan. 19Kaya mahalin ang dayuhan; dahil naging dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. 20Katatakutan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; siya ang inyong sasambahin. Kailangan ninyong kumapit sa kaniya, at mangangako kayo sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. 21Siya ang inyong papuri, at siya ay inyong Diyos, na siyang gumawa para sa inyo ng makapangyarihan at nakakatakot na mga bagay na ito, na nakita ng inyong mga mata.
Ikasampung Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga
1Pagkatapos ng mga ito, nagpakita muli si Jesus sa mga alagad sa Dagat ng Tiberias; sa ganito niya pinakita ang kaniyang sarili: 2Si Simon Pedro kasama sila Tomas na tinatawag na Didimus, Nataniel na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedee, at iba pang dalawang alagad ni Jesus. 3Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Ako ay mangingisda.” Sinabi nila sa kaniya, “Kami rin ay sasama sa iyo.” Umalis sila at sumakay sa isang bangka, ngunit sa buong gabing iyon ay wala silang nahuli. 4Nang magbubukang liwayway na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, ngunit hindi nakikilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus. 5At sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga kabataan, mayroon ba kayong kahit anumang makakain? Sumagot sila sa kaniya, “Wala.” 6Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong mahuhuli.” Kaya inihagis nga nila ang kanilang lambat, ngunit hindi na nila ito mahatak dahil sa dami ng mga isda. 7Pagkatapos sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon.” Nang marinig ni Simon Pedro na siya ang Panginoon, sinuot niya ang kaniya damit panlabas (dahil siya ay bahagyang nakahubad), at tumalon sa dagat. 8Ang ibang mga alagad ay sumakay sa bangka (dahil sila ay hindi naman malayo mula sa lupa, humigit kumulang, mga dalawang daang kubit), at kanilang hinihila ang lambat na puno ng isda. 9Nang makaahon sila sa lupa, may nakita sila nagbabagang uling at may isdang nakalagay sa ibabaw nito, at may tinapay. 10Sinabi sa kanila ni Jesus, “Magdala kayo ng ilang mga isda na kahuhuli ninyo pa lamang.” 11Umakyat si Simon Pedro at hinatak ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, 153 ang mga ito, kahit napakarami ng mga ito, ang lambat ay hindi napunit. 12Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-almusal.” Wala sa mga alagad ang nagtangkang magtanong sa kaniya na, “Sino ka?” Alam nila na siya ang Panginoon. 13Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay, at ibinigay ito sa kanila, ganoon din ang isda. 14Ito ang ikatlong beses na pinakita ni Jesus ang kaniyang sarili sa mga alagad pagkatapos niyang bumangon mula sa patay.
Sulat
16Sapagka't ipinasya ni Pablo na lumampas ng Efeso, upang hindi siya maglaan ng ilang araw sa Asia; sapagkat nagmamamadali siyang makarating sa Jerusalem para sa araw ng Pentecostes, kung ang lahat na ito'y makaya niyang gawin. 17Mula Mileto, nagpadala siya ng mga kalalakihan sa Efeso at pinatawag niya mismo ang mga nakatatanda ng iglesia. 18Nang dumating sila sa kaniya, sinabi niya sa kanila, “Kayo mismo ang nakakaalam, na mula pa noong unang araw na tumungtong ako sa Asia, palagi akong naglalaan ng oras kasama kayo. 28Kaya mag-ingat kayo sa inyong mga sarili, at tungkol sa mga kawan na pinamahala ng Banal na Espiritu sa inyo. Pag-ingatan ninyo ang kawan sa kapulungan ng Panginoon, na tinubos ng kaniyang sariling dugo. 29Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis, papasukin kayo ng mabagsik na mga lobo, at walang ititira sa kawan. 30Alam ko na kahit sa inyong mga sarili, may ilang mga tao na lilitaw at magsasabi ng masasamang mga bagay, upang ilayo ang mga alagad sa kanila. 31Kaya maging mapagbantay. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, hindi ako tumigil sa pagtuturo sa inyo na may kasamang luha sa araw at gabi. 32At ngayon ipinagkatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay at magbigay sa inyo ng mana kasama sa lahat ng mga taong nakalaan sa Diyos. 33Hindi ko pinagnasahan ang pilak, ginto o damit ng ibang tao. 34Alam ninyo na itong mga kamay na ito ang naglingkod para sa aking sariling pangangailangan at maging sa pangangalingan ng aking mga kasama. 35Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.” 36Pagkatapos niyang magsalita sa ganitong paraan, lumuhod siya at nanalangin kasama nilang lahat.
Ebanghelyo
1Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito; pagkatapos, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak— 2tulad ng pagbigay mo sa kaniya ng kapangyarihan sa lahat ng laman upang siya ay makapagbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng sinumang ibinigay mo sa kaniya. 3Ito ang buhay na walang hanggan: na ikaw ay dapat nilang makilala, ang nag-iisang tunay na Diyos, at ang isinugo mong si Jesu-Cristo. 4Ikaw ay niluwalhati ko sa lupa, pagkatupad ko sa mga gawain na ibinigay mo sa akin para gawin. 5Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako kasama ng iyong sarili sa kaluwalhatian na mayroon ako sa iyo bago pa nalikha ang mundo. 6Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa mundo. Sila ay iyo; at ibinigay mo sila sa akin, at pinanatili nila ang iyong salita. 7Ngayon, alam nila na kahit anumang mga bagay na ibinigay mo sa akin ay nagmula sa iyo, 8dahil ang mga salitang ibinigay mo sa akin — ibinigay ko ang mga salitang ito sa kanila. Tinanggap nila ang mga ito at totoong nalaman na ako ay nanggaling sa iyo, at naniwala sila na ako ay isinugo mo. 9Nananalangin ako para sa kanila. Hindi ako nananalangin para sa mundo ngunit para sa kanilang mga ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10Ang lahat ng bagay na akin ay sa iyo, at ang mga bagay na sa iyo ay akin; naluwalhati ako sa kanila. 11Ako ay hindi na sa mundo, ngunit ang mga taong ito ay nasa mundo, at ako ay pupunta na sa iyo. Banal na Ama, panatilihin sila sa iyong pangalan na ibinigay mo sa akin upang sila ay maging isa, katulad natin na iisa. 12Habang ako ay kasama nila, pinanatili ko sila sa iyong pangalan na ibinigay mo sa akin; binantayan ko sila, at wala ni isa sa kanila ang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang ang kasulatan ay matupad. 13Ngayon, ako ay pupunta sa iyo; ngunit sinasabi ko ang mga bagay na ito sa mundo upang sila ay magkaroon ng aking kagalakan na ginawang lubos sa kanilang mga sarili.
Mga santo ng araw
- Apostol mula sa Pitumpu Hermas (ika-1 siglo)
- Martir Hermias (ika-2 siglo)
- Paring Martir Filosofo, pari, at ang kaniyang mga anak na mga Martir Boris at Nicolas (1918)
- Martir Filosofo (ika-3 siglo)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Mayo 31 sa kalendaryo ng simbahan ay Hunyo 13 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan