Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Enero 2027 › Enero 8
Kalendaryong Orthodox · Disyembre 26 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Enero 8, 2027
Biyernes · Ika-32 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 6
Mga kapistahan at mga santo
Pagkatapos ng Kapistahan ng Kapanganakan ni Cristo
Panahon ng Pasko (Sviatki)
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Sulat (Ina ng Diyos)
11Sapagkat parehong ang tagapaghandog at mga ihinahandog ay iisa lang ang pinanggalingan, ang Diyos. Dahil dito, ang tagapaghandog nila sa Diyos ay hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12Sinasabi niya, “Ipapahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, aawitin ko ang tungkol saiyo sa loob ng pagpupulong.” 13At sinasabi niyang muli, “Magtitiwala ako sa kaniya.” At muli, “Masdan ninyo, heto ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.” 14Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila. 16Sapagkat tunay nga na hindi ang mga anghel ang tinutulungan niya. Sa halip, tinutulungan niya ang mga kaapu-apuhan ni Abraham. 17Kaya kinakailangan niyang maging katulad ng kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya ay maging maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay para sa Diyos, at upang maaari niyang makamit ang kapatawaran para sa kasalanan ng mga tao. 18Dahil si Jesus mismo ay naghirap, noong siya ay tinukso, kaya niyang tulungan ang mga natukso.
Ebanghelyo (Ina ng Diyos)
13Pagkatapos nilang umalis, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Jose sa panaginip at sinabi, “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas kayo patungong Egipto. Manatili kayo doon hanggang sa sasabihin ko, sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin siya”. 14Sa gabing iyon, bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at umalis patungong Egipto. 15Nanatili siya roon hanggang sa pagkamatay si Herodes. Tinupad nito ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Mula sa Egipto tinawag ko ang aking anak.” 16Nang nakita ni Herodes na kinutya siya ng mga pantas na kalalakihan, siya ay nagalit nang labis. Nagsugo siya at ipinapatay ang lahat ng mga batang lalaking naroon sa Bethlehem at sa buong rehiyon, ang mga may dalawang taong gulang pababa ayon sa tiyak na panahong nalaman niya mula sa mga pantas. 17At natupad nga ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na si Jeremias, 18“Isang tinig ang narinig sa Ramah, pananangis at labis na pagdadalamhati, umiiyak si Raquel para sa kaniyang mga anak at ayaw niyang paaliw sapagkat sila ay wala na.” 19Nang si Herodes ay namatay, masdan ito, nagpakita sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa Egipto at sinabi, 20“Bumangon ka at kunin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat ang mga naghahangad sa buhay ng bata ay patay na.” 21Bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at tumungo sila sa lupain ng Israel. 22Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao na ang naghahari sa Judea kapalit ng kaniyang ama na si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Pagkatapos siyang balaan ng Diyos sa panaginip, umalis siya patungo sa rehiyon ng Galilea 23at pumunta siya at nanirahan sa lungsod na tinatawag na Nazaret. Natupad kung ano ang sinabi sa pamamagitan ng mga propeta na siya ay tatawaging Nazareno.
Mga santo ng araw
- Pagtitipon ng Kabanal-banalang Ina ng Diyos
- Paring Martir Eutimio, Obispo ng Sardis (831)
- Kagalang-galang na Martir Isaac II ng Optina (1938)
- Mga Paring Martir Alejandro at Demetrio, mga pari (1918)
- Mga Paring Martir Nicolas, Nicolas at Miguel, mga pari, at Miguel na diyakono (1930)
- Paring Martir Leonides, Obispo ng Mari, Alejandro na pari, Kagalang-galang na Martir Basilio, at mga Kagalang-galang na Martir Antusa at Macaria (1937)
- Paring Martir Gregorio, pari, mga Kagalang-galang na Martir Augusta at Maria, at Martir Agripina (1938)
- Kagalang-galang na Constantino ng Sinada (ika-8 siglo)
- Kagalang-galang na Evaristo (ika-9 siglo)
- Kagalang-galang na Nicodemo ng Tismana, ng Romania (1406)
- Mga Ikon ng Ina ng Diyos: ng Vilnius-Ostra Brama, ang mga tinatawag na “Tatlong Kagalakan” at “Mahabagin ng Kykkos”, at ng Barlovo na “Pinagpalang Sinapupunan” (1392)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Disyembre 26 sa kalendaryo ng simbahan ay Enero 8 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan