Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Mula kay Hezekias hanggang kay Josias

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Mula kay Hezekias hanggang kay Josias

Ang Paskuwa ni Josias

2 Hari 23:21–23 · 2 Cro 35:1–19

2 Mga Hari

2 Hari 23:21–23

21Pagkatapos inutos ng hari sa lahat ng mga tao, na sinasabing, “Ipagdiwang ang Paskwa para kay Yahweh ang inyong Diyos, tulad ng nasusulat sa aklat ng tipan na ito.”

22Ang gayong pagdiriwang ng Paskwa ay hindi kailanman idinaos mula pa sa mga araw ng mga hukom na namuno sa Israel ni sa loob ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o Juda.

23Ngunit ang Paskwang ito ay tunay na ipinagdiwang noong ika-labing walong taon ni Haring Josias; ito ay para kay Yahweh sa Jerusalem.

2 Mga Cronica

2 Cro 35:1–19

1Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa para kay Yahweh sa Jerusalem at pinatay nila ang mga tupang pampaskwa sa ikalabing apat na araw ng unang buwan.

2Itinalaga niya ang mga pari sa kani-kanilang mga posisyon at hinikayat silang maglingkod sa tahanan ni Yahweh.

3Sinabi niya sa mga Levitang nagturo sa buong Israel, na tapat kay Yahweh, “Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel. Huwag na ninyo itong buhatin sa inyong mga balikat. Ngayon ay sambahin ninyo si Yahweh, na inyong Diyos, at paglingkuran ang kaniyang sambayanang Israel.

4Ayusin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa pangalan ng inyong mga sambahayan at inyong mga pangkat, na sinusunod ang mga nakasulat na tagubilin ni David, ang hari ng Israel at ni Solomon na kaniyang anak.

5Tumayo kayo sa banal na lugar, ayon sa inyong posisyon kasama ang inyong mga pangkat sa loob ng mga sambahayan ng inyong mga kapatid, ang mga kaapu-apuhan ng mga tao, at ayon sa inyong posisyon sa inyong mga pangkat sa loob ng sambahayan ng mga Levita.

6Katayin ninyo ang mga tupang pampaskwa at ilaan ninyo ang inyong mga sarili kay Yahweh. Ihanda ninyo ang mga tupa para sa inyong mga kapatid na mga Israelita. Gawin ninyo iyon bilang pagsunod sa salita ni Yahweh na ibinigay kay Moises.”

7Nagbigay si Josias sa lahat ng taong naroon ng tatlumpung libong tupa at mga batang kambing mula sa mga kawan para sa mga handog para sa Paskwa. Nagbigay din siya ng tatlong libong toro, ang mga ito ay mula sa mga pagmamay-ari ng hari.

8Ang kaniyang mga tagapamuno ay nagbigay ng kusang loob na handog sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias at Jehiel, ang mga opisyal na namamahala sa bahay ng Diyos ay nagbigay sa mga pari para sa mga handog sa Paskwa ng 2,600 na maliliit na mga kambing at tatlong daang baka.

9Gayun din sina Conanias, at Semaya, Natanael, ang kaniyang mga kapatid, sina Hosabias, Jehiel at Jozabad, ang mga pinuno ng mga Levita ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa Paskwa ng limang libong maliliit na kambing at limang daang mga baka.

10Kaya ang paglilingkod ay nakahanda na at tumayo ang mga pari sa kani-kaniyang mga puwesto, kasama ng mga Levita sa kani-kanilang mga pangkat bilang pagsunod sa utos ng hari.

11Kinatay nila ang mga tupang pampaskwa at isinaboy ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa mga kamay ng mga Levita at binalatan naman ng mga Levita ang mga tupa.

12Inalis nila ang mga handog na susunugin upang ibigay ito sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga tao, upang ihandog ang mga ito kay Yahweh, gaya ng nasusulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro.

13Inihaw nila sa apoy ang mga tupang pampaskwa gaya ng sinasabi ng tagubilin. Para naman sa mga handog na nakalaan, pinakuluan nila ito sa mga palayok, kaldero at mga kawali, at mabilis nila itong dinala sa mga tao.

14Hindi nagtagal ay inihanda nila ang mga handog para sa kanilang mga sarili at para sa mga pari, dahil ang mga pari, ang mga kaapu-apuhan ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na susunugin at ang taba hanggang sa gumabi, kaya inihanda ng mga Levita ang mga handog para sa kanilang sarili at para sa mga pari, ang mga kaapu-apuhan ni Aaron.

15Ang mga mang-aawit, ang mga kaapu-apuhan ni Asaf ay nasa kanilang mga pwesto, gaya ng iniutos ni David, sina Asaf, Heman at Jeduthun, ang mga propeta ng hari. Nasa bawat tarangkahan ang mga bantay, hindi nila kinakailangang umalis sa kanilang mga pwesto dahil ang kanilang mga kapatid na mga Levita ang naghanda ng mga handog para sa kanila.

16Kaya, sa panahon iyon, ang kabuuan ng paglilingkod kay Yahweh ay ginawa para sa pagdiriwang ng Paskwa at para maghandog ng handog na susunugin sa altar ni Yahweh, gaya ng iniutos ni Haring Josias.

17Ipinagdiwang ng mga Israelitang naroon ang Paskwa sa panahong iyon at pagkatapos ay ang Pista ng Tinapay na Walang Lebadura sa loob ng pitong araw.

18Hindi pa nagkaroon ng ganitong pagdiriwang ng Paskwa mula sa panahon ng propetang si Samuel, at hindi ipinagdiwang ng kahit sino sa mga naging hari ng Israel ang Paskwa na gaya ng ginawa ni Josias, kasama ang mga pari, ang mga Levita, at lahat ng mga tao ng Juda at Israel na naroon at ang mga mamamayan ng Jerusalem.

19Ipinagdiwang ang Paskwang ito sa ikalabing-walong taon ng paghahari ni Josias.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY