Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 11

Kalendaryong Orthodox · Marso 29 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Abril 11, 2027

Linggo · Tono 4

Mga kapistahan at mga santo

Ikaapat na Linggo ng Dakilang Kuwaresma

Dakilang Kuwaresma

Pag-aayuno: may langis

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Unang Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga

Mat 28:16–20

16Ngunit ang labing-isa na mga alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na kung saan itinuro ni Jesus sa kanila. 17Nang siya ay nakita nila, sinamba nila siya, ngunit ang iba ay nag-alinlangan. 18Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

Sulat

Heb 6:13–20

13Sapagkat nang ginawa ng Diyos ang kaniyang pangako kay Abraham, siya ay nanumpa sa kaniyang sarili, sapagkat hindi siya makapanumpa sa mas higit sa kaniya. 14Sinabi niya, “Tunay na ikaw ay aking pagpapalain, at labis kong dadagdagan ang iyong mga kaapu-apuhan.'' 15Sa ganitong paraan, natanggap ni Abraham kung ano ang ipinangako pagkatapos niyang maghintay ng may pagtitiis. 16Sapagkat ang mga tao ay nanunumpa sa mas mataas sa kanilang mga sarili, at sa bawat pagtatalo nila, ang sinumpaan ang siyang pangwakas bilang pagpapatunay. 17Nang nagpasya ang Diyos na ipakita ng mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako ang hindi nagbabagong katangian ng kaniyang layunin, tiniyak niya ito ng may panunumpa. 18Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi nababago, na kung saan hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayo na nagsitakas para magpakupkop ay magkaroon ng matatag na lakas ng loob upang matibay na panghawakan ang pagtitiwala na inilagay sa ating harapan. 19Mayroon tayo nitong pagtitiwala bilang matatag at maaasahan na angkla ng ating mga kaluluwa, ang pagtitiwala na pumapasok sa dakong loob sa likod ng tabing. 20Pumasok si Jesus sa dakong iyon bilang tagapanguna para sa atin, at naging pinaka-punongpari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Sulat (San Juan)

Efe 5:8–19

8Sapagkat noon kayo ay kadiliman, ngunit ngayon kayo ay kaliwanagan sa Panginoon. Kaya lumakad kayo bilang mga anak ng liwanag. 9Sapagkat ang bunga ng liwanag ay napapalooban ng lahat ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan. 10Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon. 11Huwag makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng kadiliman. Sa halip, ihayag iyon. 12Sapagkat ang mga ginagawa nila ng lihim ay labis na kahiya-hiya maging ang paglalarawan nito. 13Lahat ng mga bagay, kapag ito ay naihayag sa liwanag ay nabubunyag. 14Sapagkat ang lahat na naihayag ay nagiging liwanag. Kaya sinasabi, “Gumising, kayo mga natutulog at bumangon mula sa mga patay at magliliwanag sa inyo si Cristo.” 15Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18At huwag magpakalasing sa alak, sapagkat hahantong ito sa pagkasira. Sa halip, mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19Mangusap kayo sa isat-isa sa mga salmo at mga himno at mga espiritwal na mga awitin. Umawit at magpuri sa inyong mga puso sa Panginoon.

Ebanghelyo

Mar 9:17–31

17Sinagot siya ng isa sa mga taong naroroon, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki, mayroon siyang espiritu na pumipigil sa kaniya na makapagsalita, 18at nagiging sanhi ito ng kaniyang pangingisay at ibinabagsak siya nito, bumubula ang kaniyang bibig, nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at naninigas. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito sa kaniya ngunit hindi nila ito magawa.” 19Sinagot sila ni Jesus, “Salinlahing walang pananampalataya, hanggang kailan ba ako kailangang manatili kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya sa akin.” 20Dinala nila ang batang lalaki sa kaniya. Nang makita ng espiritu si Jesus, kaagad siya nitong pinangisay. Natumba ang bata sa lupa at bumula ang bibig. 21Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Gaano na siya katagal na ganito?” Sinabi ng ama, “Mula pagkabata. 22Madalas siyang tinatapon nito sa apoy o sa tubig at sinubukan siya nitong patayin. Kung may magagawa kang kahit ano, kaawaan mo kami at tulungan mo kami.” 23Sinabi ni Jesus sa kaniya, “'Kung may magagawa'? Ang lahat ay magagawa sa mga naniniwala.” 24Agad na sumigaw ang ama ng bata at nagsabi, “Naniniwala ako! Tulungan mo ang aking kawalan ng paniniwala!” 25Nang makita ni Jesus ang mga tao na tumatakbo papunta sa kanila, sinaway niya ang masamang espiritu at sinabi, “Ikaw pipi at binging espiritu, inuutusan kita, lumabas ka at huwag nang bumalik pa sa kaniya.” 26Sumigaw ito at matinding pinangisay ang bata at pagkatapos ay lumabas. Nagmukhang parang isang patay ang bata kaya marami ang nagsabi, “Patay na siya.” 27Ngunit hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at ibinangon siya, at tumayo ang batang lalaki. 28Nang pumasok si Jesus sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad ng sarilinan. “Bakit hindi namin iyon mapalayas?” 29Sinabi niya sa kanila, “Ang ganitong uri ay hindi mapapalayas maliban sa pamamagitan ng panalangin.” 30Umalis sila mula roon at dumaan sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng kahit sino kung nasaan sila, 31sapagkat tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao, at siya ay papatayin nila. Kung siya ay pinatay na, babangon siyang muli pagkalipas ng tatlong araw.”

Ebanghelyo (San Juan)

Mat 4:25–5:12

25Maraming tao ang sumunod kay Jesus mula sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem at Judea at maging sa ibayo ng Jordan. 5:1Noong nakita ni Jesus ang maraming tao, umakyat siya sa bundok. Nang makaupo na siya, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya. 2Nagsalita siya at tinuruan sila na sinasabi, 3“Pinagpala ang mahihirap sa espiritu, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit. 4Pinagpala ang mga nagdadalamhati sapagkat sila ay aaliwin. 5Pinagpala ang mga maamo, sapagkat mamanahin nila ang mundo. 6Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin. 7Pinagpala ang mga mahabagin sapagkat sila ay kahahabagan. 8Pinagpala ang may pusong dalisay, sapagkat makikita nila ang Diyos. 9Pinagpala ang mga mapagpayapa, sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. 10Pinagpala ang mga inuusig alang-alang sa katuwiran, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit. 11Pinagpala kayo kung inaalipusta kayo at inuusig ng mga tao o pagsalitaan ng lahat ng uri ng mga masasamang bagay na pawang mga kasinungalingan ng dahil sa akin. 12Magsaya kayo at labis na magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Sapagkat sa ganitong paraan inusig ng mga tao ang mga propetang nabuhay noon bago pa kayo.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Abril 11

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Marso 29 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 11 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan