Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Ang mga hari ng Juda

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Ang mga hari ng Juda

Naghimagsik ang Israel laban kay Rehoboam

1 Hari 12:1–19 · 2 Cro 10:1–19

1 Mga Hari

1 Hari 12:1–19

1Nagpunta si Rehoboam sa Shekem, dahil ang buong Israel ay darating sa Shekem para gawin siyang hari.

2Ito ay nangyari nang marinig ito ni Jeroboam anak ni Nebat (dahil siya ay nasa Ehipto pa, kung saan siya ay tumakas mula sa kinaroroonan ni Haring Solomon; Si Jeroboam ay nanirahan sa Ehipto).

3Kaya siya ay isinugo at tinawag nila, at dumating si Jeroboam at buong kapulungan ng Israel; sila ay nagsalita kay Rehoboam at sinabi, “ginawang mahirap ng iyong ama ang aming pasanin.

4Ngayon, gawin mong madali ang mahirap na trabahong ibinigay ng iyong ama, at pagaanin mo ang mabigat na pasanin na inilagay niya sa amin, at paglilingkuran ka namin.”

5Sinabi ni Rehoboam sa kanila, “Umalis kayo ng tatlong araw; pagkatapos bumalik kayo sa akin.” Kaya umalis ang mga tao.

6Sumangguni si Haring Rehoboam sa mga matatandang lalaki na tumayo sa harapan ni Solomon na kaniyang ama habang siya ay nabubuhay; sinabi niya, “Paano ninyo ako papayuhan upang sagutin ang mga taong ito?”

7Sila ay nagsalita sa kaniya at sinabi, “Kung ikaw ay magiging isang lingkod ngayon sa mga taong ito at paglilingkuran sila, at sasagutin sila sa pamamagitan ng mabubuting mga salita, palagi silang magiging mga lingkod mo.”

8Subalit binalewala ni Rehoboam ang ibinigay na payo ng mga matatandang lalaki sa kaniya, at sumangguni sa mga kabataan na lumaking kasama niya, na tumayo sa harapan niya.

9Sinabi niya sa kanila, “Anong payoang maibibigay ninyo sa akin, upang maaari nating masagot ang mga tao na nagsalita sa akin at nagsabing, “Pagaanin ninyo ang pasanin na inilagay sa amin ng inyong ama?”

10Ang mga kabataan na lumaking kasama ni Rehoboam ay nagsalita sa kaniya, nagsabi, “Magsalita ka sa mga taong ito na nagsabi sa iyo na ang iyong amang si Solomon ang nagpabigat ng kanilang pasanin pero dapat mo itong pagaanin. Dapat mong sabihin sa kanila, “Ang hinliliit kong daliri ay makapal kaysa sa baywang ng aking ama.

11Kaya ngayon, kahit na pinahirapan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng isang mabigat na pasanin, magdadagdag ako sa inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan.”

12Kaya dumating si Jeroboam at ang lahat ng bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng itinagubilin ng hari noong sinabi niyang, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”

13Marahas na tinugon ng hari ang bayan at binalewala ang payo na ibinigay sa kaniya ng mga matatandang lalaki.

14Siya ay nagsalita sa kanila bilang pagsunod sa payo ng mga nakababatang lalaki; sabi niya, “Pinagpasan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng mabibigat na pasanin, pero magdadagdag ako ng pasanin sa inyo. Pinarusahan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng mga latigo, pero parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan.”

15Kaya hindi nga pinakinggan ng hari ang mga tao, dahil ito ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ni Yahweh, upang maaari niyang tuparin ang kaniyang salita na kaniyang sinabi kay Ahias na taga-Silo kay Jeroboam na anak ni Nebat.

16Nang makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sinagot siya ng mga tao at sinabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse! Umuwi kayo sa inyong mga tolda, Israel. Ngayon pangalagaan mo ang sarili mong bahay, David.” Kaya nagbalik ang Israel sa kanilang mga tolda.

17Pero para sa bayang Israel na nanirahan sa mga lungsod ng Juda, si Rehoboam ang naghari sa kanila.

18Pagkatapos ipinadala ni Haring Rehoboam si Adoram, na siyang namamahala sa mga pinilit na mga manggagawa, pero pinagbabato siya ng buong Israel hanggang mamatay. Mabilis na tumakas si Haring Rehoboam sa kaniyang karwahe patungong Jerusalem.

19Kaya ang Israel ay naging rebelde laban sa angkan ni David hanggang sa araw na ito.

2 Mga Cronica

2 Cro 10:1–19

1Pumunta sa Shekem si Rehoboam, dahil darating ang lahat ng mga taga-Israel sa Shekem upang gawin siyang hari.

2Narinig ito ni Jeroboam na anak ni Nebat (dahil nasa Egipto siya, kung saan siya tumakas mula kay haring Solomon, ngunit bumalik si Jeroboam mula sa Ehipto).

3Kaya ipinatawag nila siya, dumating si Jeroboam at ang lahat ng Israelita. Kinausap nila si Rehoboam at sinabi,

4“Ginawang mahirap ng iyong ama ang aming mga pasanin. Kaya ngayon, gawin mong mas madali ang mahirap na gawain ng iyong ama, at pagaanin mo ang mabigat na pasanin na ibinigay niya sa amin at paglilingkuran ka namin.”

5Sinabi ni Rehoboam sa kanila, “Bumalik kayo sa akin pagkatapos ng tatlong araw.” Kaya, umalis na ang mga tao.

6Sumangguni si Haring Rehoboam sa mga matandang kalalakihan na nagpayo kay Solomon na kaniyang ama noong nabubuhay pa siya. sinabi niya, “Paano ninyo ako papayuhan upang mabigyan ng kasagutan ang mga taong ito?”

7Nakipag-usap sila sa kaniya at sinabi, “Kung magiging mabuti ka sa mga taong ito at bibigyang-lugod mo sila at magsasabi ng mga mabubuting salita sa kanila, magiging alipin mo sila sa habang panahon.

8Ngunit hindi pinakinggan ni Rehoboam ang payo na ibinigay ng mga matandang kalalakihan sa kaniya at sumangguni siya sa mga kabataang lalaki na kasabayan niyang lumaki at nagpapayo sa kaniya.

9Sinabi niya sa kanila, “Ano ang maibibigay ninyong payo sa akin upang sagutin natin ang mga taong ito na nakipag-usap sa akin at sinasabi, “Pagaanin mo ang mga pasanin na ibinigay ng iyong ama sa amin'?”

10Nagsalita ang mga kabataang lalaki na kasabayang lumaki ni Rehoboam na nagsasabi, “Makipag-usap ka sa mga taong nagsabi sa iyo na ginawang mabigat ng iyong amang si Solomon ang kanilang mga pasanin, na kailangan mong gawing mas magaan. Dapat mong sabihin sa kanila, 'Mas makapal ang aking hinliliit kaysa sa baywang ng aking ama.

11Kaya ngayon, bagaman pinapasan kayo ng aking ama ng isang mabigat na pasanin, dadagdagan ko pa ang inyong mga pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan.”'

12Kaya pumunta si Jeroboam at ang lahat ng tao kay Rehoboam sa ikatlong araw, kagaya ng iniutos ng hari sa kanila ng sabihin niya, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”

13Marahas silang sinagot ng hari. Hindi pinansin ni Haring Rehoboam ang payo ng mga matandang kalalakihan.

14Nakipag-usap siya sa kanila na sinunod ang payo ng mga kabataang lalaki at sinabi, “Gagawin kong mas mabigat ang inyong mga pasanin at dadagdagan ko pa ito. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan.”

15Hindi nakinig ang hari sa mga tao, sapagkat ito ang isang pangyayaring pinahintulutan ng Diyos, upang matupad ni Yahweh ang kaniyang salita na sinabi niya sa pamamagitan ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.

16Nang makita ng mga taga-Israel na hindi nakinig ang hari sa kanila, sinagot siya ng mga tao at sinabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse! Bumalik na kayong mga taga-Israel sa inyong mga tolda. Ngayon David, bahala ka ng tumingin sa iyong sariling tolda.” Kaya, bumalik na ang bawat isa sa mga Israelita sa kanilang mga tolda.

17Ngunit ang mga taga-Israel na nakatira sa mga lungsod ng Juda, pinamunuan sila ni Rehoboam.

18Pagkatapos, ipinadala ni Haring Rehoboam si Adoram na namumuno sa sapilitang panggawa, ngunit binato siya ng mga Israelita hanggang sa namatay siya. Kaagad na tumakas si Haring Rehoboam sakay ng kaniyang karwahe patungo sa Jerusalem.

19Kaya, nagrerebelde ang Israel laban sa sambahayan ni David hanggang sa mga panahong ito.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY