Bible Explorer Kunin ang app

Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Disyembre 2027 › Disyembre 26

Kalendaryong Orthodox · Disyembre 13 (lumang kalendaryo)

Mga pagbasang Ortodokso — Disyembre 26, 2027

Linggo · Tono 2

Mga kapistahan at mga santo

Ika-27 Linggo pagkatapos ng Pentekostes

Linggo ng mga Banal na Ninuno

Pag-aayuno ng Pasko

Pinapayagan ang isda

Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.

Mga pagbasa sa araw na ito

Ikalimang Ebanghelyo ng Panalangin sa Umaga

Luc 24:12–35

12Gayon pa man, tumayo si Pedro, at tumakbo papunta sa libingan, at yumuko siya at tumingin sa loob, nakita niya na ang mga telang lino na lamang ang naroon. Kaya umuwi si Pedro sa kaniyang tahanan, na nagtataka kung ano ang nangyari. 13Masdan ninyo, sa araw ding iyon, dalawa sa kanila ang papunta sa nayon na tinatawag na Emaus, na animnapung stadia ang layo mula sa Jerusalem. 14Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng nangyari. 15Nangyari na, habang nag-uusap sila at nagtatanungan sa isat-isa, lumapit si Jesus mismo at sumama sa kanila. 16Ngunit ang kanilang mga mata ay nahadlangan upang hindi siya makilala. 17Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa habang naglalakad kayo?” Huminto sila na nalulungkot. 18Isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, ang sumagot sa kaniya, “Ikaw lang ba ang tao sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga bagay na nangyayari doon sa mga araw na ito?” 19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila sa kaniya, “Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propeta, na makapangyarihan sa gawa at salita sa harapan ng Diyos at ng mga tao. 20At kung papaano siya ibinigay ng mga punong pari at mga pinuno natin upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21Ngunit umasa kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Oo, at maliban pa sa lahat ng ito, pangatlong araw na ngayon mula ng nangyari ang mga bagay na ito. 22Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga. 23Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay. 24Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita.” 25Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” 27At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan. 28Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa. 29Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, “Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na.” Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila. 30At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila. 31Pagkatapos, nabuksan ang kanilang mga mata, at siya ay nakilala nila, at siya ay naglaho sa kanilang paningin. 32At sinabi nila sa isa't-isa, “Hindi ba umaalab ang ating puso, habang kinakausap niya tayo sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?” 33Tumayo sila sa oras ding iyon, at bumalik sa Jerusalem. Natagpuan nila ang labing-isa na nagtipon-tipon at ang iba pang kasama nila, 34sinasabi, “Totoo ngang muling nabuhay ang Panginoon, at nagpakita siya kay Simon”. 35Kaya ikinuwento nila ang nangyari sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.

Sulat (mga Banal na Ninuno)

Col 3:4–11

4Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian. 5patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo—pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7Sa mga bagay na ito na minsan rin ninyong nilakaran ng namuhay kayo sa mga ito. 8Ngunit ngayon dapat ninyong alisin ang lahat ng mga bagay na ito—poot, galit, mga masasamang layunin, mga pang-aalipusta at malaswang pananalita mula sa inyong bibig. 9Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.

Ebanghelyo (mga Banal na Ninuno)

Luc 14:16–24

16Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “May isang taong naghanda ng malaking hapunan at inanyayahan ang marami. 17Nang maihanda na ang hapunan, inutusan niya ang kaniyang utusan na sabihin sa mga naanyayahan, 'Halikayo, dahil nakahanda na ang lahat.' 18Silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sabi ng una sa kaniya, 'Bumili ako ng bukid at kinakailangan kong umalis at tingnan ito.' Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.' 19At sinabi naman ng isa, 'Bumili ako ng limang pares na baka, at pupunta ako upang subukan ang mga ito. Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.' 20At sabi naman ng isang lalaki, 'Kakakasal ko pa lamang sa aking asawa, at kaya hindi ako makakadalo.' 21Dumating ang utusan at sinabi sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Pagkatapos, nagalit ang panginoon ng bahay at sinabi sa kaniyang utusan, 'Bilisan mo, pumunta ka sa mga kalye at sa mga daanan ng lungsod at dalhin mo dito ang mga mahihirap, ang mga bulag, at ang mga pilay.' 22Sinabi ng utusan, 'Panginoon, ang iyong iniutos ay nagawa na, ngunit mayroon pa ring silid.' 23Sinabi ng panginoon sa utusan, 'Pumunta ka sa mga kalsada at sa mga bakuran at pilitin mo silang pumasok, upang mapuno ang aking bahay. 24Sapagkat sinasabi ko sa iyo, wala sa mga taong naunang naanyayahan ang makakatikim ng aking hapunan.'”

Mga santo ng araw

Mga santo ng Disyembre 26

Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Disyembre 13 sa kalendaryo ng simbahan ay Disyembre 26 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.

Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan