Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Marso 2027 › Marso 9

Kalendaryong Katoliko

Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Marso 9, 2027

Martes · Ikaapat na linggo ng Kuwaresma

Mga kapistahan at mga santo

Martes ng ikaapat na linggo ng Kuwaresma

Malayang Paggunita · Kulay ng liturhiya: lila

Santa Francisca Romana, relihiyosa · Pag-alaala

Mga pagbasa sa araw na ito

Unang Pagbasa

Ezek 47:1–9, 12

1At dinala ako ng lalaki pabalik sa pasukan ng templo at masdan ninyo! Umaagos ang tubig mula sa ilalim ng bungad ng tahanan ng templo sa gawing silangan, sapagkat nakaharap sa silangan ang harapan ng templo at umaagos ang tubig sa gawing timog ng templo, sa may kanan ng altar. 2Kaya dinala niya ako palabas sa hilagang tarangkahan at hinatid sa palibot ng tarangkahan na nakaharap sa silangan. Masdan ninyo, umaagos ang tubig mula sa tarangkahang ito sa gawing timog nito. 3Habang naglalakad ang lalaki patungong silangan, mayroong isang panukat na lubid sa kaniyang kamay, sumukat siya ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang bukung-bukong ang lalim. 4At sumukat siyang muli ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang tuhod ang lalim at sumukat siya muli ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang balakang ang lalim. 5Pagkatapos sumukat pa siya ng isang libong siko ng mas malayo, dito isa na itong ilog na hindi ko kayang tawirin, napakalalim nito. Kailangan lamang itong languyin ng sinuman. 6Sinabi sa akin ng lalaki: “Anak ng tao, nakikita mo ba ito?” at dinala niya ako palabas at sinamahan ako sa paglalakad pabalik sa tabing-ilog. 7Habang naglalakad ako pabalik, masdan ninyo, mayroon ng maraming puno sa bahaging ito ng tabing-ilog at pati na rin sa kabilang bahagi. 8Sinabi ng lalaki sa akin: “Ang tubig na ito ay lalabas sa lupaing sakop ng silangan at bababa sa Araba, dadaloy ang tubig na ito sa Dagat na Maalat at maibabalik ang kasariwaan nito. 9Nag-uumpukan ang bawat nabubuhay na nilalang kung saan pumupunta ang tubig, magkakaroon ng maraming isda sapagkat dumadaloy roon ang mga tubig na ito. Gagawin nitong sariwa ang tubig alat. Mabubuhay ang lahat kung saan dumadaloy ang ilog. 12Sa tabi ng ilog sa mga pampang nito, sa magkabilang dako, tutubo ang lahat ng uri ng puno na nakakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito at hindi kailanman titigil sa pamumunga ang mga ito. Mamumunga ang mga puno sa bawat buwan, yamang nanggaling sa Santuwaryo ang tubig ng mga ito. Magiging pagkain ang mga bunga nito at magiging gamot ang mga dahon nito.

Salmong Tugunan

Awit 46:1–2, 4–5, 7–8

1Ang Diyos ang ating kublihan at kalakasan, ang handang tumulong kapag may kaguluhan. 2Kaya nga, hindi kami matatakot, kahit na ang lupa ay mabago, kahit na ang mga kabundukan ay mayanig papunta sa puso ng karagatan, 4Doon ay may isang ilog, na ang agos ay pinasasaya ang lungsod ng Diyos, ang banal na lugar ng mga tabernakulo ng Kataas-taasan. 5Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya ay hindi matitinag; tutulungan siya ng Diyos, at gagawin niya ito sa pagbubukang-liwayway. 7Si Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama natin; ang Diyos ni Jacob na kublihan natin. Selah 8Lumapit kayo, masdan ang mga ginawa ni Yahweh, ang pagkawasak na kaniyang idinulot sa mundo.

Ebanghelyo

Juan 5:1–3, 5–16

1Pagkatapos nito mayroong isang kapistahan ang mga Judio, at si Jesus ay umakyat pa Jerusalem. 2Ngayon, mayroon sa Jerusalem, sa may tarangkahan ng tupa, isang palanguyan na tinatawag sa Hebreo na Bethzata. Ito ay mayroong limang mga portico na may bubungan. 3Maraming bilang ng mga tao na may sakit, bulag, pilay, o lumpo ang mga nakahiga sa mga portico na ito. 5Nandoon ang isang lalaki na tatlumpu't walong taon ng lumpo. 6Nang makita siya ni Jesus na nakahiga doon, at napag-alaman niyang matagal na siya nandoon, sinabi niya sa kaniya, “Ibig mo bang gumaling?” 7Sumagot ang lalaking may sakit, “Ginoo, wala akong sinumang magdadala sa akin sa palanguyan kapag napukaw ang tubig. Kapag aking sinusubukan, mayroong nauuna sa akin.” 8Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bumangon ka, kunin mo ang iyong banig, at lumakad ka.” 9Agad-agad gumaling ang lalaki, binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Ngayon ang araw na iyon ay Araw ng Pamamahinga. 10Kaya sinabihan ng mga Judio sa kaniyang pinagaling, “Ito ang Araw ng Pamamahinga, at hindi ka pinapayagang magbuhat ng iyong banig.” 11Sumagot siya, “Ang nagpagaling sa akin ang nagsabi sa akin, 'Damputin mo ang iyong banig at lumakad ka.'” 12Tinanong nila siya, “Sino ang taong nagsabi sa iyong, 'Damputin mo ang iyong banig at lumakad ka?'” 13Subalit, hindi kilala ng pinagaling kung sino siya sapagkat si Jesus ay palihim na umalis papalayo, dahil maraming ng tao sa lugar. 14Pagkatapos, natagpuan siya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na! Huwag ka nang magkasala pa, baka may malala pang mangyari sa iyo.” 15Ang lalaki ay umalis papalayo at pinagbigay-alam sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16Ngayon dahil sa mga bagay na ito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginawa niya ang mga ito sa Araw ng Pamamahinga.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Marso 9

Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan