Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Marso 2027 › Marso 5

Kalendaryong Katoliko

Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Marso 5, 2027

Biyernes · Ikatlong linggo ng Kuwaresma

Mga kapistahan at mga santo

Biyernes ng ikatlong linggo ng Kuwaresma

Karaniwang araw · Kulay ng liturhiya: lila

Pag-aayuno at pagpepenitensiya

Pag-iwas sa karne

Bawat Biyernes ay araw ng pagpepenitensiya; ang bawat kumperensiya ng mga obispo ang nagtatakda kung paano ito ginagawa: pag-iwas sa karne o ibang gawa ng penitensiya. Ang pag-aayuno ay para sa edad 18 hanggang 59, ang pag-iwas sa karne mula 14.

Mga pagbasa sa araw na ito

Unang Pagbasa

Hos 14:1–9

1Manumbalik ka Israel, kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat ikaw ay bumagsak dahil sa iyong kasamaan. 2Magpahayag kayo ng mga salita ng pagsisisi at manumbalik kay Yahweh. Sabihin ninyo sa kaniya, “Tanggalin mo ang lahat ng aming mga kasamaan at tanggapin mo kami sa pamamagitan ng iyong habag, upang makapaghandog kami sa iyo ng aming papuri, ang bunga ng aming mga labi. 3Hindi kami ililigtas ng Asiria; hindi kami sasakay sa mga kabayo sa digmaan. Ni magsasabi ng anupaman sa gawa ng aming mga kamay, 'Kayo ang aming mga diyos,' sapagkat sa iyo nakatagpo ng habag ang mga taong ulila.” 4Pagagalingin ko sila kapag manumbalik sila sa akin pagkatapos nila akong iwan; Malaya ko silang mamahalin, sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. 5Magiging tulad ako ng hamog sa Israel; mamumulaklak siya tulad ng liryo at magkaka-ugat na tulad sa isang sedar sa Lebanon. 6Lumatag ang kaniyang mga sanga; magiging tulad sa mga puno ng olibo ang kaniyang kagandahan, at ang kaniyang halimuyak na tulad ng mga sedar sa Lebanon. 7Babalik ang mga taong naninirahan sa kaniyang lilim; sila ay muling mabubuhay tulad ng butil at mamumulaklak tulad ng mga puno ng mga ubas. Tulad ng alak ng Lebanon ang kaniyang katanyagan. 8Sasabihin ni Efraim, 'Ano pa ang aking gagawin sa mga diyus-diyosan? Tutugon ako sa kaniya at pangangalagaan ko siya. Tulad ako ng isang sipres na ang mga dahon ay laging luntian; nanggagaling sa akin ang iyong bunga. 9Sino ang matalino upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Sino ang nakakaunawa sa mga bagay na ito upang kaniyang makilala ang mga ito? Sapagkat ang mga daan ni Yahweh ay matuwid, at ang matuwid ay lalakad sa mga ito, ngunit ang mga sumusuway ay madadapa sa mga ito.

Salmong Tugunan

Awit 81:5–10, 13, 16

5Nagpalabas siya nito bilang isang patakaran kay Jose noong siya ay nagtungo sa lupain ng Ehipto, kung saan nakarinig ako ng wika na hindi ko naintindihan. 6“Inalis ko ang pasanin mula sa kaniyang balikat; ang kaniyang mga kamay ay nakalaya mula sa pagkakahawak ng basket. 7Sa iyong pagdadalamhati ikaw ay tumawag, at tinulungan kita; Tinugon kita mula sa isang madilim na ulap na may kasamang kulog. Sinubok kita sa mga tubig ng Meriba. Selah 8Makinig kayo, aking bayan, dahil babalaan ko kayo, Israel, kung makikinig lamang kayo sa akin! 9Walang dapat na maging dayuhang diyos sa inyo; hindi ninyo dapat sambahin ang anumang dayuhang diyos. 10Ako si Yahweh na inyong Diyos, na naglabas sa inyo mula sa lupa ng Ehipto. Ibuka ninyo nang malaki ang inyong bibig, at pupunuin ko ito. 13O, nawa makinig ang aking bayan sa akin; O, nawa lumakad sa aking mga landas ang aking bayan. 16Pakakainin ko ang Israel ng pinakamainam na trigo; pasisiyahin ko kayo ng pulot na lumalabas mula sa bato.”

Ebanghelyo

Mar 12:28–34

28Isa sa mga eskriba ang nagpunta at nakarinig sa kanilang pag-uusap, nakita niyang mahusay silang sinagot ni Jesus. Tinanong niya ito, “Ano ang pinakamahalagang kautusan sa lahat?” 29Sumagot si Jesus, “Ang pinakamahalagang kautusan ay, 'Makinig kayo, Israel, ang Panginoong ating Diyos, ang Panginoon ay iisa. 30Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.' 31Ito ang ikalawang kautusan, 'Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.' Wala nang iba pang kautusang higit na dakila kaysa mga ito.” 32Sinabi ng eskriba, “Mahusay, Guro! Tunay na nasabi ninyong iisa ang Diyos, at wala ng iba pa maliban sa kaniya. 33Ang ibigin siya nang buong puso, nang buong pang-unawa, nang buong kalakasan, at ang ibigin ang kapwa gaya ng sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng mga susunuging mga alay at mga hain.” 34Nang makita ni Jesus na siya ay nagbigay ng matalinong kasagutan, sinabi niya sa kaniya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Matapos iyon walang sinumang nangahas magtanong kay Jesus ng anumang mga katanungan.

Mga santo ng Marso 5

Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan