Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Agosto 2027 › Agosto 29
Kalendaryong Orthodox · Agosto 16 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Agosto 29, 2027
Linggo · Tono 1
Mga kapistahan at mga santo
Ikasampung Linggo pagkatapos ng Pentekostes
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Ikasampung Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga
1Pagkatapos ng mga ito, nagpakita muli si Jesus sa mga alagad sa Dagat ng Tiberias; sa ganito niya pinakita ang kaniyang sarili: 2Si Simon Pedro kasama sila Tomas na tinatawag na Didimus, Nataniel na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedee, at iba pang dalawang alagad ni Jesus. 3Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Ako ay mangingisda.” Sinabi nila sa kaniya, “Kami rin ay sasama sa iyo.” Umalis sila at sumakay sa isang bangka, ngunit sa buong gabing iyon ay wala silang nahuli. 4Nang magbubukang liwayway na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, ngunit hindi nakikilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus. 5At sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga kabataan, mayroon ba kayong kahit anumang makakain? Sumagot sila sa kaniya, “Wala.” 6Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong mahuhuli.” Kaya inihagis nga nila ang kanilang lambat, ngunit hindi na nila ito mahatak dahil sa dami ng mga isda. 7Pagkatapos sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon.” Nang marinig ni Simon Pedro na siya ang Panginoon, sinuot niya ang kaniya damit panlabas (dahil siya ay bahagyang nakahubad), at tumalon sa dagat. 8Ang ibang mga alagad ay sumakay sa bangka (dahil sila ay hindi naman malayo mula sa lupa, humigit kumulang, mga dalawang daang kubit), at kanilang hinihila ang lambat na puno ng isda. 9Nang makaahon sila sa lupa, may nakita sila nagbabagang uling at may isdang nakalagay sa ibabaw nito, at may tinapay. 10Sinabi sa kanila ni Jesus, “Magdala kayo ng ilang mga isda na kahuhuli ninyo pa lamang.” 11Umakyat si Simon Pedro at hinatak ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, 153 ang mga ito, kahit napakarami ng mga ito, ang lambat ay hindi napunit. 12Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-almusal.” Wala sa mga alagad ang nagtangkang magtanong sa kaniya na, “Sino ka?” Alam nila na siya ang Panginoon. 13Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay, at ibinigay ito sa kanila, ganoon din ang isda. 14Ito ang ikatlong beses na pinakita ni Jesus ang kaniyang sarili sa mga alagad pagkatapos niyang bumangon mula sa patay.
Sulat
9Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa kahuli-hulihan ng hanay na pinapanood at gaya ng mga taong nahatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao. 10Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan. 11Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. 12Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay. 14Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak. 15Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako.
Sulat (Larawang Hindi Gawa ng Kamay)
12Ipinapanalangin namin na kayo ay magpapasalamat ng may galak sa Ama, na siyang nagkaloob sa inyo na makibahagi sa mga kayamanan ng mga mananampalataya sa liwanag. 13Sinagip niya tayo mula sa pamamahala ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. 14Sa kaniyang Anak mayroong tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan. 15Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha. 16Sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, ang mga nasa langit at ang mga nasa lupa, ang mga nakikita at ang mga hindi nakikita. Maging mga trono o pamahalaan o pamunuan o kapangyarihan, ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya. 17Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay. 18At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang simula at ang unang anak mula sa mga patay, kaya siya ang pangunahin sa lahat ng mga bagay.
Ebanghelyo
14Pagbalik nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit ang isang tao at lumuhod sa kaniyang harapan, at sinabi, 15“Panginoon, mahabag kayo sa aking anak na lalaki, sapagkat siya ay may epilepsiya at lubhang nahihirapan. Sapagkat madalas siyang nahuhulog sa apoy o sa tubig. 16Dinala ko siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila siya mapagaling. 17Sumagot si Jesus at sinabi, “Kayong salinlahi na walang pananampalataya at mga baluktot, hanggang kailan ba ako mananatili kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.” 18Sinaway siya ni Jesus at umalis ang demonyo sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon. 19Pagkatapos nito sarilinang lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Bakit hindi namin ito mapalayas?” 20Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinliit ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon,' at lilipat nga ito at walang magiging imposible sa inyo. 21(Ngunit hindi mapapalayas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa panalangin at pag-aayuno.) 22Habang sila ay nanatili sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao. 23At siya ay papatayin nila, at mabubuhay siya sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng kaniyang mga alagad.
Ebanghelyo (Larawang Hindi Gawa ng Kamay)
51Nangyari ng habang papalapit na ang kaniyang pag-akyat sa langit, lubos niyang inihanda ang kaniyang sarili na pumunta sa Jerusalem. 52Nagpadala siya ng mga mensahero bago siya pumunta, at sila ay pumunta at nakarating sa isang Samaritanong bayan upang maghanda para sa kaniya. 53Ngunit siya ay hindi tinanggap ng mga tao roon, sapagkat nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 54Pagkatapos, nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, nais mo bang iutos naming bumaba ang apoy mula sa langit at puksain sila?” 55Ngunit hinarap niya sila at sinaway sila. 56Pagkatapos, sila ay pumunta sa ibang nayon. 10:22''Ang lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin mula sa aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak, at kanino man na naisin ng Anak na ipahayag siya.” 23Nang humarap siya sa mga alagad, sinabi niya nang bukod, “Pinagpala ang mga nakakakita sa mga bagay na nakikita ninyo. 24Sinasabi ko sa inyo, maraming mga propeta at mga hari na hinangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, at hindi nila ito nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig, at hindi nila narinig.”
Mga santo ng araw
- Pagkatapos ng Kapistahan ng Paghimlay ng Kabanal-banalang Ina ng Diyos
- Paglilipat ng Larawang Hindi Ginawa ng Kamay (ang Mandylion) ng Panginoong Jesu-Cristo mula Edesa patungong Constantinopla (944)
- Martir Diomedes na manggagamot (298)
- Ang 33 Martir ng Palestina
- Paring Martir Esteban, pari (1918)
- Paring Martir Alejandro, pari, Kagalang-galang na Martir Ana at Martir Jacobo (1937)
- Kagalang-galang na Queremon ng Ehipto (ika-4 siglo)
- Mga Ikon ng Ina ng Diyos: ni Teodoro (1239) at “Ang Tagumpay ng Kabanal-banalang Ina ng Diyos” (ng Port Arthur) (1904)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Agosto 16 sa kalendaryo ng simbahan ay Agosto 29 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan