Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hunyo 2027 › Hunyo 28
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Hunyo 28, 2027
Lunes · Ika-13 linggo sa Karaniwang Panahon
Mga kapistahan at mga santo
Lunes ng ika-13 linggo sa Karaniwang Panahon
Paggunita · Kulay ng liturhiya: pula
San Ireneo, obispo, martir at pantas ng Simbahan · Paggunita
Mga pagbasa sa araw na ito
Unang Pagbasa
16Pagkatapos tumayo ang mga lalaki para umalis at tumingin pababa patungong Sodoma. Sumama si Abraham sa kanila para ihatid sila sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. 17Pero sinabi ni Yahweh, “Dapat ko bang itago kay Abraham ang gagawin ko, 18gayong tiyak na magiging dakila at makapangyarihang bansa si Abraham, at pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sa pamamagitan niya? 19Dahil pinili ko siya para maturuan ang kanyang mga anak pati na ang sambahayan na susunod sa kanya na mapanatili ang kaparaanan ni Yahweh, na gumawa ng matuwid at makatarungan, nang sa gayon maibibigay ni Yahweh kay Abraham ang sinabi niya sa kanya.” 20Pagkatapos sinabi ni Yahweh, “Dahil napakarami ng paratang laban sa Sodoma at Gomora, at napakalubha na ng kanilang kasalanan, 21bababa ako ngayon doon at titingnan ko kung kasingsama sila gaya ng paratang sa kanila na sinabi sa akin. Kung hindi man, malalaman ko.” 22Pagkatapos ang mga lalaki ay umalis mula roon at pumunta patungo sa Sodoma, pero nanatiling nakatayo si Abraham sa harapan ni Yahweh. 23Pagtapos lumapit si Abraham at sinabi, “Lilipulin mo ba ang matuwid kasama ang makasalanan? 24Marahil mayroong limampung matuwid sa loob ng lungsod. Lilipulin niyo ba ito at hindi ililigtas ang lugar alang-alang sa kapakanan ng limampung matuwid na naroon? 25Malayong gawin mo ang mga bagay na ito, na patayin ang mga matuwid kasama ang makasalanan, at ituring ang mga matuwid gaya ng mga makasalanan. Malayong gawin mo ito! Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong mundo kung ano ang makatarungan?” 26Sinabi ni Yahweh, “Kung may nakita kang limampung matuwid sa lungsod na iyon, ililigtas ko ang buong lugar para sa kanila.” 27Sumagot si Abraham at sinabi, “Tingnan mo ang aking ginawa, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon, kahit na alikabok at abo lamang ako! 28Paano kung nabawasan ng lima ang limampung matuwid? Wawasakin mo ba ang buong lungsod dahil nabawasan ng lima? At sinabi niya, “Hindi ko ito wawasakin kung may mahanap akong apatnapu't lima.” 29Muli siyang nakipag-usap sa kanya at sinabing, “Paano kung apatnapu ang makita roon? Sumagot siya, “Alang-alang sa apatnapu, hindi ko ito gagawin.” 30Sinabi niya, “Pakiusap, huwag kayong magagalit Panginoon, para makapagsalita ako. Kung sakali na tatlumpu ang mahanap doon? “Sinabi ng Diyos, “Hindi ko ito gagawin kung may mahanap akong tatlumpu doon.” 31Sinabi niya, “Tingnan mo, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon! Marahil dalawampu ang makita roon.” Tumugon siya, “Hindi ko ito gagawin alang-alang sa dalawampu.” 32Sinabi niya, “Pakiusap, huwag kayong magalit, Panginoon, sasabihin ko ito sa huling pagkakataon. Marahil sampu ang makita roon.” At sinabi niya, “Hindi ko ito wawasakin alang-alang sa sampung natira.” 33Nagtungo na si Yahweh sa kaniyang paroroonan matapos siyang makipag-usap kay Abraham, at bumalik na si Abraham sa kanyang tahanan.
Salmong Tugunan
1Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at ng lahat ng mayroon ako, binibigyang papuri ko ang kanyang banal na pangalan. 2Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at naaalala ko ang lahat ng kanyang mga mabubuting gawa. 3Pinapatawad niya lahat ng inyong mga kasalanan; pinapagaling niya lahat ng inyong mga sakit. 4Tinutubos niya ang inyong buhay mula sa pagkawasak; kinokoronahan niya kayo ng kanyang katapatan sa tipan at mga gawain ng pagkahabag. 8Si Yahweh ay maawain at mapagbigay-loob; siya ay mapagpaumanhin; mayroon siyang labis na katapatan sa tipan. 9Hindi siya laging magdidisiplina; hindi siya laging nagagalit. 10Hindi niya tayo tinatrato ayon sa nararapat sa ating mga kasalanan o ginagantihan ayon sa kung ano ang hinihingi ng ating mga kasalanan. 11Dahil kung gaano kataas ang kalangitan sa ibabaw ng daigdig, ganoon kadakila ang kanyang katapatan sa tipan sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya.
Ebanghelyo
18Ngayon, nang nakita ni Jesus ang maraming tao sa paligid niya, nagbigay siya ng mga tagubilin na aalis siya upang magpunta sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. 19At may lumapit na eskriba sa kaniya at nagsabi, “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magpunta.” 20Sinabi ni Jesus sa kaniya, “May mga lungga ang mga asong-gubat, may mga pugad ang mga ibon sa himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang lugar na mapagsandalan ng kaniyang ulo.” 21May ibang alagad din ang nagsabi sa kaniya, “Panginoon, payagan mo akong ilibing muna ang aking ama.” 22Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sumunod ka sa akin, hayaan mong ang patay ang maglibing sa sarili nilang patay.”
Mga santo ng araw
- San Ireneo, obispo, martir at pantas ng Simbahan
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan