Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Marso 2027 › Marso 31

Kalendaryong Katoliko

Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Marso 31, 2027

Miyerkules · Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga kapistahan at mga santo

Miyerkules sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

Dakilang Kapistahan · Kulay ng liturhiya: puti

Mga pagbasa sa araw na ito

Unang Pagbasa

Gawa 3:1–10

1Ngayon papunta sina Pedro at Juan sa templo sa oras ng pananalangin, alas tres ng hapon. 2May isang lalaking pilay mula pa nang isinilang ang dinadala doon araw-araw at ipinapahiga sa harapan ng templo na tinawag na Pintuang Maganda, upang mamalimos sa mga taong pumupunta sa templo. 3Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. 4Tinitigan siya ni Pedro, kasama si Juan na nagsabi, “Tumingin ka sa amin.” 5Tumingin sa kanila ang lalaking pilay, na umaasang makatatangap ng anuman mula sa kanila. 6Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ibibigay ko sa iyo kung ano ang mayroon ako. Sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka.” 7Hinawakan siya ni Pedro sa kanang kamay, at itinayo: kaagad na lumakas ang kaniyang mga paa at ang mga buto sa kaniyang bukung-bukong. 8Paluksong tumayo ang lalaki at nagsimulang maglakad, pumasok siya na kasama sina Pedro at Juan sa templo, lumalakad, lumulundag, at nagpupuri sa Diyos. 9Nakita siya ng lahat ng mga tao na naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10Nakilala nila na ito ang lalaking nakaupo at tumatanggap ng limos sa may Magandang Pintuan ng templo, at labis silang nagtaka at namangha dahil sa nangyari sa kaniya.

Salmong Tugunan

Awit 105:1–4, 6–9

1Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa. 2Umawit sa kaniya, umawit sa kaniya ng mga papuri; Ipahayag ang lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa. 3Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh. 4Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensya. 6kayong mga kaapu-apuhan ni Abraham na kaniyang lingkod, kayong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga pinili. 7Siya si Yahweh, ang ating Diyos. Ang kaniyang mga kautusan ay sumasaklaw sa buong mundo. 8Inaalala niya ang kaniyang tipan magpakailanman, ang salita na kaniyang iniutos sa sanlibong salinlahi. 9Iniisip niya ang tipan na kaniyang ginawa kasama ni Abraham at ang kaniyang panunumpa kay Isaac.

Ebanghelyo

Luc 24:13–35

13Masdan ninyo, sa araw ding iyon, dalawa sa kanila ang papunta sa nayon na tinatawag na Emaus, na animnapung stadia ang layo mula sa Jerusalem. 14Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng nangyari. 15Nangyari na, habang nag-uusap sila at nagtatanungan sa isat-isa, lumapit si Jesus mismo at sumama sa kanila. 16Ngunit ang kanilang mga mata ay nahadlangan upang hindi siya makilala. 17Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa habang naglalakad kayo?” Huminto sila na nalulungkot. 18Isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, ang sumagot sa kaniya, “Ikaw lang ba ang tao sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga bagay na nangyayari doon sa mga araw na ito?” 19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila sa kaniya, “Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propeta, na makapangyarihan sa gawa at salita sa harapan ng Diyos at ng mga tao. 20At kung papaano siya ibinigay ng mga punong pari at mga pinuno natin upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21Ngunit umasa kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Oo, at maliban pa sa lahat ng ito, pangatlong araw na ngayon mula ng nangyari ang mga bagay na ito. 22Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga. 23Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay. 24Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita.” 25Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” 27At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan. 28Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa. 29Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, “Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na.” Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila. 30At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila. 31Pagkatapos, nabuksan ang kanilang mga mata, at siya ay nakilala nila, at siya ay naglaho sa kanilang paningin. 32At sinabi nila sa isa't-isa, “Hindi ba umaalab ang ating puso, habang kinakausap niya tayo sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?” 33Tumayo sila sa oras ding iyon, at bumalik sa Jerusalem. Natagpuan nila ang labing-isa na nagtipon-tipon at ang iba pang kasama nila, 34sinasabi, “Totoo ngang muling nabuhay ang Panginoon, at nagpakita siya kay Simon”. 35Kaya ikinuwento nila ang nangyari sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.

Mga santo ng Marso 31

Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan