Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Enero 2027 › Enero 20

Kalendaryong Orthodox · Enero 7 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Enero 20, 2027

Miyerkules · Ika-34 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 8

Mga kapistahan at mga santo

Pagkatapos ng Kapistahan ng Teopaniya

Araw ng pag-aayuno

Pinapayagan ang isda

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Sulat (ang Tagapagpauna)

Gawa 19:1–8

1At nang si Apolos ay nasa Corinto, dumaan si Pablo sa mga matataas na lupain at nakarating sa lungsod ng Efeso, at natagpuan niya ang ilang alagad doon. 2Sinabi ni Pablo sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo ay manampalataya?” Sinabi nila sa kaniya, “Hindi, hindi man lang namin narinig ang tungkol sa Banal na Espiritu.” 3Sinabi ni Pablo, “Kung gayon saan kayo nabautismuhan?” Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.” 4Kaya sumagot si Pablo, “Nagbautismo si Juan kasama ang bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na dapat silang manampalataya sa darating na kasunod niya, kay Jesus.” 5Nang narinig ito ng mga tao, nabautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6At nang ipatong ni Pablo ang kaniyang kamay sa kanila, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kanila at sila ay nagsalita ng iba't ibang mga wika at nagpahayag ng propesiya. 7mga labindalawang kalalakihan silang lahat. 8Pumunta si Pablo sa sinagoga at matapang na nagsalita sa loob ng tatlong buwan. Pinangungunahan niya ang mga pagpapaliwanag at panghihikayat sa mga tao tungkol sa mga bagay patungkol sa Kaharian ng Diyos.

Sulat

Heb 5:11–6:8

11Marami kaming masasabi tungkol kay Jesus, ngunit mahirap itong ipaliwanag sapagkat kayo ay mapurol sa pakikinig. 12Kahit sa oras na ito ay marapat na sana kayong maging tagapagturo, ngunit kinakailangan pa rin na may magturo sa inyo ng mga pangunahing alituntunin ng mga salita ng Diyos. Nangangailangan kayo ng gatas, hindi nang matigas na pagkain. 13Sapagkat sinuman na gatas pa lamang ang iniinom ay walang karanasan sa mensahe ng katuwiran, sapagkat siya ay sanggol pa lang. 14Sa ibang banda, ang matigas na pagkain ay para sa mga may ganap nang gulang, sila na dahil sa kanilang karanasang kumilala ng tama sa mali, ay sinanay upang maunawaan ang mabuti at masama. 6:1Kung gayon, iwan na natin ang mga unang natutunan tungkol sa mensahe ni Cristo, kailangan nating magpatuloy sa pagiging ganap, at huwag na muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at ng pananampalataya sa Diyos, 2ni ang saligan ng katuruan tungkol sa mga pagbabautismo, pagpapatong ng mga kamay, ang muling pagkabuhay ng mga patay, at sa hatol na walang hanggan. 3Gagawin din natin ito kung papahintulutan ng Diyos. 4Sapagkat imposible para sa kanila na minsan nang naliwanagan, na nakalasap na ng kaloob ng kalangitan, na naging kabahagi ng Banal na Espiritu, 5at sila na nakalasap na ng mabuting salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng kapanahunang darating, 6at sila nga na nahulog na—ito ay imposible nang ibalik silang muli sa pagsisisi. Ito ay dahil sa ipinako nilang muli para sa kanilang mga sarili ang nag-iisang Anak ng Diyos, ginawa siyang dahilan ng lantarang kahihiyan. 7Sapagkat ang lupang tumanggap ng ulan na madalas bumuhos dito at nagbibigay ng pananim na kapaki-pakinabang para sa kanila na nagtrabaho ng lupa, ay tumanggap ng pagpapalang galing sa Diyos. 8Ngunit kung tubuan ito ng tinik at dawag, ito ay walang pakinabang at nanganganib na maisumpa. At ang kahahantungan nito ay pagkasunog.

Ebanghelyo (ang Tagapagpauna)

Juan 1:29–34

29Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, “Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo! 30Siya ang sinabi ko sa inyo na, 'Ang darating kasunod ko ay mas higit sa akin, sapagkat siya ay nauna sa akin.' 31Hindi ko siya nakilala, ngunit ito ay nangyari upang maihayag siya sa Israel na siyang dahilan na ako ay nagbabautismo ng tubig.” 32Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit tulad ng isang kalapati, at ito ay nanatili sa kaniya. 33Hindi ko siya nakilala, ngunit ang sabi sa akin ng nagsugo sa akin na magbautismo sa tubig, 'Kung kanino mo makikita ang Espiritu na bumababa at nananatili, siya ang magbabautismo ng Banal na Espiritu.' 34Pareho kong nakita at napatotohanan na ito ang Anak ng Diyos.

Ebanghelyo

Luc 21:5–7, 10–11, 20–24

5Habang pinag-uusapan ng ilan ang templo, kung paano ito pinalamutihan ng magagandang bato at mga handog, kaniyang sinabi, 6“Patungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita, darating ang mga araw na wala ni isang bato ang maiiwan sa ibabaw ng isa pang bato na hindi babagsak.” 7Kaya't siya ay kanilang tinanong, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging palatandaan kapag malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?” 10At sinabi niya sa kanila, “Titindig ang isang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian. 11Magkakaroon ng mga malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot. Magkakaroon ng mga kakila-kilabot na pangyayari at mga dakilang palatandaan mula sa langit. 20Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng mga hukbo, kung gayon malalaman ninyo malapit na ang pagkawasak nito. 21Kung magkagayon, ang mga nasa Judea ay magsitakas patungo sa mga bundok, at lahat ng mga nasa kalagitnaan ng lungsod ay umalis, at ang mga nasa bayan ay huwag pumasok doon. 22Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng nasusulat. 23Sa aba ng mga nagdadalang-tao at sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng matinding kapighatian sa lupain, at poot sa mga taong ito. 24At sila ay babagsak sa pamamagitan ng talim ng espada at sila ay dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa, at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.

Mga santo ng araw

Mga santo ng Enero 20

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Enero 7 sa kalendaryo ng simbahan ay Enero 20 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan