Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Pebrero 2027 › Pebrero 11
Kalendaryong Orthodox · Enero 29 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Pebrero 11, 2027
Huwebes · Ika-37 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 3
Mga kapistahan at mga santo
Paglilipat ng mga relikya ni Paring Martir Ignacio na Nagdadala ng Diyos (107)
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Sulat
7Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip. 9Magdalamhati kayo, humagulgol kayo, at umiyak! Ibaling ang inyong kasiyahan sa kapighatian at ang inyong kagalakan sa kalungkutan. 10Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at kayo ay kaniyang itataas. 11Huwag kayong magsalita laban sa isa't-isa, mga kapatid. Ang taong nagsasalita laban sa kaniyang kapatid o naghahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa batas ng Diyos. Kapag hinatulan ninyo ang kautusan, hindi ninyo sinusunod ang batas, ngunit isang tagahatol ng mga ito. 12Iisa lamang ang nagbigay ng batas at taga-hatol, ang Diyos, na kayang magligtas at sumira. Sino kayo upang humatol sa inyong kapwa? 13Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala. 15Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.” 16Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama. 17Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan. 5:1Ngayon, lumapit kayo mga mayayaman, umiyak kayo ng malakas dahil sa kahirapan na darating sa inyo. 2Ang inyong mga kayamanan ay nabubulok at ang inyong mga kasuotan ay kinakain ng anay. 3Ang inyong ginto at pilak ay wala nang kabuluhan, at ang kanilang kalawang ang magpapatotoo laban sa inyo at susunog ng inyong mga laman gaya ng apoy. Nag-iipon kayo ng inyong kayaman sa huling mga araw. 4Tingnan ninyo, ang bayad ng mga manggagawa—silang mga hindi ninyo binayaran para sa pag-aani ng inyong mga bukid—sumigaw sila ng malakas! At ang mga sigaw ng mga taong nag-aani ng inyong mga pananim ay nakaabot sa tainga ng Panginoon ng mga Hukbo. 5Kayo ay nabuhay ng marangya sa ibabaw ng lupa at nagpakasasa sa inyong mga sarili. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa isang araw ng pagkatay. 6Hinatulan ninyo at pinatay ang mga matuwid na hindi lumalaban sa inyo. 7Kaya maging matiyaga, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon, katulad ng magsasaka na naghihintay ng mahalagang ani ng lupa, Matiyagang naghihintay dito, hangang sa una at huling pagbuhos ng ulan. 8Kayo rin ay maging matiyaga; ayusin ninyo ang inyong mga puso, dahil ang pagdating ng Panginoon ay malapit na. 9Huwag magreklamo, mga kapatid, laban sa isa't-isa upang kayo ay hindi mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa pintuan.
Sulat (para sa Biyernes)
1Si Pedro, na apostol ni Jesu Cristo, sa mga dayuhang nasa iba't ibang dako, sa mga pinili na nasa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, 2ayon sa kaalaman ng Diyos Ama sa simula pa lang, sa pagpapabanal ng Banal na Espiritu, para sa pagsunod kay Jesu Cristo, at para sa pagwiwisik ng kaniyang dugo. Sumainyo ang biyaya, at sumagana ang inyong kapayapaan. 10Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya. 12Naihayag sa mga propeta na naglilingkod sila sa mga bagay na ito, hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa inyo— ang pagsasabi ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga nagdadala ng ebanghelyo sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, mga bagay na ninanais maipahayag maging ng mga anghel. 2:6Sinasabi ng kasulatan, “Masdan ninyo, inilatag ko sa Sion ang isang panulukang bato, pinuno at pinili at mahalaga. Sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” 7Kaya ang karangalan ay para sa inyo na nananampalataya. Pero, “ang bato na tinanggihan ng mga manggagawa, ito ang naging puno sa panulukan”— 8at, “ang batong katitisuran at ang batong kadarapaan.” Madarapa sila sa hindi pagsunod sa salita, kung saan sila rin ay itinalaga. 9Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan.
Ebanghelyo
27Nakarating silang muli ng Jerusalem, habang si Jesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong pari, mga eskriba, at ng mga nakatatanda. 28Sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ang mga ito?” 29Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo ng isang katanungan. Sabihin ninyo sa akin at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito. 30Ang pagbabautismo ni Juan, nanggaling ba iyon sa langit o sa tao? Sagutin ninyo ako.” 31At sila ay nag-usap-usap at nagtalu-talo at sinabi, “Kung sasabihin nating, 'Sa langit,' sasabihin niyang, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?' 32Ngunit kung sasabihin nating, 'Mula sa tao,'...” Natakot sila sa mga tao, dahil pinanghahawakan nilang lahat na si Juan ay isang propeta. 33Pagkatapos ay sinagot nila si Jesus at sinabi, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ebanghelyo (para sa Biyernes)
1Pagkatapos nagsimulang magturo sa kanila si Jesus ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang tao na gumawa ng ubasan, binakuran ang paligid nito, at gumawa ng hukay para sa pisaan ng ubas. Nagtayo siya ng toreng bantayan at pagkatapos ay pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala ng ubas. Pagkatapos ay naglakbay siya. 2Sa tamang panahon, ipinadala niya ang kaniyang lingkod sa mga tagapag-alaga ng ubas upang tanggapin mula sa kanila ang ilan sa mga bunga ng ubasan. 3Ngunit kinuha nila siya, binugbog at pinalayas na walang dalang anuman. 4Muli siyang nagpadala sa kanila ng iba pang lingkod, sinugatan nila ito sa ulo at ipinahiya. 5Nagpadala siya ng isa pa, at pinatay rin nila ito. Ganito din ang pakikitungo nila sa mga iba pa, binugbog ang ilan at pinapatay ang iba. 6Mayroon pa siyang isang taong maipapadala, ang pinakamamahal niyang anak. Siya ang pinakahuling taong ipinadala niya sa kanila. Sinabi niya, “Igagalang nila ang aking anak.” 7Ngunit sinabi ng mga katiwala sa isa't isa, “Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at mapapasaatin ang kaniyang mana.” 8Dinakip nila siya, pinatay at ipinatapon sa labas ng ubasan. 9Kaya, ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at papatayin ang mga katiwala ng ubas at ibibigay ang ubasan sa iba. 10Hindi ba ninyo nababasa ang kasulatang ito? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo, ang naging batong-panulukan. 11Mula ito sa Panginoon at kamangha-mangha ito sa ating mga mata.”' 12Nais nilang hulihin si Jesus ngunit natakot sila sa maraming tao, sapagkat alam nilang sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Kaya iniwan nila siya at umalis.
Mga santo ng araw
- Mga Paring Martir Juan at Leoncio, mga pari, Constantino na diyakono, at ang limang martir na kasama nila (1920)
- Mga Martir Romano, Jacobo, Filoteo, Hiperequio, Abibo, Julian at Paregorio (297)
- Mga Martir Silvano na obispo, Lucas na diyakono at Mocio na mambabasa (312)
- Banal na Hirarka Lorenzo, ermitanyong nakakulong ng mga Kuweba ng Kyiv, Obispo ng Turov (1194)
- Mga Banal na Hirarka Gerasimo (c. 1441-1467), Pitirim (1456) at Jonas (1470), mga Obispo ng Dakilang Perm, ng Ust-Vym
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Enero 29 sa kalendaryo ng simbahan ay Pebrero 11 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan