Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Ang mga hari ng Juda

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Ang mga hari ng Juda

Si Amazias, hari ng Juda

2 Hari 14:1–20 · 2 Cro 25:1–28

2 Mga Hari

2 Hari 14:1–20

1Sa ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas, hari ng Israel, si Amasias anak ni Joas, hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

2Dalawampu't limang taong gulang siya nang magsimula siyang maghari; naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jehoadan, taga-Jerusalem.

3Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mga mata ni Yahweh, pero hindi katulad ng kaniyang ninunong si David. Ginawa niya ang lahat ng ginawa ni Joas na kaniyang ama.

4Pero ang mga dambana ay hindi winasak. Ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng insenso sa mga dambana.

5Dumating ang pagkakataon nang tumatag na ang kaniyang paghahari, pinatay niya ang mga lingkod na pumatay sa kaniyang ama, ang hari.

6Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao; sa halip, kumilos siya ayon sa sinasabi ng Kasulatan, sa Aklat ni Moises, gaya ng iniutos ni Yahweh, na nagsasabing, “Ang mga ama ay hindi dapat patayin dahil sa kaniyang mga anak, ni ang mga anak dahil sa kanilang mga magulang. Sa halip, bawat tao ay dapat patayin dahil sa sarili niyang kasalanan.”

7Pinatay niya ang sampung libong sundalo sa Edom sa lambak ng Asin; sinakop niya rin ang Sela sa digmaan at tinawag itong Jokteel, kung saan ito pa rin ang tawag hanggang sa araw na ito.

8Pagkatapos nagpadala si Amasias ng mga tagapagbalita para kay Jehoas anak ni Jehoahas anak ni Jehu hari ng Israel, na nagsasabing, “Halikayo, magkita-kita tayo ng harapan sa digmaan.”

9Pero nagpadala ng tagapagbalita si Jehoas hari ng Israel pabalik kay Amasias hari ng Juda, na sinasabing, “Ang matinik na halaman na nasa Lebanon ay nagpadala ng mensahe sa sedar sa Lebanon, nagsasabing, “Ibigay mo ang iyong anak na babae sa anak kong lalaki para maging asawa,' pero isang mabangis na hayop sa Lebanon ang dumaan at inapakan ang matinik na halaman.

10Tunay nga na nilusob mo ang Edom, at itinaas ka ng iyong puso. Ipagmalaki mo ang iyong katagumpayan, pero manatili ka sa iyong tahanan, dahil bakit mo pa ilalagay sa kaguluhan at ibabagsak ang iyong sarili, ikaw pati na ang Juda?

11Pero si Amasias ay hindi nakinig. Kaya lumusob si Jehoas, hari ng Israel; siya at si Amasias hari ng Juda ay nagkita ng harap-harapan sa Beth-semes, na pag-aari ng Juda.

12Natalo ang Juda ng Israel, at ang bawat isa ay tumakas pauwi.

13Nabihag ni Jehoas hari ng Israel, si Amasias hari ng Juda na anak ni Jehoas na anak ni Ahasias, sa Beth-semes. Pumunta siya sa Jerusalem at ibinagsak niya ang pader ng Jerusalem mula sa Tarangkahan ng Efraim hanggang Tarangkahan ng Sulok, apat na raang kubit ang layo.

14Kinuha niya lahat ng ginto at pilak, lahat ng mga kagamitan na nakita sa tahanan ni Yahweh, at ang mga mahahalagang bagay sa palasyo ng hari, na may kasama ring bihag, at bumalik na sa Samaria.

15Tungkol sa iba pang bagay kay Jehoas, lahat ng kaniyang ginawa, ang kaniyang kapangyarihan, at kung paano niya nilabanan si Amasias hari ng Juda, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?

16Pagkatapos nahimlay si Jehoas kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel, at si Jeroboam, ang kaniyang anak, ang naging hari ng Israel.

17Si Amasias na anak ni Joas, hari ng Juda, ay nabuhay ng labinlimang taon pagkatapos ng kamatayan ni Jehoas anak ni Jeoahas, hari ng Israel.

18Tungkol sa iba pang mga bagay kay Amasias, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?

19Nagsabwatan sila laban kay Amasias sa Jerusalem, at tumakas siya papuntang Laquis. Tumakas siya sa Laquis, pero nagpadala sila ng mga tauhan sa Laquis at pinatay siya roon.

20Dinala nila siya pabalik sakay ng kabayo, at siya ay ibinurol kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David.

2 Mga Cronica

2 Cro 25:1–28

1Dalawamput-limang taong gulang si Amazias nang magsimula siyang maghari. Naghari siya ng dalawamput-siyam na taon sa Jerusalem. Joadan ang pangalan ng kaniyang ina na taga-Jerusalem.

2Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mata ni Yahweh, ngunit hindi niya ginawa ito nang may ganap na pusong tapat.

3At nangyari, nang ganap na matatag ang kaniyang pamumuno, pinatay niya ang mga lingkod na pumatay sa kaniyang ama na hari.

4Ngunit hindi niya pinatay ang mga anak ng mga pumatay sa kaniyang ama, sa halip ginawa niya kung ano ang nakasulat sa kautusan, sa aklat ni Moises, gaya ng iniutos ni Yahweh, “Ang mga ama ay hindi dapat mamatay para sa kanilang mga anak, at hindi rin dapat mamatay ang mga anak para sa mga ama. Sa halip, ang bawat tao ay dapat mamatay para sa kaniyang sariling kasalanan.”

5Bukod dito, tinipon ni Amazias ang mga taga-Juda at itinala sila ayon sa mga bahay ng kanilang mga ninuno, sa ilalim ng mga pinuno ng hukbong libu-libo at mga pinuno ng hukbong daan-daan, ang lahat ng taga-Juda at taga-Benjamin. Sila ay binilang niya mula dalawampung taong gulang at pataas at may 300,000 na piling lalaki na may kakayahang sumabak sa digmaan, at may kakayahang humawak ng sibat at panangga.

6Umupa din siya ng 100,000 na mga lalaking mandirigmang mula sa Israel ng nagkakahalaga ng sandaang talento ng pilak.

7Ngunit pumunta sa kaniya ang isang lingkod ng Diyos at sinabi, “Hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel, sapagkat hindi kasama ng Israel si Yahweh, wala sa mga tao ng Efraim.

8Ngunit kahit na pumunta ka nang may katapangan at kalakasan sa labanan, pababagsakin ka ng Diyos sa harap ng kaaway sapagkat may kapangyarihan ang Diyos na tumulong at may kapangyarihang magpabagsak.”

9Sinabi ni Amazias sa lingkod ng Diyos, “Ngunit ano ang aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” Sumagot ang lingkod ng Diyos, “Kaya ni Yahweh na bigyan ka ng higit pa roon.”

10Kaya inihiwalay ni Amazias ang hukbong sasama sa kaniya mula sa Efraim, sila ay muli niyang pinauwi. Kaya lubhang sumiklab ang kanilang galit laban sa Juda at sila ay umuwi nang may matinding galit.

11Tumapang si Amazias at pinangunahan ang kaniyang mga tao na pumunta sa lambak ng Asin. Doon niya tinalo ang sampung-libong mga lalaki ng Seir.

12Dinala ng hukbo ng Juda ang sampung-libong buhay na lalaki. Sila ay dinala nila sa tuktok ng bangin at inihulog sila mula doon, at silang lahat ay nagkabali-bali.

13Ngunit ang mga lalaki ng hukbong pinauwi ni Amazias upang hindi sila sumamama sa kaniya sa labanan, ay nilusob ang mga lungsod ng Juda mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon. Pinatay nila ang tatlong-libong tao at maraming ninakaw.

14Ngayon nangyari na pagkatapos bumalik si Amazias mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang mga diyos ng mga tao ng Sier at itinayo niya ang mga ito upang maging kaniyang mga diyos. Yumuko siya sa harap ng mga ito at nagsunog ng insenso para sa mga ito.

15Kaya sumiklab ang galit ni Yahweh laban kay Amazias. Nagpadala siya ng isang propeta sa kaniya, na nagsabi, “Bakit mo sinamba ang mga diyos ng mga tao na hindi man lamang nakapagligtas ng sarili nitong mga tao laban sa iyong mga kamay?”

16At nangyari na habang kinakausap siya ng propeta, sinabi sa kaniya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka. Bakit ka kailangan patayin?” At tumigil ang propeta at sinabi, “Alam kong nagpasya ang Diyos na wasakin ka dahil ginawa mo ito at hindi ka nakinig sa aking payo.”

17Pagkatapos, sumangguni si Amazias na hari ng Juda sa mga tagapayo at nagpadala ng mga mensahero kay Joas na hari ng Israel na anak ni Joahaz na anak ni Jehu, nagsasabi, “Halika, magharapan tayo sa isang labanan.”

18Ngunit nagpadala din ng mga mensahero si Joas na hari ng Israel kay Amazias na hari ng Juda, nagsasabi, “Nagpadala ang isang dawag na nasa Lebanon ng isang mensahe sa isang sedar na nasa Lebanon, nagsasabi, 'Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak,' ngunit dumaan ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang dawag.

19Sinabi mo, 'Tingnan mo, napabagsak ko ang Edom' at itinaas ka ng iyong puso. Magmalaki ka sa iyong tagumpay ngunit manatili ka sa tahanan, sapagkat bakit mo ipapahamak at ibabagsak ang iyong sarili, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

20Ngunit hindi nakinig si Amazias dahil ang kaganapang ito ay mula sa Diyos, upang maipasakamay niya ang mga tao ng Juda sa kanilang mga kaaway dahil humingi sila ng payo sa mga diyos ng Edom.

21Kaya lumusob si Joas na hari ng Israel, siya at si Amazias na hari ng Juda ay nagsagupaan sa Beth-semes na sakop ng Juda.

22Bumagsak ang Juda sa harap ng Israel at tumakas papunta sa mga tahanan ang bawat lalaki.

23Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amazias na hari ng Juda na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Beth-Semes. Siya ay dinala niya sa Jerusalem at giniba ang pader ng Jerusalem mula sa Tarangkahan ng Efraim hanggang sa Tarangkahan sa Sulok, apatnaraang kubit ang layo.

24Kinuha niya lahat ng ginto at pilak, lahat ng kagamitan na matatagpuan sa tahanan ng Diyos na kay Obed-Edom, at ang mahahalagang mga kagamitan sa tahanan ng hari, kasama ang mga bihag at bumalik sa Samaria.

25Nabuhay si Amazias na hari Juda na anak ni Joas, ng labing-limang taon pagkatapos ng kamatayan ni Joas na hari ng Israel na anak ni Joahas.

26Ang ibang mga bagay tungkol kay Amazias sa simula hanggang sa kahuli-hulihan, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Ang Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?

27Ngayon, mula sa panahon na tumalikod si Amazias sa pagsunod kay Yahweh, sinimulan nilang gumawa ng sabuwatan laban sa kaniya sa Jerusalem. Tumakas siya patungong Laquis, ngunit nagpadala sila ng mga tao na susunod sa kaniya sa Laquis at pinatay siya doon.

28Siya ay ibinalik nilang nakasakay sa mga kabayo at inilibing siya kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lungsod ng Juda.

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY