Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Disyembre 2027 › Disyembre 13

Kalendaryong Orthodox · Nobyembre 30 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Disyembre 13, 2027

Lunes · Ika-26 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 8

Mga kapistahan at mga santo

Apostol Andres na Unang Tinawag (62)

Pag-aayuno ng Pasko

Pinapayagan ang isda

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Panalangin sa Gabi: pagbasa

1 Ped 1:1–2:6

1Si Pedro, na apostol ni Jesu Cristo, sa mga dayuhang nasa iba't ibang dako, sa mga pinili na nasa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, 2ayon sa kaalaman ng Diyos Ama sa simula pa lang, sa pagpapabanal ng Banal na Espiritu, para sa pagsunod kay Jesu Cristo, at para sa pagwiwisik ng kaniyang dugo. Sumainyo ang biyaya, at sumagana ang inyong kapayapaan. 3Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon. 6Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 8Hindi ninyo siya nakita, pero mahal ninyo siya. Hindi ninyo siya nakikita ngayon, ngunit naniniwala kayo sa kaniya at lubos kayong nagagalak na may kaligayahang hindi maipaliwanag na punong-puno ng kaluwalhatian. 9Kayo mismo ang tumatanggap ng bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. 10Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya. 12Naihayag sa mga propeta na naglilingkod sila sa mga bagay na ito, hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa inyo— ang pagsasabi ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga nagdadala ng ebanghelyo sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, mga bagay na ninanais maipahayag maging ng mga anghel. 13Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” 17At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo. 21Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos. 22Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24Sapagkat “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo. 2:1Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon. 4Lumapit kayo sa kaniya na siyang buhay na bato na tinanggihan ng mga tao, pero pinili ng Diyos at natatangi sa kaniya. 5Tulad kayo ng buhay na mga bato na kasalukuyang binubuo upang maging espiritwal na tahanan, upang maging banal na mga pari na naghahandog ng espiritwal na mga alay na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. 6Sinasabi ng kasulatan, “Masdan ninyo, inilatag ko sa Sion ang isang panulukang bato, pinuno at pinili at mahalaga. Sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.”

Panalangin sa Gabi: pagbasa

1 Ped 2:21–3:9

21Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling. 25Kayong lahat ay naglalakbay palayo tulad ng mga nawawalang tupa, ngunit ngayon, bumalik kayo sa pastol at tagapagbantay ng inyong mga kaluluwa. 3:1Sa ganitong paraan, kayong mga asawang babae ay dapat magpasakop sa inyong mga asawa, sa gayon, kahit may ilang hindi sumusunod sa salita, sa pamamagitan ng pag-uugali ng kanilang asawang babae, mahikayat sila nang walang salita, 2dahil makikita nila ang inyong dalisay na pag-uugali na may karangalan sa kanilang sarili. 3Huwag ninyo itong gawin sa pamamagitan ng panlabas na paggayak—pagtitirintas ng buhok, pagsusuot ng alahas, o magagarang damit. 4Sa halip, gawin niyo ito sa pamamagitan ng panloob na pagkatao na nasa puso, at nang walang kupas na kagandahan ng isang mahinahon at mapayapang espiritu na natatangi sa paningin ng Diyos. 5Sapagkat ang banal na mga kababaihan noon ay minsang naggayak ng kanilang mga sarili sa ganitong paraan. Nagtiwala sila sa Diyos at nagpasakop sila sa kanilang mga asawa. 6Sa ganitong paraan sumunod si Sara kay Abraham at tinawag siyang kaniyang “panginoon.” Kayo ngayon ay kaniyang mga anak kung ginagawa ninyo ang mabuti at kung hindi kayo natatakot sa kaguluhan. 7Gayun din, kayong mga asawang lalaki ay dapat mamuhay kasama ang inyong asawa nang nalalaman na sila ay mas mahinang kabiyak, kinikilala sila na kapwa ninyong tatanggap ng kaloob ng buhay. Gawin ninyo ito upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan. 8Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala.

Panalangin sa Gabi: pagbasa

1 Ped 4:1–11

1Kaya nga, dahil si Cristo ay naghirap sa laman, armasan ninyo ang inyong mga sarili ng kaparehas na hangarin. Sinuman ang naghirap sa laman ay tumigil na sa kasalanan. 2Ang taong ito ay hindi na namumuhay para sa mga pansariling pagnanasa, pero para sa kalooban ng Diyos—sa kaniyang natitirang buhay. 3Sapagkat sapat na panahon na ang lumipas para gawin ng mga Gentil ang nais nilang gawin—kahalayan, pagkahumaling, paglalasing, panggugulo, labis na pagsasaya at kasuklam-suklam na pagsamba sa diyus-diyosan. 4Naisip nilang kakaiba na hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na ito kasama sila, kaya nagsasalita sila ng masama patungkol sa inyo. 5Magbibigay sila ng pagsusulit sa kaniya na handang hatulan ang lahat ng mga tao, patay man o buhay. 6Sa layuning ito, ipinangaral ang ebanghelyo sa mga namatay, sa gayun, kahit na sila ay hinatulan sa kanilang mga katawan bilang mga tao, sila ay makapapamuhay ayon sa Diyos sa espiritu. 7Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba. 9Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo. 10Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen

Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo

Mat 4:18–23

18Habang naglalakad si Jesus sa Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro at ang kapatid niyang si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat sapagkat sila ay mga mangingisda. 19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya. 21Habang naglalakad si Jesus mula doon, nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak na lalaki ni Zebedeo at si Juan na kaniyang kapatid. Kasama nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na nagkukumpuni ng kanilang mga lambat. Tinawag niya ang mga ito, 22at agad nilang iniwan ang kanilang ama at ang bangka at sumunod sa kaniya. 23Nilibot ni Jesus ang buong Galilea, nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinangaral niya ang ebanghelyo ng kaharian, pinapagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao.

Sulat

1 Tim 1:1–7

1Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kautusan ng Diyos na ating tagapagligtas at Cristo Jesus na ating inaasahan, 2para kay Timoteo, isang tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, habag, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 3Katulad ng pinakiusap ko saiyo na gawin mo nang ako ay papuntang Macedonia, manatili ka sa Efeso upang mautusan mo ang ilang mga tao na huwag magturo ng ibang doktrina. 4Ni pansinin ang mga kwento at mga kasaysayan ng lahi. Nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa halip na makatulong sa plano ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya. 5Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya. 6May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit.

Sulat (San Andres)

1 Cor 4:9–16

9Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa kahuli-hulihan ng hanay na pinapanood at gaya ng mga taong nahatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao. 10Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan. 11Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. 12Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay. 14Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak. 15Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako.

Ebanghelyo

Luc 19:37–44

37Nang palapit na siya sa libis ng Bundok ng mga Olibo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nagsimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga kamangha-manghang gawa na kanilang nakita, 38na sinasabi, “Pinagpala ang hari na naparito sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataastaasan!” 39Sinabi sa kaniya ng ilan sa mga Pariseong kasama ng maraming tao, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.” 40Sumagot si Jesus at sinabing, “Sinasabi ko sa inyo, kung tatahimik sila, ang mga bato ay sisigaw.” 41Nang palapit na si Jesus sa lungsod, iniyakan niya ito, 42sinasabi, “Kung alam mo lang sa araw na ito, kahit ikaw, ang mga bagay na magbibigay sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ngayon ang mga ito ay lingid sa iyong mga mata. 43Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na magtatayo ng harang ang iyong mga kaaway sa palibot mo, at papalibutan ka, at gigipitin ka mula sa bawat panig. 44Hahampasin ka nila pababa sa lupa at kasama ang iyong mga anak. Hindi sila magtitira ng isang bato sa ibabaw ng isa pang bato, dahil hindi mo kinilala nang sinusubukan kang iligtas ng Diyos.”

Ebanghelyo (San Andres)

Juan 1:35–51

35Muli, sa sumunod na araw, habang si Juan ay nakatayong kasama ang dalawang alagad 36nakita nila si Jesus na naglalakad sa malapit, at sinabi ni Juan, “Tingnan ninyo, ayun ang Kordero ng Diyos!” 37Narinig ng dalawang alagad na sinabi ni Juan ito, at sila ay sumunod kay Jesus. 38At si Jesus ay lumingon at nakita silang sumusunod at sinabi sa kanila, “Anung nais ninyo?” Sumagot sila, “Rabi (na ang ibig sabihin ay 'Guro'), saan ka nakatira?” 39Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan.” At sila ay pumaroon at nakita kung saan siya nakatira; sila ay tumira kasama niya sa araw na iyon sapagkat noon ay halos mag-aalas kuwatro na. 40Isa sa dalawang nakarinig na nagsalita si Juan at pagkatapos sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41Una niyang nakita ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya, “Nakita na namin ang Mesias,” (na sinalin na, 'ang Cristo'). 42Dinala niya siya kay Jesus. Si Jesus ay tumingin sa kaniya at sinabi, “Ikaw si Simon anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cepas” (na ang ibig sabihin ay 'Pedro'). 43Kinabukasan, nang si Jesus ay nais na umalis para pumunta sa Galilea, nakita niya si Felipe at sinabi sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” 44Ngayon si Felipe ay galing sa Bethsaida, ang lungsod nila Andres at Pedro. 45Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa kaniya, “Ang siyang naisulat sa kaustusan ni Moises at ng mga propeta - ay nakita namin, si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46Sinabi ni Nathanael, “Maaari bang may magandang bagay na magmula sa Nazaret?” Sinabi ni Felipe sa kaniya, “Halika at tingnan mo.” 47Nakita ni Jesus na palapit si Nataniel sa kaniya at sinabi ang tungkol sa kaniya, “Tingnan ninyo, isa ngang tunay na Israelita, na walang panlilinlang.” 48Sinabi sa kaniya ni Nataniel, “Papaano mo ako nakikilala?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Bago ka tawagin ni Felipe, nang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” 49Sumagot si Nathanael, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang Hari ng Israel!” 50Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, 'Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos', naniniwala ka na? Makakakita ka ng mga bagay na mas higit pa kaysa dito.” 51Sinabi ni Jesus, “Totoo, totoo itong sinasabi ko sa iyo, makikita mong magbukas ang mga kalangitan, at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa sa kinaroroonan ng Anak ng Tao.”

Mga santo ng araw

Mga santo ng Disyembre 13

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Nobyembre 30 sa kalendaryo ng simbahan ay Disyembre 13 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan