Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Oktubre 2027 › Oktubre 29
Kalendaryong Orthodox · Oktubre 16 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Oktubre 29, 2027
Biyernes · Ika-19 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 1
Mga kapistahan at mga santo
Martir Longino na senturyon, na nakatayo sa Krus ng Panginoon (ika-1 siglo)
Araw ng pag-aayuno
Pag-aayuno: may langis
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Sulat
27Mamuhay lamang kayo na karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Gawin ninyo ito upang kahit darating ako para makita kayo o kung wala ako, marinig ko sana ang tungkol sa kung paano kayo tumatayong matibay sa iisang espiritu. Ninanais kong marinig na kayo ay nasa iisang kaluluwa na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo. 28At huwag kayong matakot sa anumang ginawa ng inyong mga kaaway. Para sa kanila, tanda ito ng kanilang pagkawasak. Ngunit para sa inyo, tanda ito ng inyong kaligtasan, at ito ay nagmula sa Diyos. 29Sapagkat ipinagkaloob na ito para sa inyo, alang-alang kay Cristo, hindi lamang para maniwala sa kaniya, ngunit para magdusa rin para sa kaniya. 30Sapagkat kayo ay may laban na gaya ng nakita ninyo sa akin, at naririnig ninyo na mayroon ako ngayon. 2:1Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin. 3Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.
Ebanghelyo
12Nang patapos na ang araw, lumapit sa kaniya ang Labindalawa at sinabi, “Pauwiin mo na ang mga tao upang sila ay makapunta sa mga kalapit na nayon at kabukiran upang makapaghanap ng matutuluyan at makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na lugar.” 13Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sinabi nila, “Ang mayroon po tayo ay hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung kami ay bibili ng pagkain para sa mga taong ito. 14Mayroong nasa limanlibong lalaki ang naroon. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila sa grupong may tiglilimampung bilang.” 15At ginawa nila iyon at lahat ng mga tao ay umupo. 16Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, at habang nakatingin sa langit, pinagpasalamatan niya ang mga ito, at pinagpira-piraso, at ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17Silang lahat ay nakakain at nabusog, at ang mga tira sa mga pagkain ay pinulot at napuno ang labindalawang basket. 18Nangyari nga, na habang siya ay mag-isang nananalangin, kasama ang kaniyang mga alagad, at sila ay kaniyang tinanong na sinasabi, “Ano ang sinasabi ng maraming tao kung sino ako?”
Ebanghelyo (San Longinos na senturion)
33At sila ay nakarating sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay, “Lugar ng mga Bungo.” 34At siya ay binigyan ng alak na may halong apdo. Ngunit nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35Nang siya ay ipinako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kaniyang mga kasuotan sa pamamagitan ng pagsasapalaran. 36At sila ay nagsiupo at binantayan siya. 37Sa itaas ng kaniyang ulo ay nilagyan nila ng sakdal laban sa kaniya na nagsasabi, “Ito ay si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38May dalawang magnanakaw na naipako sa krus na kasama niya, ang isa ay sa kaniyang kanan at ang isa ay sa kaniyang kaliwa. 39At hinamak siya ng mga dumaan, at iniling ang kanilang mga ulo 40at nagsasabi, “Ikaw na sisira ng templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka riyan sa krus!” 41Sa ganoon ding paraan kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at mga nakatatanda, at sinabi, 42Siya'y nagligtas ng iba, ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Siya ay Hari ng Israel. Hayaan mo siyang bumaba mula sa krus at tayo ay maniniwala na sa kaniya. 43Nagtiwala siya sa Diyos. Iligtas siya ng Diyos ngayon kung nais niya, dahil sinabi niya, 'Ako ay Anak ng Diyos. ’ 44At ang mga magnanakaw na kasama niyang naipako sa krus ay nagsalita din ng katulad na panlalait sa kaniya. 45Ngayon, mula sa tanghaling tapat dumilim ang buong paligid hanggang sa alas tres ng hapon. 46At dakong alas tres ng hapon, sumigaw si Cristo na may malakas na tinig at sinabi, “Eli, Eli, lama sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47Nang ang ilan sa mga nakatayo doon ay nakarinig nito, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48Agad-agad ang isa sa kanila ay tumakbo at kumuha ng spongha, pinuno ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng tungkod at ibinigay ito sa kaniya upang inumin. 49At ang iba sa kanila ay nagsabi, “Hayaan ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” 50Pagkatapos nito muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig at isinuko ang kaniyang espiritu. 51Masdan ito, ang kurtina sa templo ay nahati sa dalawa mula itaas hanggang sa baba. At ang mundo ay nayanig, at ang mga bato ay nahati. 52At ang mga libingan ay nabuksan, at ang katawan ng mga banal na tao na nakatulog ay bumangon. 53At lumabas sila mula sa mga libingan pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay, pumasok sa banal na lungsod, at nagpakita sa marami. 54Ngayon nang masaksihan ng kapitan ng kawal at ng mga nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, lubha silang natakot at nagsabi, “Tunay na Anak siya ng Diyos.”
Mga santo ng araw
- Banal na Jorge, Kumpesor, pari (1931)
- Paring Martir Eugenio, pari (1937)
- Paring Martir Alexis, pari (1938)
- Paring Martir Juan, pari (1942)
- Kagalang-galang na Longino, bantay-pinto ng mga Kuweba ng Kyiv (ika-13–14 siglo)
- Kagalang-galang na Longino ng Yarenga (1544-1545)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Oktubre 16 sa kalendaryo ng simbahan ay Oktubre 29 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan