Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 19

Kalendaryong Orthodox · Abril 6 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Abril 19, 2027

Lunes · Ikaanim na linggo ng Dakilang Kuwaresma · Tono 5

Mga kapistahan at mga santo

Banal na Hirarka Eutiquio, Arsobispo ng Constantinopla (582)

Dakilang Kuwaresma

Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Ikaanim na Oras

Isa 48:17–49:4

17Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang inyong Tagapagligtas, ang Banal ng Israel, “Ako si Yahweh na Diyos ninyo, na nagtuturo sa inyo kung paano magtagumpay, na nangunguna sa inyo sa landas na dapat ninyong tahakin. 18Kung sinunod ninyo lamang ang aking mga utos! Ang inyong kapayapaan at kasaganaan sana ay umagos tulad ng ilog, at ang inyong kaligtasan ay tulad ng mga alon ng dagat. 19Ang inyong mga kaapu-apuhan sana ay kasing dami ng buhangin, at ang mga anak mula sa inyong sinapupunan ay kasing dami ng mga butil ng buhangin; ang pangalan nila ay hindi sana pinutol o inalis mula sa aking harapan. 20Lumabas kayo mula sa Babilonia! Tumakas kayo mula sa mga taga-Caldea! Sa tunog ng hiyaw ay ipahayag ninyo ito! Ipaalam ninyo ito, paabutin ninyo ito sa dulo ng mundo! Sabihin ninyo, 'Niligtas ni Yahweh ang kaniyang lingkod na si Jacob.' 21Hindi sila nauhaw nang hinatid niya sila sa mga disyerto; pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila; biniyak niya ang bato, at bumulwak ang tubig. 22Walang kapayapaan para sa mga masasama— ang sabi ni Yahweh.” 49:1Makinig kayo sa akin, kayong mga baybayin! At magbigay kayo ng pansin, kayong mga malalayong tao. Tinawag ako ni Yahweh sa pangalan mula sa kapanganakan, nang dinala ako ng aking ina sa mundo. 2Ginawa niyang parang matalim na espada ang aking bibig; tinago niya ako sa anino ng kaniyang kamay; ginawa niya akong pinakinis na palaso; tinago niya ako sa kaniyang lalagyan ng palaso. 3Sinabi niya sa akin, “Ikaw ang aking lingkod, Israel, na gagamitin ko para ipakita ang aking kaluwalhatian.” 4Kahit na inakala kong nagsikap ako para sa wala, ginamit ko ang aking lakas para sa wala, pero ang aking katarungan ay na kay Yahweh, at ang aking gantimpala ay nasa Diyos ko.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Gen 27:1–41

1Nang matanda na si Isaac at ang kanyang mga mata ay malabo na kaya hindi na siya makakita, tinawag niya ang nakatatandang anak niyang si Esau. Sinabi niya, “Anak ko.” 2Sumagot ito, “Narito po ako.” Sinabi niya rito, “Tumingin ka rito, matanda na ako. Hindi ko alam ang araw ng aking kamatayan. 3Kaya kunin mo ang iyong mga sandata, ang iyong sisidlan ng palaso at pana at mangaso ka sa bukid para sa akin. 4Gawan mo ako ng masarap na pagkain na gusto ko at dalhin mo iyon sa akin para makain ko iyon at pagpalain ka bago ako mamatay.” 5Ngayon narinig ni Rebeca nang kausapin ni Isaac si Esau na kanyang anak. Nagpunta si Esau sa bukid para mangaso ng hayop at dalhin ito pauwi. 6Kinausap ni Rebeca si Jacob na kanyang anak at sinabi, “Tumingin ka rito, narinig kong kinausap ng iyong ama ang kapatid mong si Esau. Sinabi niya 7'Dalhan mo ako ng pinangasong hayop at gawan ako ng masarap na pagkain, upang kainin ko ito at pagpapalain ka sa harap ni Yahweh bago ang aking kamatayan.' 8Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang tinig ko habang inuutusan kita. 9Pumunta ka sa kawan at dalhan mo ako ng dalawang batang kambing; at magluluto ako ng masarap na pagkain para sa ama mo, na katulad ng gusto niya. 10Dadalhin mo ito sa kanya para kainin upang ikaw ay pagpalain niya bago ang kanyang kamatayan.” 11Sinabi ni Jacob sa kanyang inang si Rebeca, “Tingnan ninyo, ang kapatid kong si Esau ay mabalahibo, at ako ay makinis na tao. 12Malamang himasin ako ng ama ko, at ako ay magmimistulang manlilinlang sa kanya. Magdadala ako ng isang sumpa sa aking sarili at hindi pagpapala.” 13Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak ko, hayaan mong mapunta sa akin ang anumang sumpa. Basta sundin mo ang tinig ko, at umalis ka, at dalhin mo ang mga iyon sa akin.” 14Kaya kinuha ni Jacob ang dalawang batang kambing at dinala ang mga ito sa kanyang ina, at ang kanyang ina ay gumawa ng masarap na pagkain katulad ng gusto ng kanyang ama. 15Kinuha ni Rebeca ang pinakamagandang damit ni Esau, na nakatatandang anak niya, na nasa kanya sa bahay, at ipinasuot ito kay Jacob, na nakababatang anak niya. 16Inilagay niya ang balat ng batang kambing sa mga kamay niya at sa makinis na bahagi ng leeg niya. 17Inilagay niya ang inihanda niyang masarap na pagkain at ang tinapay sa kamay ng anak niyang si Jacob. 18Pumunta si Jacob sa kanyang ama at nagsabi, “Ama ko.” Sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?” 19Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako si Esau na unang anak mo; nagawa ko na ang sinabi mo sa akin. Umupo ka at kainin ang aking napangaso upang pagpalain mo ako.” 20Sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Paano mo itong natagpuan nang napakabilis, anak ko?” Sinabi niya, “Dahil si Yahweh na iyong Diyos ay dinala ito sa akin.” 21Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Lumapit ka upang mahimas kita at malaman kung ikaw ang tunay kong anak na si Esau o hindi.” 22Pumunta si Jacob sa kanyang amang si Isaac, at hinimas siya ni Isaac at sinabi niya, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau. 23Hindi siya nakilala ni Isaac dahil ang kanyang mga kamay ay mabalahibo, katulad ng mga kamay ng kapatid niyang si Esau, kaya pinagpala siya ni Isaac. 24Sinabi niya, “Ikaw ba talaga ang anak kong si Esau?” Sumagot siya, “Ako nga.” 25Sinabi ni Isaac, “Dalhin mo sa akin ang pagkain at kakainin ko ang napangaso mo upang mapagpala kita.” Dinala ni Jacob sa kanya ang pagkain. Kumain si Isaac, at dinalhan siya ni Jacob ng alak, at siya ay uminom. 26Sinabi ng kanyang amang si Isaac, “Lumapit ka sa akin at hagkan mo ako, anak ko.” 27Lumapit si Jacob at hinalikan siya, at naamoy niya ang amoy ng kanyang damit at pinagpala siya. Sinabi nya, “Tingnan mo, ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng isang bukid na pinagpala ni Yahweh. 28Nawa bigyan ka ng Diyos ng isang bahagi ng hamog ng langit, isang bahagi ng katabaan ng lupa, at masaganang mga butil at bagong alak. 29Nawa ang mga tao ay maglingkod sa iyo at yumuko sa iyo ang mga bansa. Maging amo ka ng iyong mga kapatid na lalaki, at nawa ang mga anak ng iyong ina ay yumuko sa iyo. Nawa ang bawat isang sumumpa sa iyo ay sumpain; at nawa ang bawat isang magpala sa iyo ay pagpalain.” 30Matapos pagpalain ni Isaac si Jacob, at bahagya pa siyang lumayo sa presensya ng ama niyang si Isaac, noon naman dumating ang kapatid niyang si Esau mula sa pangangaso. 31Gumawa rin siya ng masarap na pagkain at dinala iyon sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon ka at kainin mo ang ilan sa napangaso ng iyong anak upang mapagpala mo ako.” 32Ang kanyang amang si Isaac ay nagsabi sa kanya, “Sino ka?” Sinabi niya, “Ako ang anak mo, ang unang anak mong si Esau.” 33Nanginig nang matindi si Isaac at nagsabi, “Sino pala iyon na nangaso ng hayop na ito at dinala sa akin? Kinain ko lahat ito bago ka dumating, at pinagpala ko siya. Tunay nga, siya ay pagpapalain.” 34Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama, siya ay umiyak nang napakalakas at umiyak ng may kapaitan, sinabi sa kanyang ama, “Ako rin, pagpalain mo ako, ama ko.” 35Sinabi ni Isaac, “Mapanlilinlang na naparito ang kapatid mo at inagaw ang iyong pagpapala.” 36Sinabi ni Esau, “Hindi ba tama lang na pinangalanan siyang Jacob? Dahil dinaya niya ako sa dalawang pagkakataong ito. Inagaw niya ang aking karapatan ng isinilang at tingnan mo, ngayon ay inagaw niya ang aking pagpapala.” At sinabi niya, “Wala ka bang naitabing pagpapala para sa akin?” 37Sumagot si Isaac at sinabi kay Esau, “Tingnan mo, nagawa ko na siyang amo mo at naibigay ko na sa kanya ang lahat ng mga kapatid niya bilang alipin. At nabigyan ko siya ng butil at bagong alak. Ano pa ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?” 38Sinabi ni Esau sa kanyang ama, “Wala ka bang kahit isang pagpapala sa akin, ama ko? Pagpalain mo ako, ako rin, ama ko.” Umiyak nang malakas si Esau. 39Sumagot ang kanyang amang si Isaac at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang lugar na pinaninirahan mo ay magiging malayo sa kayamanan ng mundo, malayo sa hamog ng langit sa itaas. 40Mabubuhay ka sa pamamagitan ng iyong espada, at paglilingkuran mo ang iyong kapatid na lalaki. Subalit kapag magrebelde ka, maaalog mo ang kanyang pamatok mula sa iyong leeg.” 41Nagalit si Esau kay Jacob dahil sa pagpapalang binigay ng kanilang ama sa kanya. Sinabi niya sa kanyang puso, “Malapit na ang mga araw ng pagluluksa para sa aking ama; pagkatapos niyon papatayin ko ang kapatid kong si Jacob.”

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 19:16–25

16Ang tumutupad ng kautusan ay nag-iingat ng kaniyang buhay, pero ang hindi pinag-iisipan ang kaniyang mga pamamaraan ay tiyak na mamamatay. 17Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa. 18Disiplinahin mo ang iyong anak habang may pag-asa pa, at huwag mong patatagin ang iyong kagustuhan na ilagay siya sa kamatayan. 19Ang taong mainitin ang ulo ay dapat magbayad kung siya ay iyong sinagip, gagawin mo ito ulit sa pangalawang pagkakataon. 20Dinggin mo at sundin ang aking katuruan, at ikaw ay magiging marunong hanggang sa katapusan ng iyong buhay. 21Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig. 22Katapatan ang ninanais ng isang tao, at higit na mainam ang mahirap kaysa sa isang sinungaling. 23Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay; ang gumagawa nito ay masisiyahan at ligtas sa kapahamakan. 24Binabaon ng batugan ang kaniyang kamay sa pagkain; hindi man lamang niya ito maibalik pataas sa kaniyang bibig. 25Kapag iyong pinarusahan ang isang mangungutya, matututo pati ang walang pinag-aralan; itama mo ang may pang-unawa at lalawak ang kaniyang kaalaman.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Abril 19

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Abril 6 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 19 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan