Bible Explorer

Tuklasin › Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi › Sa daan patungong Jerusalem

Ang mga Ebanghelyo nang magkakatabi · Sa daan patungong Jerusalem

Pasanin ang krus

Mat 16:24–28 · Mar 8:34–38; 9:1 · Luc 9:23–27

Mateo

Mat 16:24–28

24Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kung sinuman ang nais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, buhatin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

25Sapagkat sinuman ang may nais iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawala ang buhay alang-alang sa akin ay matatagpuan niya ito.

26Ano ang mapapala ng isang tao, kung mapasakaniya man ang buong mundo ngunit ang kabayaran ay ang kaniyang buhay? Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kaniyang buhay?

27Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos, bibigyan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.

28Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may mga ilan sa inyo na nakatayo dito na hindi makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kaniyang kaharian.”

Marcos

Mar 8:34–38; 9:1

8:34Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.

8:35Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.

8:36Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay?

8:37Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay?

8:38Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”

9:1At sinabi niya sa kanila, “Totoo itong sasabihin ko sa inyo, mayroong ilan sa inyo na nakatayo rito ang hindi makakaranas ng kamatayan bago nila makita ang kaharian ng Diyos na darating na may kapangyarihan.”

Lucas

Luc 9:23–27

23Sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung sinuman ang may gustong sumunod sa akin, kailangan niyang tanggihan ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus araw-araw, at sumunod sa akin.

24Sinumang sumubok na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay maliligtas ito.

25Ano ang mapapala ng tao kung makamit niya ang buong mundo, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kaniyang sarili?

26Ang sinuman na ikakahiya ako at ang aking mga salita, siya din ay ikakahiya ng Anak ng Tao kapag siya ay dumating na nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.

27Ngunit katotohanang sinasabi sa inyo, mayroong iba sa inyong nakatayo dito, na hindi makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY