Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hulyo 2027 › Hulyo 13

Kalendaryong Orthodox · Hunyo 30 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Hulyo 13, 2027

Martes · Ikaapat na linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 2

Mga kapistahan at mga santo

Pagtitipon ng Labindalawang Maluwalhati at Lubos na Pinupuring Apostol: Pedro, Andres na kaniyang kapatid, Santiago na anak ni Zebedeo, Juan na kaniyang kapatid, Felipe, Bartolome, Tomas, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, Judas na anak ni Santiago o Tadeo, Simon ang Zelote at Matias

Pag-aayuno

Walang pag-aayuno

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Sulat (para sa Lunes)

Roma 9:18–33

18Kaya nga, may awa ang Diyos sa sinumang nais niyang kaawaan, at pinapatigas niya ang kalooban ng sinumang naisin niya. 19Sasabihin mo sa akin, “Bakit pa siya humahanap ng kamalian? Sapagkat sino ang nakapigil sa kaniyang kalooban ni minsan?” 20Sa kabilang banda, tao, sino kang sumasagot laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinulma sa humulma nito, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21Wala bang karapatan sa putik ang magpapalayok, upang gawin sa iisang tumpok ng putik ang isang sisidlan para sa natatanging paggagamitan, at ang isa pang sisidlan para sa pangaraw-araw na paggagamitan? 22Paano kung ang Diyos, na nagnanais ipakita ang kaniyang galit at ipahayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiyaga ng may labis na pagtitiis sa mga sisidlan ng galit na naihanda para sa pagkawasak? 23Paano kung ginawa niya ito upang mahayag ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noon pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24Paano kung ginawa niya rin ito para sa atin, na tinawag din niya, hindi lamang mula sa mga Judio, ngunit mula rin sa mga Gentil? 25Gaya rin ng sinasabi niya sa Hosea: “Tatawagin kong mga tao ko ang hindi ko dating mga tao, at minamahal na hindi dating minamahal.” 26At sa lugar na pinagsabihan sa kanila, 'Hindi ko kayo mga tao,' doon ay tatawagin silang “mga anak ng Diyos na buhay.'” 27Isinisigaw ni Isaias ang tungkol sa Israel, “Kung ang bilang ng mga anak ng Israel ay sindami ng buhangin sa dagat, mangyayari na ang nalalabi lamang ang maliligtas. 28Sapagkat hindi magtatagal, lubusan ng tutuparin ng Panginoon ang kaniyang salita sa daigdig.” 29At ito ay gaya ng sinabi ni Isaias noon, “Kung hindi nagtira ng mga lahi ang Panginoon ng mga hukbo para sa atin, tayo ay naging katulad sana ng Sodoma, at naging katulad ng Gomorra. 30Kung gayon, ano sasabihin natin? Na ang mga Gentil na hindi nagsisikap para sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya. 31Ngunit ang Israel, na nagsikap ng katuwiran sa kautusan ay hindi nagkamit nito. 32Bakit hindi? Dahil hindi nila ito sinikap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi sa pamamagitan ng mga gawa. Natisod sila sa batong katitisuran, 33gaya ng nasusulat, “Tingnan ninyo, naglagay ako sa Sion ng batong katitisuran at malaking batong kadadapaan. Ang sinumang manampalataya rito ay hindi mapapahiya.”

Sulat

Roma 10:11–11:2

11Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” 12Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya. 13Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas. 14Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!” 16Ngunit hindi lahat sa kanila ay nakinig sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?” 17Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo. 18Ngunit sinasabi ko, “Hindi ba nila narinig?” Oo, tiyak na narinig nila. “Ang kanilang tinig ay nakarating sa buong mundo, at ang kanilang mga salita sa mga dulo ng mundo.” 19Bukod dito, sinasabi ko, “Hindi ba nalaman ng Israel?” Noong una ay sinabi ni Moises, “Iinggitin ko kayo sa pamamagitan ng isang hindi bansa. Sa pamamagitan ng isang bansang walang pagkaunawa, gagalitin ko kayo.” 20At sinasabi ni Isaias nang buong tapang, “Natagpuan ako ng mga hindi humanap sa akin. Nagpakita ako sa mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.” 21Ngunit sa Israel sinasabi niya, “Buong araw kong iniunat ang aking mga kamay sa mga taong suwail at matitigas ang ulo.” 11:1Kung gayon sinasabi ko, itinakwil ba ng Diyos ang kaniyang mga tao? Nawa ay hindi kailanman. Sapagkat ako rin ay isang Israelita, kaapu-apuhan ni Abraham, mula sa tribu ni Benjamin. 2Hindi itinakwil ng Diyos ang kaniyang mga tao, na kilala na niya noon pa man. Hindi ba ninyo alam kung ano ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias, kung paano siya nakiusap sa Diyos laban sa Israel?

Sulat (mga apostol)

1 Cor 4:9–16

9Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa kahuli-hulihan ng hanay na pinapanood at gaya ng mga taong nahatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao. 10Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan. 11Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. 12Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay. 14Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak. 15Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako.

Ebanghelyo (para sa Lunes)

Mat 11:2–15

2Ngayon, nang marinig ni Juan mula sa bilangguan ang mga bagay tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagpadala siya ng mensahe sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad 3at sinabi nito sa kaniya, “Ikaw na nga ba Ang Darating o mayroon pang ibang tao na dapat naming hanapin?” 4Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. 5Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, nakapaglalakad ang mga lumpo, ang mga may ketong ay nagiging malinis, ang mga bingi ay nakaririnig nang muli, ang mga patay ay muling binuhay, at ang mga mahihirap ay nasabihan na tungkol sa mabuting balita. 6At pinagpala ang sinumang hindi makahahanap ng katitisuran sa akin.” 7Habang nagtungo ang mga lalaking ito sa kanilang daan, sinimulang sabihin ni Jesus sa mga tao ang tungkol kay Juan, “Ano ang nilabas ninyo sa ilang para makita—isang tambo na inaalog-alog ng hangin? 8Ngunit ano ang nilabas ninyo para makita—isang lalaki na nakasuot ng malambot na kasuotan? Totoo nga, ang nagsusuot lamang ng ganoong kasuotan ay iyong naninirahan sa bahay ng mga hari. 9Ngunit ano ang nilabas ninyo para makita—isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo at mas higit pa sa isang propeta. 10Siya itong sinasabi sa naisulat, 'Tingnan ninyo, ipadadala ko ang aking mensahero na mauuna sa iyo na siyang maghahanda ng iyong daan.' 11Sinasabi ko sa inyo, totoo nga na sa lahat ng mga ipinanganak ng mga babae, walang nakahihigit kay Juan na Tagapagbautismo. Ngunit ang pinakahamak na tao sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya. 12Mula sa mga araw ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagdurusa sa karahasan at sapilitan itong kinukuha ng mga taong mararahas. 13Sapagkat lahat ng mga propeta at ang kautusan ay patuloy na nagpapahayag hanggang kay Juan. 14At kung nakahanda kayong tanggapin ito, ito ay si Elias na paparating. 15Ang may taingang pandinig ay makinig.

Ebanghelyo

Mat 11:16–20

16Saan ko dapat ihalintulad ang salinlahing ito? Tulad nito ay mga batang naglalaro sa may pamilihan, na nakaupo at tinatawag ang isa't isa 17at magsasabi, 'Kami ay tumugtog ng plauta para sa inyo ngunit hindi kayo nagsayaw. Kami ay nagluksa ngunit hindi kayo tumangis.' 18Sapagkat dumating si Juan na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at sasabihin nilang, 'May demonyo siya.' 19Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinasabi nilang, 'Tingnan ninyo, siya ay napakatakaw na tao at lasenggero, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!' Ngunit ang karunungan ay napawalang-sala sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa.” 20At sinimulang sawayin ni Jesus ang mga lungsod kung saan nangyari ang karamihan sa mga makapangyarihan niyang gawa dahil sila ay hindi nagsisi.

Ebanghelyo (mga apostol)

Mar 3:13–19

13Umakyat siya sa bundok at tinawag niya ang mga gusto niya at pumunta sila sa kaniya. 14Itinalaga niya ang Labindalawa (na tinawag niyang mga apostol) para sila ay makasama niya at maaari niya silang isugo upang mangaral, 15at upang magkaroon sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16Itinalaga niya ang Labindalawang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, 17si Santiago na anak ni Zebedeo, si Juan na kapatid ni Santiago, na mga pinangalanan niyang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog, 18at sila Andres, Felipe, Bartolomeo, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, Tadeo, Simon na makabayan, 19at si Judas Iskaryote, na magkakanulo sa kaniya.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Hulyo 13

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Hunyo 30 sa kalendaryo ng simbahan ay Hulyo 13 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan