Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Hunyo 2027 › Hunyo 7
Kalendaryong Orthodox · Mayo 25 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Hunyo 7, 2027
Lunes · Ikaanim na linggo ng Pasko ng Pagkabuhay · Tono 5
Mga kapistahan at mga santo
Ikatlong pagkatagpo sa ulo ni Juan na Tagapagpauna at Tagapagbautismo ng Panginoon (c. 850)
Pag-aayuno
Walang pag-aayuno
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
Wala sa saling ito
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
17Itong balita tungkol kay Jesus ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng kalapit na mga rehiyon. 18Sinabi kay Juan ng mga alagad niya ang lahat ng mga bagay na ito. 19Pagkatapos ay tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sila ay pinapunta sa Panginoon upang sabihin, “Ikaw ba ang Siyang Darating, o mayroon pa bang iba na aming hahanapin?” 20Nang malapit na sila kay Jesus, sinabi ng mga lalaki, “Kami ay ipinadala ni Juan na Tagapag-bautismo sa iyo upang sabihin, 'Ikaw ba ang Siyang Darating, o mayroon pang ibang tao na aming hahanapin?”' 21Sa oras na iyon siya ay nagpagaling ng maraming tao mula sa pagkakasakit at mga paghihirap at mula sa mga masamang espiritu, at maraming mga bulag ang kaniyang binigyan ng paningin. 22Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kapag nakaalis na kayo, ibalita ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay nabuhay, at ibinabahagi ang magandang balita sa mga taong mahihirap. 23Pinagpala ang taong hindi tumitigil sa pananampalataya sa akin dahil sa aking mga ginawa.” 24Pagkatapos nang umalis ang mga tagapagbalita ni Juan, si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan, “Ano ang ipinunta ninyo sa disyerto upang makita, isang tambo na inaalog ng hangin? 25Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita, isang taong nakadamit ng marilag na kasuotan? Tingnan ninyo, ang mga taong nagsusuot ng marilag na damit at namumuhay sa karangyaan ay nakatira sa palasyo ng mga hari. 26Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita, isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. 27Siya ang tinutukoy sa nasusulat, 'Tingnan mo, aking ipinapadala ang aking mensahero na mauuna sa iyo, na siyang maghahanda sa iyong daraanan bago ka dumating.' 28Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae, walang mas hihigit kay Juan, ngunit ang pinakamababang tao sa kaharian ng Diyos ay mas higit pa sa kaniya.” 29Nang marinig ito ng lahat ng tao, kabilang ang mga maniningil ng buwis, ipinahayag nila na ang Diyos ay matuwid. Sila ay kabilang sa mga nabautismuhan sa bautismo ni Juan. 30Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusan ng mga Judio, na hindi niya nabautismuhan, ay tinanggihan ang karunungan ng Diyos para sa kanilang mga sarili.
Sulat
1Ngayon nang dumaan sila sa mga bayan ng Amfipolis at Apolonia, sila ay dumating sa bayan ng Tesalonica, kung saan ay mayroong isang sinagoga ng mga Judio. 2Tulad ng nakagawian ni Pablo, pumunta siya sa kanila, at sa tatlong araw ng sabbath ay nangatwiran sa kanila mula sa mga kasulatan. 3Binubuksan niya ang mga kasulatan at nagpapaliwanag na kinakailangan ng Cristo na magdusa at muling mabuhay mula sa mga patay. Sinabi niya, “Itong si Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” 4May ilang mga Judio ang nahikayat at sumama kina Pablo at Silas, pati na rin ang mga debotong Griego, mga kilalang kababaihan, at lubhang napakaraming tao. 5Ngunit nang dahil sa inggit, ang mga hindi naniniwalang mga Judio ay kumuha ng mga masasamang tao mula sa pamilihan, nagsama-sama sila upang manggulo sa lungsod. Pinasok nila ang bahay ni Jason dahil nais nilang iharap sina Pablo at Silas sa mga tao. 6Ngunit nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang iba pang mga kapatid sa harapan ng mga pinuno ng lungsod na sumisigaw “Pumunta rito ang mga lalaking ito na nagdulot ng kaguluhan.” 7Itong mga lalaking tinanggap ni Jason ay sumasalungat laban sa mga kautusan ni Ceasar; sinasabi nilang mayroong pang ibang hari - si Jesus.” 8Nang marinig ng karamihan at ng mga pinuno ng lungsod ang mga bagay ito, sila ay nabagabag. 9Pagkatapos nilang makuha ang perang pambayad mula kay Jason at sa kasamahan niya pinalaya na nila sila. 10Nang gabing iyon pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Nang makarating sila roon, nagpunta sila sa sinagoga ng mga Judio. 11Ngayon ang mga taong ito ay mas matalino kaysa sa mga taga Tesalonica, dahil tinanggap nila ang salita nang may kahandaan ng isip, nagsasaliksik ng mga kasulatan araw araw, upang makita kung ang mga bagay na ito ay totoo. 12Kaya naman marami sa kanila ang nanampalataya, kabilang ang ilang mga kilalang kababaihang Griego at maraming kalalakihan. 13Ngunit nang mapag-alaman ng mga Judio na taga Tesalonica na nagpapahayag si Pablo ng Salita ng Dios sa Berea, nagpunta sila doon at niligalig at ginulo nila ang mga tao. 14Pagkatapos, agad - agad na pinapunta ng mga kapatid si Pablo papunta doon sa dagat, ngunit nanatili sina Silas at Timoteo doon. 15Dinala si Pablo ng mga naghatid sa kaniya hanggang sa lungsod ng Atenas. Nang sila ay papaalis na doon, nagbilin sa kanila si Pablo, na papuntahin sina Silas at Timoteo sa kaniya sa lalong madaling panahon.
Sulat (ang Tagapagpauna)
6Sapagkat ang Diyos ang siyang nagsabi, “Ang liwanag ay magniningning mula sa kadiliman.” Siya ay nagliwanag sa aming mga puso, upang ibigay ang liwanag ng kaalaman sa kaluwalhatian ng Diyos sa presensiya ni Jesu-Cristo. 7Ngunit mayroon kaming kayamanan sa loob ng isang sisidlang gawa sa putik, upang maging malinaw na ang lubhang dakilang kapangyarihan ay nararapat para sa Diyos at hindi sa amin. 8Nagdurusa kami sa lahat ng bagay, ngunit hindi nagapi. Naguguluhan, ngunit hindi kami nawalan ng pag-asa. 9Inuusig kami ngunit hindi pinabayaan. Hinahampas kami ngunit hindi nasira. 10Palagi naming dinadala sa aming mga katawan ang kamatayan ni Jesus, nang sa gayon ang buhay ni Jesus ay maihayag din sa aming mga katawan. 11Kaming mga nabubuhay ay laging nahaharap sa kamatayan alang-alang kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay maihayag sa aming mga katawang tao. 12Sa kadahilanang ito, ang kamatayan ay kumikilos sa amin, ngunit ang buhay ay kumikilos sa inyo. 13Ngunit mayroon tayong parehong espiritu ng pananampalataya na ayon sa nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya ako ay nagpahayag.” Tayo rin ay nananampalataya, kaya't tayo rin ay nagpapahayag. 14Alam namin na ang muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay bubuhayin din kaming muli kasama niya. Alam namin na dadalhin niya kami kasama ninyo sa kaniyang presensya. 15Ang lahat ay para sa kapakanan ninyo nang sa gayon, habang lumalaganap ang habag sa maraming tao, ang pasasalamat ay lalong madaragdagan para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Ebanghelyo
47At tinipon ng mga pinunong pari at ng mga Pariseo ang konseho at sinabi, “Ano ang ating gagawin? Ang taong ito ay maraming ginagawang mga tanda. 48Kung hahayaan natin siyang mag-isa katulad ng ganito, lahat ay maniniwala sa kaniya; ang mga Romano ay paparito at kukunin ang ating lugar at gayon din ang ating bansa. 49Gayon pa man, may isang lalaki sa kanila, si Caifas na ang pinakapunong pari nang taong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala kayong nalalaman. 50Hindi ba ninyo iniisip na ito ay naaangkop na may isang taong dapat mamatay para sa mga tao kaysa ang buong bansa ang mamatay.” 51Ngayon, sinabi niya ito hindi sa kaniyang sariling pagkukusa; sa halip, dahil siya ang pinakapunong pari ng taong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay dapat mamatay para sa bansa, 52at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin din ni Jesus ang mga anak ng Diyos na nakakalat sa iba't ibang lugar. 53Kaya mula ng araw na iyon ay pinagplanuhan na nila kung paano papatayin si Jesus. 54Hindi na naglalakad ng hayag si Jesus sa gitna ng mga Judio, ngunit umalis siya doon at pumunta sa isang bansa na malapit sa ilang sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Doon ay nanatili siya kasama ang mga alagad. 55Ngayon ang Paskwa ng mga Judio ay nalalapit na, marami ang pumunta sa Jerusalem mula sa mga bansa upang linisin ang kanilang mga sarili. 56Hinahanap nila si Jesus, at pinag-uusapan nila sa isa't isa habang sila ay nakatayo sa templo, “Ano sa inyong palagay? Hindi kaya siya darating sa kapistahan?” 57Ngayon, ipinag-utos ng mga punong pari at mga Pariseo na kung sinuman ang nakakaalam kung nasaan si Jesus ay ipagbigay-alam nila ito upang sa gayon maaari nila siyang dakipin.
Ebanghelyo (ang Tagapagpauna)
2Ngayon, nang marinig ni Juan mula sa bilangguan ang mga bagay tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagpadala siya ng mensahe sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad 3at sinabi nito sa kaniya, “Ikaw na nga ba Ang Darating o mayroon pang ibang tao na dapat naming hanapin?” 4Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. 5Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, nakapaglalakad ang mga lumpo, ang mga may ketong ay nagiging malinis, ang mga bingi ay nakaririnig nang muli, ang mga patay ay muling binuhay, at ang mga mahihirap ay nasabihan na tungkol sa mabuting balita. 6At pinagpala ang sinumang hindi makahahanap ng katitisuran sa akin.” 7Habang nagtungo ang mga lalaking ito sa kanilang daan, sinimulang sabihin ni Jesus sa mga tao ang tungkol kay Juan, “Ano ang nilabas ninyo sa ilang para makita—isang tambo na inaalog-alog ng hangin? 8Ngunit ano ang nilabas ninyo para makita—isang lalaki na nakasuot ng malambot na kasuotan? Totoo nga, ang nagsusuot lamang ng ganoong kasuotan ay iyong naninirahan sa bahay ng mga hari. 9Ngunit ano ang nilabas ninyo para makita—isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo at mas higit pa sa isang propeta. 10Siya itong sinasabi sa naisulat, 'Tingnan ninyo, ipadadala ko ang aking mensahero na mauuna sa iyo na siyang maghahanda ng iyong daan.' 11Sinasabi ko sa inyo, totoo nga na sa lahat ng mga ipinanganak ng mga babae, walang nakahihigit kay Juan na Tagapagbautismo. Ngunit ang pinakahamak na tao sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya. 12Mula sa mga araw ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagdurusa sa karahasan at sapilitan itong kinukuha ng mga taong mararahas. 13Sapagkat lahat ng mga propeta at ang kautusan ay patuloy na nagpapahayag hanggang kay Juan. 14At kung nakahanda kayong tanggapin ito, ito ay si Elias na paparating. 15Ang may taingang pandinig ay makinig.
Mga santo ng araw
- Kagalang-galang na Martir Tavrion (1939)
- Banal na Hirarka Inocencio, Arsobispo ng Kherson (1857)
- Paring Martir Terapon, Obispo ng Cyprus (ika-4 siglo)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Mayo 25 sa kalendaryo ng simbahan ay Hunyo 7 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan