Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hulyo 2027 › Hulyo 11
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Hulyo 11, 2027
Linggo · Ika-15 linggo sa Karaniwang Panahon
Mga kapistahan at mga santo
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Linggo · Kulay ng liturhiya: berde
Mga pagbasa sa araw na ito
Unang Pagbasa
12Sinabi ni Amazias kay Amos. “Propeta, humayo ka, tumakbo ka pabalik sa lupain ng Juda, at doon ka kumain ng tinapay at magpropesiya. 13Ngunit huwag ka ng magpropesiya pa kailanman dito sa Bethel, sapagkat ito ay santuwaryo ng hari at isang maharlikang tahanan.” 14Pagkatapos sinabi ni Amos kay Amazias, “Hindi ako isang propeta o anak ng isang propeta. Isa akong pastol, at ako ang nangangalaga sa mga puno ng sikamoro. 15Ngunit kinuha ako ni Yahweh mula sa pagbabantay ng mga tupa at sinabi sa akin, 'Humayo ka, magpropesiya ka sa aking mga taong Israelita.'
Salmong Tugunan
8Makikinig ako sa sasabihin ni Yahweh na Diyos, dahil siya ay makikipag-ayos sa kaniyang bayan, ang kaniyang matapat na tagasunod. Pero hindi sila dapat bumalik sa hangal na pamamaraan. 9Tiyak na ang kaniyang kaligtasan ay malapit sa mga may takot sa kaniya, kaya ang kaluwalhatian ay mananatili sa ating lupain. 10Ang katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan ay nagkatagpo, ang katuwiran at kapayapaan ay hinalikan ang isa't isa. 11Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay uusbong mula sa lupa, at ang tagumpay ay dudungaw mula sa langit. 12Oo, si Yahweh ay magbibigay ng kaniyang mabubuting pagpapala, at mamumunga ang mga pananim sa ating lupain. 13Pangungunahan siya ng katuwiran at gagawa ng daan para sa kaniyang mga yapak.
Ikalawang Pagbasa
3Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak. 7Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo. 11Pinili tayo kay Cristo at napagpasyahan noon pa man. Ito ay ayon sa kalooban ng gumawa ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng layunin ng kaniyang kalooban. 12Ginawa ito ng Diyos upang tayo ay mamuhay sa pagpuri ng kaniyang kaluwalhatian. Tayo ang nauna na nagkaroon ng tiwala kay Cristo. 13Dahil kay Cristo kaya napakinggan din ninyo ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Dahil sa kaniya kayo rin ay nanampalataya at tinatakan sa pinangakong Banal na Espiritu. 14Ang Espiritu ang katibayan ng ating pamana hanggang sa makamtan ang pangako. Para ito sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
Ebanghelyo
7Tinawag niya ang Labindalawa at sinimulan silang isugo ng dalawahan at binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu, 8at ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang tinapay, walang sisidlan at wala ring pera nailalagay sa kanilang sinturon, 9kundi magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dalawang tunika. 10At sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa tuwing papasok kayo sa isang bahay, manatili kayo doon hanggang makaalis kayo sa lugar na iyon. 11At kung mayroong bayan na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo sa lugar na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila. 12Humayo sila at inihayag na dapat talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan. 13Pinalayas nila ang maraming demonyo at pinahiran nila ng langis ang mga taong may sakit at pinagaling sila.
Mga santo ng araw
- San Benito, abad
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo B, taon ng karaniwang araw I.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan