Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Agosto 2027 › Agosto 26
Kalendaryong Orthodox · Agosto 13 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Agosto 26, 2027
Huwebes · Ikasampung linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 8
Mga kapistahan at mga santo
Pagtatapos ng Kapistahan ng Pagbabagong-anyo ng Panginoon
Pag-aayuno ng Pagkakatulog ng Theotokos
Pag-aayuno: lutong pagkain na walang langis
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
31Mula sa bibig ng mga gumagawa ng tama ay dumarating ang bunga ng karunungan, ngunit ang masamang dila ay mapuputol. 32Alam ng mga labing gumagawa nang tama kung ano ang katanggap-tanggap, ngunit ang bibig ng masama ay alam kung ano ang masama 11:1Kinapopootan ni Yahweh ang timbangang hindi tama, ngunit siya ay nagagalak sa wastong timbang. 2Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan. 3Ang katapatan ng matuwid ay gumagabay sa kanila, pero ang mga baluktot na pamamaraan ng mga taksil ay sumisira sa kanila. 4Ang kayamanan ay walang halaga sa araw nang matinding kapootan, pero ang paggawa ng matuwid ay maglalayo sa iyo mula sa kamatayan. 5Ang matuwid na pag-uugali ng taong walang kapintasan ay ginagawang matuwid ang kaniyang daan, pero ang masama ay babagsak dahil sa kaniyang sariling kasamaan. 6Ang matuwid na pag-uugali ng mga nakalulugod sa Diyos ang siyang nag-iingat sa kanila, pero ang taksil ay nabitag ng kanilang sariling mga pagnanasa. 7Kapag ang taong masama ay namatay, ang kaniyang pag-asa ay mamamatay, at ang pag-asa na naging kaniyang kalakasan ay mapupunta sa wala. 8Ang isang taong gumagawa ng tama ay laging nailalayo sa kaguluhan, at sa halip ito ay dumarating sa mga masasama. 9Sinisira ng bibig ng mga walang Diyos ang kaniyang kapwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ang mga gumagawa ng tama ay pinanatiling ligtas. 10Kapag ang mga gumagawa ng tama ay sumasagana, ang isang lungsod ay nagdiriwang; kapag ang masama ay namatay; ay may mga sigaw ng kagalakan. 11Sa pamamagitan ng mabubuting mga kaloob ng mga nakalulugod sa Diyos, ang lungsod ay magiging tanyag; sa bibig ng mga masasama, ang lungsod ay mawawasak. 12Ang taong may paghamak sa kaniyang kaibigan ay walang ulirat, pero ang isang may pang-unawa ay tumatahimik.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
Wala sa saling ito
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
9Ako ang tarangkahan. Kung sinumang pumapasok sa pamamagitan ko, siya ay maliligtas; siya ay papasok at lalabas at makakahanap ng pastulan. 10Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito. 11Ako ang mabuting pastol. Inialay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12Ang isang bayarang-lingkod, na hindi isang pastol, na hindi nagmamay-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo at pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. Tinatangay ng lobo ang mga ito at pinangangalat ang mga ito. 13Siya ay tatakbo dahil siya ay isang bayarang-lingkod at hindi nagmamalasakit sa mga tupa. 14Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang sa akin, at ang sa akin ay nakikilala ako. 15Kilala ako ng Ama, at kilala ko ang Ama, at ibinigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16Mayroon akong iba pang mga tupa na wala sa tupahang ito. Sila din, kailangan kong dalhin, at makikinig sila sa aking boses upang magkaroon lamang ng isang kawan at isang pastol.
Sulat
1Ako si Pablo na apostol ni Jesu-Cristo dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, para sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto at sa lahat ng mga mananampalataya sa buong rehiyon ng Acaya. 2Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo. 3Nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay mapapurihan. Siya ang Ama ng mga awa at ang Diyos ng lahat ng kaalliwan. 4Ang Diyos ang nagbibigay ng kaginhawaan sa atin sa lahat ng ating mga pagdurusa, upang mabigyan natin ng kaaliwan ang lahat ng nagdurusa. Makakapagbigay tayo ng aliw sa iba kung paano tayo binigyang aliw ng Diyos. 5Sapagkat kung paano nananagana ang paghihirap ni Cristo para sa atin, ganoon din nananagana ang kaaliwan na aming nararanasan mula kay Cristo. 6Ngunit kung kami ay nagdurusa, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. At kung kami ay naaaliw, ito ay parasa inyong kaaliwan. Ang inyong kaaliwan ay mabisa kung ibabahagi ninyo nang may tiyaga ang mga paghihirap na atin ding naranasan. 7At ang aming pagtitiwala para sa inyo ay tiyak. Alam namin na habang nakikihati kayo sa paghihirap, nakikihati din kayo sa kaaliwan.
Sulat (San Tikhon)
26Sapagkat ganito ang pinaka-punong pari na nararapat para sa atin. Siya ay walang kasalanan, walang dungis, dalisay, ibinukod mula sa mga makasalanan, at naging lalong mataas kaysa sa kalangitan. 27Hindi siya nangangailangan, di tulad ng mga pinaka-punongpari, na mag-alay ng handog araw-araw, una para sa kaniyang sariling kasalanan, at pagkatapos para sa kasalanan ng mga tao. Ginawa niya ito nang minsanan para sa lahat, nang inialay niya ang kaniyang sarili. 28Sapagkat ang kautusan ang humirang ng mga tao na may kahinaan katulad ng mga pinakapunong pari, ngunit ang salita ng panunumpa, na dumating matapos ang kautusan, ay naghirang ng isang Anak, na siyang ginawang ganap magpakailanman. 8:1Ngayon, ito ang paksa ng aming sinasabi, mayroon tayong isang pinaka-punong pari na nakaupo sa kanang kamay ng trono ng Kamahalan sa kalangitan. 2Isa siyang lingkod sa lugar na banal, ang tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng sinumang tao.
Ebanghelyo
43Kaya sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin niya sa inyo at ibibigay sa ibang bansa na mag-aalaga sa mga bunga nito. 44Ang sinumang babagsak sa batong ito ay mababasag ng pirapiraso. At kung kanino man ito babagsak, madudurog siya.” 45Nang napakinggan ng mga punong pari at mga Pariseo ang kaniyang mga talinghaga, nakita nila na ang kaniyang sinasabi ay patungkol sa kanila. 46Subalit sa tuwing naisin nilang dakpin siya, natatakot sila sa mga tao sapagkat tinuturing siya ng mga tao na isang propeta.
Ebanghelyo (San Tikhon)
14Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit. 17Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta. Naparito ako hindi upang sirain ang mga ito kundi upang ito ay tuparin. 18Sapagkat totoo itong sinasabi ko sa inyo, hanggang hindi lilipas ang langit at lupa, wala ni isang tuldok o kudlit man ang mawawala sa kautusan, hanggang sa ang lahat ng mga bagay ay maganap. 19Kung gayon, sinuman ang lalabag ng kahit isa sa kaliit-liitan sa mga kautusang ito at nagtuturo sa iba na gawin ang paglabag nito ay tatawaging pinakahamak sa kaharian ng langit. Ngunit ang sinumang tumupad sa mga ito at itinuturo sa iba na tupariin ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
Mga santo ng araw
- Pagpanaw (662) at paglilipat ng mga relikya ni Kagalang-galang na Maximo ang Kumpesor
- Pagkatagpo sa mga relikya ni Pinagpalang Maximo, Hangal alang-alang kay Cristo, ng Moscow (c. 1547)
- Pagpanaw (1783) at ikalawang pagkatagpo sa mga relikya (1991) ni Banal na Hirarka Tikhon, Obispo ng Voronezh, Manggagawa ng Himala ng Zadonsk
- Mga Paring Martir Juan, Joasaf at Constantino, mga pari (1918)
- Mga Paring Martir Serafin, Obispo ng Dmitrov, Nicolas at Jacobo, mga pari, at Alexis na diyakono (1937)
- Martir Basilio (1942)
- Mga Martir Hipolito, Ireneo, Abundio at Martir Concordia sa Roma
- Mga Ikon ng Ina ng Diyos: ng Minsk (1500), at ang mga tinatawag na “Ng Pasyon” (1641) at “Tagapagpalambot ng Masasamang Puso” (“May Pitong Palaso”) (1830)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Agosto 13 sa kalendaryo ng simbahan ay Agosto 26 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan