1Pagkatapos maitayo ni Solomon ang templo ni Yahweh at ang palasyo ng hari, at pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ninais niyang gawin,
2nangyaring nagpakita muli si Yahweh kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, kagaya ng pagpapakita sa kaniya sa Gabaon.
3At sinabi sa kaniya ni Yahweh, “Narinig ko ang iyong panalangin at ang iyong kahilingan sa akin. Itinalaga ko ang templong ito, na iyong itinayo, para sa akin, para doon ko ilagay ang aking pangalan magpakailanman, at ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili doon sa lahat ng panahon.
4Para naman sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko gaya ng ama mong si David na lumakad ng may matapat na puso at sa pagiging matuwid, at kung susundin mo ang lahat na iniutos ko at iniingatan ang aking mga kautusan at aking mga tuntunin,
5itatatag ko ang trono ng iyong kaharian sa buong Israel magpakailanman, gaya nang ipinangako ko sa iyong amang si David, na sinasabing, 'Isa sa iyong lahi ay hindi kailaman mabibigong lumuklok sa trono ng Israel.'
6Pero kung kayo ay tatalikod, ikaw at ang at iyong mga anak, at hindi iingatan ang aking mga kautusan na aking inilagay sa harapan ninyo, at kung pupunta at sasamba kayo sa ibang mga diyos at yuyukod sa kanila,
7kung gayon ay palalayasin ko ang Israel mula sa lupain na ibinigay ko sa kanila; at ang templong ito na inilaan ko para sa aking pangalan—iwawaksi ko ito sa aking paningin. At ang pangalang “Israel” ay magiging para na lamang isang kawikaan at isang katatawanan sa lahat ng mga tao.
8At kahit na ang templong ito ay napakatayog ngayon, bawat isang mapapadaan dito ay mangingilabot at susutsot. Sasabihin nila, “ Bakit nagawa ni Yahweh ang ganito sa lupain at sa templong ito?
9Sasagot ang iba, “dahil tinalikuran nila si Yahweh, na kanilang Diyos, na siyang naglabas sa kanilang mga ninuno sa lupain ng Ehipto, at pinaglingkuran nila ang ibang mga diyos at yumukod sila sa mga ito at sumamba sila sa kanila. Iyon ang dahilan kung bakit dinala ni Yahweh ang lahat ng mga sakunang ito sa kanila.””