Bible Explorer

Tuklasin › Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi › Si Solomon

Mga Hari at Mga Cronica nang magkakatabi · Si Solomon

Naghanda sina Solomon at Hiram sa pagtatayo

1 Hari 5:1–12 · 2 Cro 2:1–16

1 Mga Hari

1 Hari 5:1–12

1Ipinadala ni Hiram, hari ng Tiro, ang kaniyang mga lingkod kay Solomon, dahil narinig niya na siya ay hinirang na hari kapalit ng kaniyang ama; dahil sa noon pa man ay mahal na ni Hiram si David.

2Nagpadala ng salita si Solomon kay Hiram, nagsasabing,

3“Alam mo na ang aking amang si David ay hindi maaring magtayo ng isang templo sa pangalan ni Yahweh ang kaniyang Diyos dahil sa mga digmaan na pumaligid sa kaniya, dahil sa kaniyang buong buhay inilalagay ni Yahweh sa ilalim ng kaniyang talampakan ang kaniyang mga kaaway.

4Pero ngayon, si Yahweh na aking Diyos ay nagbigay sa akin ng kapahingan sa lahat ng dako. Walang sinumang kalaban ni anumang sakuna.

5Kaya binabalak kong magtayo ng isang templo para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos, gaya ng sinabi ni Yahweh kay David na aking ama, nagsasabing, 'Ang iyong anak, na siyang iluluklok ko sa iyong trono kapalit mo, ang magtatayo ng templo para sa aking pangalan.'

6Kaya ngayon utusan mo sila na magputol ng mga sedar mula sa Lebanon para sa akin. At ang aking mga lingkod ay tutulong sa iyong mga lingkod, at babayaran kita para sa iyong mga lingkod sa gayon bayad ka ng patas sa lahat ng bagay na sinang-ayunan mong gawin. Dahil alam mo na walang sinuman sa amin ang nakakaalam kung paano magputol ng troso gaya ng mga taga-Sidon.”

7Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya ay nagalak ng labis at nagsabi, “Nawa mapapurihan si Yahweh sa araw na ito, na siyang nagbigay kay David ng isang matalinong anak na mamamahala sa kaniyang dakilang bayan”

8Nagpadala ng salita si Hiram kay Solomon na nagsasab, “Narinig ko ang mensahe na ipinadala mo sa akin. Gagawin ko ang lahat ng nais mo patungkol sa mga troso ng sedar at saypres.

9Ibababa ng aking mga lingkod ang mga puno buhat sa Lebanon hanggang sa dagat, at gagawin kong balsa ang mga ito para makarating sa pamamagitan ng dagat sa lugar na iniatas mo sa akin. Ang mga ito ay paghihiwa-hiwalayin doon at ito ay inyong mahahakot. Matutupad mo ang aking hangarin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain para sa aking sambahayan.”

10Kaya ibinigay ni Hiram kay Solomon ang lahat ng troso ng sedar at pir na gusto niya.

11Binigyan ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal ng trigo para sa pagkain ng kaniyang sambahayan at dalawampung galon ng purong langis. Ibinigay ito ni Solomon kay Hiram taon-taon.

12Binigyan ni Yahweh si Solomon ng katalinuhan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya. May kapayapaan sa pagitan nila Hiram at Solomon, at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.

2 Mga Cronica

2 Cro 2:1–16

1Ngayon, iniutos ni Solomon ang pagpapatayo ng tahanan para sa pangalan ni Yahweh at pagpapatayo ng palasyo para sa kaniyang kaharian.

2Nagtalaga si Solomon ng pitumpung libong kalalakihan na tagahakot at walumpung libong kalalakihan na tagaputol ng mga kahoy sa mga kabundukan at 3,600 na kalalakihan upang mangasiwa sa kanila.

3Nagpadala ng mensahe si Solomon kay Hiram, ang hari ng Tiro, na nagsasabi, “Tulad ng ginawa mo sa aking amang si David na pinadalhan mo ng sedar na mga troso upang magpatayo ng tahanan na matitirahan, gawin mo rin iyon sa akin.

4Tingnan mo, malapit na akong magtayo ng isang tahanan para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos, upang ihandog ito sa kaniya, upang magsunog sa harap niya ng matatamis na mga sangkap, para sa tinapay ng presensiya at para sa mga alay na susunugin sa umaga at gabi, sa Araw ng Pamamahinga, sa mga bagong buwan, at sa nakatakdang mga kapistahan para kay Yahweh na aming Diyos. Ito ay batas ng Israel sa lahat ng panahon.

5Ang itatayo kong tahanan ay magiging napakalaki, sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa sa lahat ng mga diyus-diyosan.

6Ngunit sino ang makapagtatayo ng isang tahanan para sa Diyos, gayong sa buong kalawakan at maging sa kalangitan mismo ay hindi siya magkasiya? Sino ako upang ipagtayo siya ng tahanan, maliban na magsunog ng mga alay sa harapan niya?

7Kaya padalhan mo ako ng isang tao na dalubhasa sa pagpanday ng ginto, pilak, tanso, bakal at marunong humabi ng telang kulay ube, pula at asul, at isang tao na nakakaalam gumawa ng lahat ng uri ng pag-uukit ng kahoy. Siya ay makakasama ng mga dalubhasang kalalakihan na kasama ko sa Juda at Jerusalem, na ibinigay ng aking ama na si David.

8Padalhan mo rin ako ng mga puno ng sedar, mga puno ng pir at mga puno ng algum mula sa Lebanon; sapagkat alam ko na mahusay ang iyong mga lingkod sa pagputol ng troso sa Lebanon. Sasamahan ng aking mga lingkod ang iyong mga lingkod,

9upang ihanda ang napakaraming troso para sa akin; sapagkat magiging napakalaki at kahanga-hanga ang tahanan na aking itatayo.

10Ibibigay ko sa iyong mga lingkod, na puputol ng kahoy, ang dalawampung libong sisidlang puno ng binayong trigo, dalawampung libong sisidlang puno ng sebada, dalawampung libong sisidlang puno ng alak at dalawampung libong sisidlan na puno ng langis.”

11At sumagot si Hiram na hari ng Tiro sa liham, na ipinadala niya kay Solomon: “Sapagkat mahal ni Yahweh ang kaniyang mga tao, ginawa ka niyang hari sa kanila.”

12Sinabi pa ni Hiram, “Purihin si Yahweh, Diyos ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay haring David ng isang matalinong anak, pinagkalooban ng mabuting pagpapasiya at karunungan, na magtatayo ng tahanan para kay Yahweh, at tahanan para sa kaniyang kaharian.

13Ngayon nagpadala ako ng bihasang tao, na pinagkalooban ng karunungan, si Huramabi,

14na lalaking anak ng isang babaeng mula sa angkan ni Dan. Ang kaniyang ama ay mula sa Tiro. Bihasa siyang gumawa gamit ang ginto, pilak, tanso, bakal, bato at troso at humabi ng telang kulay ube, pula at asul at pino na lino. Bihasa rin siya sa paggawa ng lahat ng uri ng pag-uukit at paggawa ng lahat ng uri ng disenyo. Isamo mo siya sa iyong mga bihasang mangagawa, at sa mga bihasang mangagawa ng aking panginoong si David na iyong ama.

15At ngayon, ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak na sinabi ng aking panginoon, ipadala ninyo ang mga ito sa inyong mga lingkod.

16Puputol kami ng kahoy mula sa Lebanon, kasindami ng iyong kailangan. Dadalhin namin ito sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat patungong Jopa at bubuhatin ninyo ito patungong Jerusalem.”

May marka: ang mga salitang nasa lahat ng salaysay, sa saling binabasa mo. Hindi minamarkahan ang pinakamadalas na salita (“at”, “siya”); maaaring walang marka ang salitang nasa ibang anyo.

Tagalog Unlocked Literal Bible · Pinili nang mano-mano mula sa teksto ang mga kahanay at sinuri sa mga cross reference ng OpenBible.info (CC BY). Tanging iisang pangyayari o pananalita lang ang pinagtatabi. OpenBible.info · CC BY