Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Disyembre 2027 › Disyembre 8
Kalendaryong Katoliko
Mga pagbasa sa Misa (Katoliko) — Disyembre 8, 2027
Miyerkules · Ikalawang linggo ng Adbiyento
Mga kapistahan at mga santo
Ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Dakilang Kapistahan · Kulay ng liturhiya: puti
Mga pagbasa sa araw na ito
Unang Pagbasa
9Tinawag ni Yahweh na Diyos ang lalaki at sinabi sa kanya, “Nasaan ka?” 10Sinabi ng lalaki, “Narinig kita sa hardin, at natakot ako, dahil ako ay hubad. Kaya itinago ko ang aking sarili.” 11Sinabi ng Diyos, “Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubad? Kumain ka ba mula sa punong iniutos kong huwag mong kakainan?” 12Sinabi ng lalaki, “Ang babae na ibinigay mo sa akin, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno at kinain ko ito.” 13Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, “Ano ba itong ginawa mo?” Sinabi ng babae, “Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako.” 14Sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, “Dahil ginawa mo ito, sumpain ka sa lahat ng mga hayop at sa lahat ng mababangis na hayop sa bukid. Gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng araw ng iyong buhay. 15Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi. Dudurugin niya ang iyong ulo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.” 20Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa sa pangalang Eva dahil siya ang ina ng lahat ng mga nabubuhay.
Salmong Tugunan
1O, umawit kay Yahweh ng bagong awitin, dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang mga bagay; ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig, ay nagbibigay sa atin ng tagumpay. 2Inihayag ni Yahweh ang kanyang kaligtasan; hayagan niyang ipinakita ang kanyang katarungan sa lahat ng mga bansa. 3Inaalala niya ang kaniyang tipan ng kagandahang loob at katapatan para sa sambahayan ng Israel; lahat ng mga hangganan ng daigdig ay makikita ang katagumpayan ng ating Diyos. 4Sumigaw kay Yahweh ng may kagalakan, buong daigdig; isambulat sa awit at umawit ng may kagalakan, umawit ng mga papuri.
Ikalawang Pagbasa
3Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak. 11Pinili tayo kay Cristo at napagpasyahan noon pa man. Ito ay ayon sa kalooban ng gumawa ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng layunin ng kaniyang kalooban. 12Ginawa ito ng Diyos upang tayo ay mamuhay sa pagpuri ng kaniyang kaluwalhatian. Tayo ang nauna na nagkaroon ng tiwala kay Cristo.
Ebanghelyo
26Ngayon sa kaniyang ikaanim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod sa Galilea na ang pangalan ay Nazaret, 27sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa lalaking nagngangalang Jose. Siya ay kabilang sa angkan ni David at ang pangalan ng birhen ay Maria. 28Siya ay lumapit sa kaniya at sinabi, “Binabati kita, ikaw ay lubos na pinagpala! Ang Panginoon ay nasa iyo.” 29Ngunit siya ay lubhang naguluhan sa kaniyang sinabi at siya ay namangha kung anong uri ng pagbati ito. 30Sinabi ng anghel sa kaniya, “Huwag kang matakot, Maria, dahil ikaw ay nakatanggap ng biyaya sa Diyos.” 31At makikita mo, ikaw ay magbubuntis sa iyong sinapupunan at magsisilang ng isang anak na lalaki. Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na 'Jesus'. 32Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ang Panginoong Diyos ang magbibigay sa kaniya ng trono ng kaniyang ninunong si David. 33Siya ay maghahari sa mga angkan ni Jacob magpakailanman, at walang katapusan ang kaniyang kaharian.” 34Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito, yamang hindi pa naman ako nakitabi kasama ang sinumang lalaki?” 35Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya, “Ang Banal na Espirito ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay mapapasaiyo. Kaya ang banal na isisilang, ay tatawaging Anak ng Diyos. 36At tingnan mo, ang iyong kamag-anak na si Elisabet ay nagbuntis din ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito na ang kaniyang ikaanim na buwan, siya na tinawag na baog. 37Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.” 38Sinabi ni Maria, “Tingnan mo, ako ay babaeng lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong mensahe.” At iniwan na siya ng anghel.
Ang Pangkalahatang Kalendaryong Romano; maaaring ilipat ng kumperensiya ng mga obispo ang ilang pagdiriwang (Epipanya, Pag-akyat sa Langit, Corpus Christi) sa Linggo o magdagdag ng sarili nila. Leksiyonaryo: siklo ng Linggo C, taon ng karaniwang araw II.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan