Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Abril 2027 › Abril 9

Kalendaryong Orthodox · Marso 27 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Abril 9, 2027

Biyernes · Ikaapat na linggo ng Dakilang Kuwaresma · Tono 3

Mga kapistahan at mga santo

Martir Matrona ng Tesalonica (ika-3–4 siglo)

Dakilang Kuwaresma

Mahigpit na pag-aayuno (tuyong pagkain: tinapay, gulay, prutas)

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Ikaanim na Oras

Isa 29:13–23

13Sinabi ng Panginoon, “Ang bayang ito ay lumalapit sa akin gamit ang kanilang bibig at pinararangalan ako gamit ang kanilang mga labi, pero malayo ang kanilang puso sa akin. Ang pagpaparangal nila sa akin ay isang kautusan na itinuro ng mga tao. 14Kaya nga, tingnan ninyo, magpapatuloy akong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa mga taong ito, kababalaghan kasunod ng isa pang kababalaghan. Ang karunungan ng kanilang matatalinong tao ay mawawala, at ang pang-unawa ng kanilang mga nakakaunawang mga tao ay maglalaho.” 15Kaawa-awa ang mga lubos na itinatago ang kanilang mga plano mula kay Yahweh, at na ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman. Sinasabi nila, “Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin? 16Ibinabaligtad ninyo ang mga bagay! Dapat bang ituring ang magpapalayok na tulad ng luwad, para sabihin na ang bagay na ginawa niya ay tungkol sa kanya na siyang gumawa nito, “Hindi niya ako ginawa,” o ang bagay na hinubog ay sasabihin sa kanyang manghuhubog, “Hindi niya nauunawaan?” 17Hindi magtatagal, magiging isang bukid ang Lebanon, at ang bukid ay magiging isang gubat. 18Sa araw na iyon, maririnig ng bingi ang mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa malalim na kadiliman. 19Muling magagalak kay Yahweh ang mga api, at magagalak sa Ang Banal ng Israel ang mga mahihirap. 20Mawawala na ang malupit, at maglalaho ang mapangutya. Aalisin ang lahat ng mga mahilig gumawa ng kasamaan, 21na sa pamamagitan ng isang salita ay pinapalabas na may sala ang isang tao. Naglalatag sila ng isang silo para sa kanya na naghahanap ng katarungan sa tarangkahan at ibinababa ang matuwid sa pamamagitan ng walang laman na mga kasinungalingan. 22Kaya nga ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa sambahayan ni Jacob — si Yahweh, na tumubos kay Abraham, “Hindi na mapapahiya si Jacob, ni mamumutla ang kanyang mukha. 23Pero kapag nakita niya ang kanyang mga anak, na gawa ng aking mga kamay, gagawin nilang banal ang aking pangalan. Gagawin nilang banal ang pangalan ng Banal ni Jacob at hahanga sila sa Diyos ng Israel.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Gen 12:1–7

1Ngayon sinabi ni Yahweh kay Abram, “Humayo ka mula sa iyong bansa, at mula sa iyong mga kamag-anak, at mula sa sambahayan ng iyong ama, sa lupaing ipakikita ko sa iyo. 2Gagawin kitang isang dakilang bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging isang pagpapala. 3Pagpapalain ko ang magpapala sa iyo, pero sinuman ang maninira sa iyo ay susumpain ko. Sa pamamagitan mo, ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo ay pagpapalain.” 4Kaya humayo si Abram, gaya ng sinabi ni Yahweh na kaniyang gawin, at sumama si Lot sa kaniya. Pitumpu't-limang taong gulang si Abram nang umalis siya sa Haran. 5Isinama ni Abram si Sarai, na kaniyang asawa, si Lot, na anak na lalaki ng kaniyang kapatid, lahat ng mga ari-arian na kanilang naipon, at mga nakuha nilang mga tauhan sa Haran. Umalis sila patungo sa lupain ng Canaan, at pumunta sa lupain ng Canaan. 6Naglakbay si Abram hanggang sa Shekem sa kakahuyan ng Moreh. Sa panahong iyon ang mga Cananeo ang naninirahan sa lupain. 7Nagpakita si Yahweh kay Abram, at sinabing, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan.” Kaya nagtayo roon si Abram ng altar para kay Yahweh, na nagpakita sa kaniya.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

Kaw 14:15–26

15Ang hindi naturuan ay naniniwala sa lahat ng bagay, ngunit ang taong maingat, iniisip ang kaniyang mga hakbang. 16Ang marunong ay may takot at lumalayo mula sa kasamaan, ngunit ang hangal ay panatag na hindi pinapansin ang babala. 17Ang isang madaling magalit ay nakagagawa ng mga kahangalan, at ang tao na gumagawa ng masasamang pamamaraan ay kinamumuhian. 18Ang mga taong hindi naturuan ay magmamana ng kahangalan, ngunit ang taong maingat ay napapaligiran ng kaalaman. 19Ang mga masasama ay yuyuko sa harap ng mabubuti, at ang mga masama ay luluhod sa tarangkahan ng mga matuwid. 20Ang mahihirap ay kinamumuhian kahit ng kaniyang sariling mga kasamahan, ngunit ang mga mayayaman ay maraming kaibigan. 21Ang isang nagpapakita ng paghamak sa kaniyang kapwa ay nagkakasala, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa mahirap ay masaya. 22Hindi ba ang mga nagbabalak ng masama ay naliligaw? Ngunit ang mga nagbabalak na gumawa ng mabuti ay makatatanggap nang katapatan sa tipan at pagtitiwala. 23Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan. 24Ang korona ng mga taong marunong ay ang kanilang kayamanan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay nagdadala ng lalong maraming kahangalan. 25Ang matapat na saksi ay naglilitas ng mga buhay, ngunit ang isang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan. 26Kapag ang isang tao ay takot kay Yahweh, siya rin ay may higit na tiwala sa kaniya; ang mga bagay na ito ay magiging katulad ng isang matatag na lugar na proteksyon para sa mga anak ng taong ito.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Abril 9

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Marso 27 sa kalendaryo ng simbahan ay Abril 9 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan