Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Pebrero 2027 › Pebrero 25

Kalendaryong Katoliko

Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Pebrero 25, 2027

Huwebes · Ikalawang linggo ng Kuwaresma

Mga kapistahan at mga santo

Huwebes ng ikalawang linggo ng Kuwaresma

Karaniwang araw · Kulay ng liturhiya: lila

Mga pagbasa sa araw na ito

Unang Pagbasa

Jer 17:5–10

5Sinasabi ni Yahweh, “Sumpain ang mga tao na nagtitiwala sa kapwa tao; ang kaniyang kalakasan ay sa laman ngunit itinalikod niya ang kaniyang puso palayo kay Yahweh. 6Sapagkat siya ay tulad ng maliit na halaman sa Araba at hindi makikita ang anumang kabutihang darating. Siya ay nananatili sa mabatong lugar sa ilang, tigang na lupain na walang nananahan. 7Ngunit mapalad ang tao na nagtitiwala kay Yahweh, sapagkat si Yahweh ang kaniyang pag-asa. 8Sapagkat magiging katulad siya ng halaman na itinanim sa tabi ng tubig-batis; ang kaniyang mga ugat ay kakalat. Hindi niya makikita ang init na parating, sapagkat ang kaniyang mga dahon ay malalapad at maganda. At sa panahon ng tag-tuyot hindi siya mangangamba, ni titigil ang kaniyang pamumunga. 9Ang puso ay higit na mapanlinlang sa anumang bagay. Ito ay sakit; sino ang nakakaunawa rito? 10Ako si Yahweh, ang nakakasaliksik ng kaisipan, ang sumusubok sa puso. Ibibigay ko sa bawat tao ang nararapat sa kaniya, parurusahan ko siya sa bunga ng kaniyang mga nagawa.

Salmong Tugunan

Awit 1:1–4, 6

1Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana. 4Ang mga masasama ay hindi katulad nito, sa halip sila ay katulad ng ipa na tinatangay ng hangin. 6Dahil sinasang-ayunan ni Yahweh ang daanan ng matuwid, pero ang daanan ng masama ay mapupuksa.

Ebanghelyo

Luc 16:19–31

19Ngayon, may isang mayamang lalaki na nakadamit ng kulay lila na gawa sa pinong lino, at araw-araw nagsasaya sa kaniyang labis na kayamanan. 20May isang pulubi na nagngangalang Lazarus na pinahiga sa kaniyang tarangkahan na lipos ng sugat, 21at inaasam-asam niyang kainin ang nahuhulog sa mesa ng mayamang tao—at maliban doon, lumapit ang mga aso at dinilaan ang kaniyang mga sugat. 22At nangyari na namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa kinaroroonan ni Abraham. Namatay din ang mayamang tao at inilibing, 23at doon sa hades, sa kaniyang pagdurusa, tumingala siya at nakita si Abraham sa malayo at si Lazarus na nasa tabi niya. 24At sumigaw siya at sinabi, 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at papuntahin mo si Lazarus, upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, dahil naghihirap ako sa apoy na ito.' 25Ngunit sinabi ni Abraham, 'Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo, natanggap mo ang mga magagandang bagay, at si Lazaro sa ganoon ding paraan ay masasamang bagay. Ngunit ngayon, siya ay inaaliw dito, at ikaw ay nagdurusa. 26At maliban sa lahat ng ito, may malaking bangin na nakalagay upang ang mga gustong tumawid mula rito papunta sa iyo ay hindi makakatawid, at wala ring makakatawid mula riyan papunta sa amin.' 27At sinabi ng mayamang tao, 'Nagmamakaawa ako, Amang Abraham, na papuntahin mo siya sa bahay ng aking ama— 28sapagkat ako ay may limang kapatid na lalake—upang balaan niya sila, dahil baka pumunta rin sila sa lugar na ito ng pagdurusa.' 29Ngunit sinabi ni Abraham, 'Nasa kanila si Moises at mga propeta; makinig sila sa kanila.' 30Sumagot ang mayamang tao, 'Hindi, Amang Abraham, ngunit kung may pumunta sa kanila mula sa mga patay, magsisisi sila.' 31Ngunit sinabi ni Abraham sa kaniya, 'Kung hindi sila makikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila mahihikayat kung may mabuhay mula sa mga patay.”

Mga santo ng Pebrero 25

Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan