Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Setyembre 2027 › Setyembre 30

Kalendaryong Katoliko

Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Setyembre 30, 2027

Huwebes · Ika-26 linggo sa Karaniwang Panahon

Mga kapistahan at mga santo

Huwebes ng ika-26 linggo sa Karaniwang Panahon

Paggunita · Kulay ng liturhiya: puti

San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan · Paggunita

Mga pagbasa sa araw na ito

Unang Pagbasa

Neh 8:1–12

1Ang lahat ng tao ay nagtipon-tipon para sa isang layunin sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig. Sinabi nila kay Ezra, ang eskriba na dalhin ang Aklat na Batas ni Moises, na iniutos ni Yahweh sa Israel. 2Sa unang araw ng ika-pitong buwan, si Ezra, ang pari ay dinala ang batas sa harap ng pagpupulong, sa kapwa mga lalaki at babae, at sa lahat ng nakakarinig at nakakaunawa. 3Humarap siya sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig, at binasa niya ito mula umaga hanggang tanghali, sa harap ng mga lalaki at babae, at sinumang nakauunawa. At ang lahat ng tao ay nakinig nang masigasig sa Aklat ng Batas. 4At si Ezra, ang eskriba ay tumayo sa isang mataas na entabladong kahoy na ginawa ng mga tao para sa layuning iyon. Ang mga nakatayo sa kaniyang tabi ay sina Matanias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias, at Maaseias, sa kaniyang kanan; at Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam ay nakatayo sa kaniyang kaliwa. 5Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng lahat ng mga tao, dahil siya ay nakatayo nang mataas sa mga tao, at nang binuksan niya ito, ang lahat ng tao ay tumayo. 6Si Ezra ay nagbigay ng pasasalamat kay Yahweh, ang dakilang Diyos, at lahat ng mga tao ay itinaas ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen!” Pagkatapos, iniyuko nila ang kanilang mga ulo at sumamba kay Yahweh na nakasayad ang kanilang mukha sa lupa. 7Maging sila Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan, Pelaias at ang mga Levita ay tumulong sa mga tao na maintindihan ang batas, habang ang mga tao ay nanatili sa kanilang lugar. 8At kanilang binasa ang aklat, ang batas ng Diyos, pinapaliwanag nang malinaw at binibigyan ng kahulugan para maintindihan nila ang binabasa. 9Sinabi nina Nehemias, ang gobernador, at si Ezra, ang pari at eskriba, at ang mga Levita na nagbibigay-kahulugan sa mga tao sa kanila, “Ang araw na ito ay banal kay Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong mamighati at umiyak.” Dahil ang lahat ng tao ay umiyak nang marinig nila ang mga salita ng batas. 10Pagkatapos, sinabi ni Nehemias sa kanila, “Humayo na kayo, kainin ninyo ang taba at kumuha kayo ng matamis na maiinom, at ipadala ang ilan nito sa mga walang naihanda, dahil ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong magdalamhati, dahil ang kagalakan ni Yahweh ang inyong lakas.” 11Kaya pinatahimik ng mga Levita ang mga tao, na sinasabing, “Tumahimik kayo! Dahil ang araw na ito ay banal. Huwag kayong magdalamhati.” 12At lahat ng tao ay humayo para kumain, uminom, magbahagi ng pagkain at magdiwang ng may matinding kagalakan dahil naunawaan nila ang mga salitang ipinahayag sa kanila.

Salmong Tugunan

Awit 19:7–10

7Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan.

Ebanghelyo

Luc 10:1–12

1Ngayon, pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghirang ng pitumpung iba pa, at isinugo sila nang dalawahan para mauna sa kaniya sa bawat lungsod at lugar na ninanais niyang puntahan. 2Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin, ngunit ang manggagawa ay kakaunti. Kaya nga madaliing manalangin sa Panginoon ng ani, upang magpadala siya ng manggagawa sa kaniyang ani. 3Humayo kayo sa inyong lakad. Tingnan, Sinusugo ko kayo bilang mga tupa sa gitna ng mga lobo. 4Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, lalagyang panglakbay, ni mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. 5Anumang mga bahay na inyong tutuluyan, una ninyong sabihin, 'Magkaroon nawa ng kapayapaan sa bahay na ito.' 6Kung ang isang taong payapa ay naroon, ang inyong kapayapaan ay mapapasakaniya, ngunit kung hindi, ito ay babalik sa iyo. 7Manatili kayo sa bahay na iyon, kumain at uminom ng anumang ibigay nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. 8Sa lungsod na inyong tutuluyan, at kayo ay tinanggap, kumain kayo ng anumang ihain sa inyong harapan, 9at pagalingin ninyo ang may sakit na naroroon. Sabihin niyo sa kanila, 'Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.' 10Ngunit sa anumang mga lungsod na inyong pupuntahan, at hindi nila kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11'Kahit ang alikabok mula sa inyong lungsod na kumapit sa aming mga paa ay aming pinupunasan laban sa inyo! Ngunit alamin ito, ang kaharian ng Diyos ay malapit na.' 12Sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, higit na mapagtitiisan ang Sodoma kaysa sa lungsod na iyon.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Setyembre 30

Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan