Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Oktubre 2027 › Oktubre 6

Kalendaryong Orthodox · Setyembre 23 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Oktubre 6, 2027

Miyerkules · Ika-16 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 6

Mga kapistahan at mga santo

Paglilihi sa Mahal at Maluwalhating Propeta, Tagapagpauna at Tagapagbautismo ng Panginoon na si Juan

Araw ng pag-aayuno

Pag-aayuno: may langis

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Sulat

Gal 6:2–10

2Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo. 3Sapagkat kung sinuman ang nag-iisip na siya ay mahalaga gayong wala siyang halaga, nililinlang niya ang kaniyang sarili. 4Dapat suriin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa. At sa ganun mayroon na siyang maipagmayabang sa kaniyang sarili, na hindi kailangang ihambing pa ang kaniyang sarili sa iba. 5Sapagkat bubuhatin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasanin. 6Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro. 7Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu. 9Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.

Sulat (ang Tagapagpauna)

Gal 4:22–31

22Sapagkat nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa ay sa aliping babae at ang isa ay sa malayang babae. 23Gayunpaman, ang anak ng alipin ay ipinanganak sa laman, ngunit ang ipinanganak ng malayang babae ay ipinanganak sa pamamagitan ng isang pangako. 24Ang mga bagay na ito ay maipapaliwanag gamit ang talinghaga, sapagkat ang dalawang babaeng ito ay katulad ng dalawang kasunduan. Ang isa sa kanila ay mula sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak niya ang kaniyang mga anak na mga alipin. Ito ay si Hagar. 25Ngayon ang Hagar ay Bundok ng Sinai sa Arabia. Isinisimbolo niya ang kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya ay nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. 26Ngunit ang Jerusalem na nasa taas ay malaya, iyon ay, ang ating ina. 27Sapagkat nasusulat, “Magalak ka, ikaw na babaeng baog, ikaw na hindi nanganganak. Humiyaw ka at sumigaw sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng panganganak. Sapagkat marami ang mga anak ng baog na babae, higit pa sa kaniya na may asawa.” 28Ngayon, mga kapatid, katulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako. 29Sa panahong iyon, siyang ipinanganak ayon sa laman ay inuusig siyang ipinanganak ayon sa Espiritu. Ganoon din ito ngayon. 30Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang aliping babae at ang kaniyang anak. Sapagkat ang anak ng aliping babae ay hindi kasamang magmamana sa anak ng malayang babae.” 31Samakatuwid, mga kapatid, tayo ay hindi mga anak ng isang aliping babae, ngunit, sa halip ng isang malayang babae.

Ebanghelyo

Luc 4:1–15

1Nang si Jesus ay na puspos ng Banal na Espiritu, bumalik siya mula sa ilog Jordan at pinangunahan ng Espiritu sa ilang 2sa loob ng apatnapung araw at siya ay tinukso ng diyablo. Sa mga araw na iyon, hindi siya kumain ng anuman at sa huling mga araw siya ay nagutom. 3Sinabi ng diyablo sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang batong ito na maging tinapay.” 4Sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, 'Hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao.”' 5At dinala siya ng diyablo sa mataas na lugar, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng mundo nang ilang sandali. 6Sinabi ng diyablo sa kaniya, “Bibigyan kita ng kapangyarihang mamuno sa lahat ng mga kahariang ito, pati na ang kanilang kadakilaan. Kaya kong gawin ito dahil ibinigay ang mga ito sa akin upang pamunuan, at maaari ko itong ibigay sa sinumang gustuhin ko. 7Kaya kung ikaw ay yuyuko at sasamba sa akin, ang lahat ng ito ay mapapasaiyo.” 8Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.”' 9Pagkatapos dinala ng diyablo si Jesus sa Jerusalem at inilagay siya sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula dito, 10Sapagkat nasusulat, 'Uutusan niya ang kaniyang mga anghel upang alagaan ka at ingatan ka,' 11at, 'Iaangat ka nila sa kanilang mga kamay, upang hindi tumama ang iyong paa sa bato '.” 12Sumagot si Jesus na sinabi sa kaniya, “Nasasabi, 'Hindi mo dapat subukin ang Panginoon mong Diyos.”' 13Nang matapos tuksuhin ng diyablo si Jesus, umalis siya at iniwanan siya hanggang sa ibang pagkakataon. 14Pagkatapos, bumalik si Jesus sa Galilea as kapangyarihan ng Espiritu, at kumalat ang balita tungkol sa kaniya sa buong paligid ng rehiyon. 15Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, at ang bawat isa ay nagpuri sa kaniya.

Ebanghelyo (ang Tagapagpauna)

Luc 1:5–25

5Sa mga araw ni Herodes, na hari ng Judea, may isang pari na nagngangalang Zacarias na nagmula sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay nagmula sa mga babaeng anak ni Aaron, at ang kaniyang pangalan ay Elisabet. 6Kapwa sila matuwid sa harapan ng Diyos; sila ay namuhay nang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. 7Ngunit wala silang anak, sapagkat si Elisabet ay baog, at silang dalawa ay matanda na sa panahong ito. 8Ngayon ay nangyari na si Zacarias ay nasa presensiya ng Diyos, gumagawa ng mga tungkulin bilang pari sa kapanahunan ng kaniyang pangkat. 9Ayon sa nakaugaliang paraan ng pagpili kung sinong pari ang maglilingkod, siya ay pinili sa pamamagitan ng sapalaran upang makapasok sa templo ng Panginoon at upang siya ay makapagsunog ng insenso. 10Napakaraming tao ang nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng insenso. 11Ngayon, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya at tumayo sa kanang bahagi ng altar ng insenso. 12Si Zacarias ay nasindak nang makita niya ito, labis ang pagkatakot niya. 13Ngunit sinabi ng anghel sa kaniya “Huwag kang matakot Zacarias, sapagkat ang iyong panalangin ay pinakinggan. Ipagbubuntis ng asawa mong si Elisabet ang iyong anak na lalaki. Juan ang ipapangalan mo sa kaniya. 14Magkakaroon ka ng kagalakan at saya, at marami ang matutuwa sa pagsilang sa kaniya. 15Sapagkat siya ay magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin, at siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula sa sinapupunan ng kaniyang ina. 16At maraming tao sa bayan ng Israel ang mapapanumbalik sa Panginoon na kanilang Diyos. 17Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias. Gagawin niya ito upang mapanumbalik ang puso ng mga ama sa mga anak, upang ang mga hindi sumusunod ay mamuhay sa karunungan ng mga matuwid. Gagawin niya ito upang ihanda para sa Panginoon, ang mga taong inihanda na para sa kaniya.” 18Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalaman ito? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay may pataw na ng maraming taon.” 19Ang anghel ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Ako si Gabriel na nakatayo sa presensiya ng Diyos. Ako ay inutusan upang makipag-usap sa iyo, upang iparating sa iyo ang mabuting balita. 20Masdan mo, magiging pipi ka, hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay dahil sa hindi ka naniwala sa aking mga salita na matutupad ito sa tamang panahon.” 21Ngayon ay inaantay ng mga tao si Zacarias. Sila ay nagulat sapagkat siya ay labis na gumugol ng panahon sa loob ng templo. 22Ngunit nang siya ay lumabas, hindi siya makapagsalita sa kanila. Naisip ng mga tao na nagkaroon siya ng pangitain habang siya ay nasa loob ng templo. Patuloy siyang gumagawa ng mga senyas sa kanila at nanatiling hindi makapagsalita. 23Dumating ang panahon na natapos ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umalis siya at bumalik sa kaniyang bahay. 24Pagkatapos ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay nagbuntis. Siya ay nanatili sa kaniyang bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi niya, 25“Ito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang tiningnan niya ako nang may biyaya upang tanggalin ang aking kahihiyan sa harapan ng ibang tao.”

Mga santo ng araw

Mga santo ng Oktubre 6

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Setyembre 23 sa kalendaryo ng simbahan ay Oktubre 6 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan