Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Sina Saul at David

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Sina Saul at David

Digmaan laban sa mga Ammonita at mga Arameo

2 Sam 10:1–19 · 1 Cro 19:1–19

2 Samuel

2 Sam 10:1–19

1Dumating ang panahon na namatay ang hari ng mga Ammon, at ang anak niyang si Hanun ang naging hari kapalit niya.

2Sinabi ni David, “Magpapakita ako ng kagandahang-loob kay Hanun na anak ni Nahas, tulad ng kabutihang ipinakita ng kaniyang ama sa akin.” Kaya ipinadala ni David ang kaniyang mga lingkod para makiramay kay Hanun tungkol sa kaniyang ama. Pumasok ang kaniyang mga lingkod sa lupain ng mga lahi ng Ammon.

3Pero ang sinabi ng mga pinuno ng lahi ng Ammon kay Hanun na kanilang amo, “Sa palagay mo ba talagang ginagalang ni David ang iyong ama dahil nagpadala siya ng mga tauhan para makiramay sa iyo? Hindi ba ipinadala ni David ang kaniyang mga lingkod sa iyo para tingnan ang lungsod, para magmanman at para pabagsakin ito?”

4Kaya kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David at inahitan ang kanilang mga balbas, pinutulan ang kanilang mga damit hanggang sa kanilang mga puwitan, at pinaalis.

5Nang ipinaliwanag nila ito kay David, ipinatawag niya ang mga ito para sila ay makita, dahil hiyang-hiya ang mga kalalakihan. Sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang tumubo muli ang inyong balbas, at bumalik pagkatapos.”

6Nang makita ng mga tao ng Ammon na sila ay naging isang masangsang na amoy kay David, nagpadala ng mga sugo ang mga tao ng Ammon at inupahan ang mga Arameo sa Bet Rehob at Soba, mga dalawampung libong sundalong naglalakad, at kasama ni haring Maaca ang isang libong kalalakihan, at mga tauhan ni Tob na may labindalawang libong kalalakihan.

7Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang buong hukbo ng mga sundalo.

8Lumabas ang mga taga-Ammon at bumuo ng isang hanay ng pandigma sa pasukan ng kanilang tarangkahan, habang nakatayo sa bukirin ang mga Arameo sa Soba at sa Rehob, at mga tauhan ni Tob at si Maaca.

9Nang makita ni Joab ang pandigmang mga hanay sa kaniyang harapan at likod, pinili niya ang ilan sa mga magagaling na mandirigma ng Israel at hinanda sila laban sa mga Arameo.

10Ibinigay niya ang pamumuno sa kapatid niyang lalaki na si Abisai ang mga nalalabing hukbo, at inilagay sila sa mga hanay ng pandigma laban sa hukbo ng Ammon.

11Sinabi ni Joab, “Kung mas malalakas ang mga Arameo para sa akin, kung gayon ikaw Abisai ang dapat magligtas sa akin. Pero kung mas malalakas ang hukbo ng Ammon para sa iyo, sa gayon pupunta ako at ililigtas ka.

12Magpakatatag ka, at ipakitang malakas tayo para sa ating mga tao at para sa mga lungsod ng ating Diyos, dahil gagawin ni Yahweh kung ano ang mabuti para sa kaniyang layunin.”

13Kaya sumulong si Joab at ang mga sundalo ng kaniyang hukbo sa digmaan laban sa mga Arameo, na napilitang tumakas mula sa hukbo ng Israel.

14Nang nakita ng hukbo ng Ammon na tumakas ang mga Arameo, tumakas din sila mula kay Abisai at bumalik papasok ng lungsod. Pagkatapos nagbalik si Joab mula sa mga tao ng Ammon at bumalik ng Jerusalem.

15At nang nakita ng mga Arameo na sila ay natalo ng Israel, muli silang nagtipon-tipon.

16Pagkatapos pinatawag ni Hadadezer ang hukbo ng mga Arameo mula sa dulo ng Ilog Eufrates. Nagtungo sila sa Helam kasama si Sobac, ang pinuno ng hukbo ni Hadarezer na nasa kanilang unahan.

17Nang sinabi ito kay David, pinagsama-sama niya ang buong Israel, tinawid ang Jordan, at dumating sa Helam. Hinanda ng mga Arameo ang kanilang sarili sa pandigmang mga hanay laban kay David at nilabanan siya.

18Tumakas ang mga Arameo mula sa Israel. Pinatay ni David ang pitong daang sundalong Arameo na sakay sa karwahe at apatnapung libong sundalong nakakabayo. Nasugatan at namatay doon si Sobac ang pinuno ng kanilang hukbo.

19Nang makita ng lahat ng mga hari na mga lingkod ni Hadadezer na tinalo sila ng Israel, nakipagkasundo sila sa Israel at sila ay naging mga bihag. Kaya natakot ang mga Arameo na tulungan pa ang mga tao ng Ammon.

1 Mga Cronica

1 Cro 19:1–19

1Hindi nagtagal, namatay ang hari ng mga Ammonita na si Nahas at ang kaniyang anak ang naging hari kapalit niya.

2Sinabi ni David, “Magpapakita ako ng kabaitan kay Hanun na anak ni Nahas sapagkat nagpakita ng kabaitan ang kaniyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga mensahero upang damayan siya tungkol sa kaniyang ama. Pumasok ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga Ammonita at pumunta kay Hanun upang damayan siya.

3Ngunit sinabi ng mga pinuno ng mga Ammonita kay Hanun, “Iniisip mo ba talaga na pinararangalan ni David ang iyong ama dahil nagpadala siya ng mga kalalakihan upang aliwin ka? Hindi kaya naparito ang kaniyang mga lingkod sa iyo upang manmanan at suriin ang lupain upang pabagsakin ito?”

4Kaya ipinahuli ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila, pinutol ang kanilang mga kasuotan mula sa kanilang baywang, hanggang sa puwitan at saka sila pinaalis.

5Nang isinalaysay nila ito kay David, nagpadala siya ng mga sasalubong sa kanila, sapagkat labis na napahiya ang mga kalalakihan. Sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa muling tumubo ang inyong mga balbas at saka kayo bumalik dito.”

6Nang nakita ng mga Ammonita na naging mabaho sila kay David, nagpadala si Hanun at ang mga Ammonita ng isang libong talentong pilak upang upahan ang mga karwahe ng Arameo at mga mangangabayo mula sa Naharaim, Maacah, at Soba.

7Nakaupa sila ng 32,000 na karwahe sa hari ng Maacah at ang kaniyang mga tauhan na pumunta at nagkampo sa tapat ng Medeba. Nagsama-sama ang mga Ammonita mula sa kanilang mga lungsod at pumunta sa digmaan.

8Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang kaniyang buong hukbo upang salubungin sila.

9Lumabas ang mga Ammonita at humanay para sa labanan sa may tarangkahan ng lungsod, samantalang ang mga haring dumating ay nasa parang na wala silang kasama.

10Nang makita ni Joab na ang hanay na kaniyang kakalabanin ay kapwa sa harapan at likuran, pumili siya ng ilan sa mga pinakamahusay na mandirigma ng Israel at pinahanay sila laban sa mga Arameo.

11Samantalang ibinigay niya ang pamumuno sa mga natirang hukbo sa kaniyang kapatid na si Abisai at inilagay niya sila sa hanay ng pakikipaglaban sa hukbo ng mga Ammonita.

12Sinabi ni Joab, “Kung labis na malakas ang mga Arameo para sa akin, kailangan mo akong iligtas Abisai. Ngunit kung labis na malakas ang hukbo ng mga Ammonita para sa iyo, darating ako at ililigtas kita.

13Maging malakas ka at ipakita natin na tayo ay malakas alang-alang sa ating bayan at alang-alang sa mga lungsod ng ating Diyos, sapagkat gagawin ni Yahweh kung ano ang mabuti para sa kaniyang layunin.”

14Kaya sumulong si Joab at ang mga kawal ng kaniyang hukbo sa digmaan laban sa mga Arameo, na sapilitang tumakas sa harap ng hukbo ng Israel.

15Nang makita ng hukbo ng mga Ammonita na tumakas ang mga Arameo, tumakas din sila mula kay Joab na kapatid ni Abisai at bumalik sa lungsod. Pagkatapos, bumalik si Joab mula sa mga Ammonita at bumalik sa Jerusalem.

16At nang nakita ng mga Arameo na natatalo sila ng Israel, nagpadala sila ng karagdagang mga kawal mula sa ibayong Ilog Eufrates, kasama si Sofac, ang pinuno ng hukbo ni Hadadezer.

17Nang sabihin ito kay David, tinipon niya ang lahat ng Israel, tumawid sila sa Jordan, at pumunta sa kanila. Pinahanay niya ang hukbo para sa digmaan laban sa mga Arameo, at nilabanan nila siya.

18Tumakas ang mga Arameo mula sa Israel at nakapatay si David ng pitong libong nakakarwaheng Arameo at apatnapung libong mga kawal na naglalakad. Pinatay din niya si Sofac, ang pinuno ng hukbo.

19Nang makita ng lahat ng haring tagapaglingkod ni Hadadezer na tinalo sila ng Israel, nakipagkasundo sila kay David at naglingkod sa kanila. Kaya hindi na pumayag ang mga Arameo na tulungan ang mga Ammonita.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY