Simula › Mga pagbasa ng Bibliya sa bawat araw › Nobyembre 2026 › Nobyembre 27
Kalendaryong Orthodox · Nobyembre 14 (lumang kalendaryo)
Mga pagbasang Ortodokso — Nobyembre 27, 2026
Biyernes · Ika-26 linggo pagkatapos ng Pentekostes · Tono 8
Mga kapistahan at mga santo
Apostol Felipe (c. 81-96)
Araw ng pag-aayuno
Pag-aayuno: may langis
Ito ay ayon sa panuntunan ng monasteryo. Sa parokya, ang sukat ng pag-aayuno ay itinatakda kasama ng kumpesor, ayon sa kalusugan, edad at kalagayan.
Mga pagbasa sa araw na ito
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Si Pedro, na apostol ni Jesu Cristo, sa mga dayuhang nasa iba't ibang dako, sa mga pinili na nasa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, 2ayon sa kaalaman ng Diyos Ama sa simula pa lang, sa pagpapabanal ng Banal na Espiritu, para sa pagsunod kay Jesu Cristo, at para sa pagwiwisik ng kaniyang dugo. Sumainyo ang biyaya, at sumagana ang inyong kapayapaan. 3Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon. 6Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 8Hindi ninyo siya nakita, pero mahal ninyo siya. Hindi ninyo siya nakikita ngayon, ngunit naniniwala kayo sa kaniya at lubos kayong nagagalak na may kaligayahang hindi maipaliwanag na punong-puno ng kaluwalhatian. 9Kayo mismo ang tumatanggap ng bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. 10Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya. 12Naihayag sa mga propeta na naglilingkod sila sa mga bagay na ito, hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa inyo— ang pagsasabi ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga nagdadala ng ebanghelyo sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, mga bagay na ninanais maipahayag maging ng mga anghel. 13Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” 17At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo. 21Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos. 22Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24Sapagkat “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo. 2:1Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon. 4Lumapit kayo sa kaniya na siyang buhay na bato na tinanggihan ng mga tao, pero pinili ng Diyos at natatangi sa kaniya. 5Tulad kayo ng buhay na mga bato na kasalukuyang binubuo upang maging espiritwal na tahanan, upang maging banal na mga pari na naghahandog ng espiritwal na mga alay na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. 6Sinasabi ng kasulatan, “Masdan ninyo, inilatag ko sa Sion ang isang panulukang bato, pinuno at pinili at mahalaga. Sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.”
Panalangin sa Gabi: pagbasa
21Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling. 25Kayong lahat ay naglalakbay palayo tulad ng mga nawawalang tupa, ngunit ngayon, bumalik kayo sa pastol at tagapagbantay ng inyong mga kaluluwa. 3:1Sa ganitong paraan, kayong mga asawang babae ay dapat magpasakop sa inyong mga asawa, sa gayon, kahit may ilang hindi sumusunod sa salita, sa pamamagitan ng pag-uugali ng kanilang asawang babae, mahikayat sila nang walang salita, 2dahil makikita nila ang inyong dalisay na pag-uugali na may karangalan sa kanilang sarili. 3Huwag ninyo itong gawin sa pamamagitan ng panlabas na paggayak—pagtitirintas ng buhok, pagsusuot ng alahas, o magagarang damit. 4Sa halip, gawin niyo ito sa pamamagitan ng panloob na pagkatao na nasa puso, at nang walang kupas na kagandahan ng isang mahinahon at mapayapang espiritu na natatangi sa paningin ng Diyos. 5Sapagkat ang banal na mga kababaihan noon ay minsang naggayak ng kanilang mga sarili sa ganitong paraan. Nagtiwala sila sa Diyos at nagpasakop sila sa kanilang mga asawa. 6Sa ganitong paraan sumunod si Sara kay Abraham at tinawag siyang kaniyang “panginoon.” Kayo ngayon ay kaniyang mga anak kung ginagawa ninyo ang mabuti at kung hindi kayo natatakot sa kaguluhan. 7Gayun din, kayong mga asawang lalaki ay dapat mamuhay kasama ang inyong asawa nang nalalaman na sila ay mas mahinang kabiyak, kinikilala sila na kapwa ninyong tatanggap ng kaloob ng buhay. Gawin ninyo ito upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan. 8Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala.
Panalangin sa Gabi: pagbasa
1Kaya nga, dahil si Cristo ay naghirap sa laman, armasan ninyo ang inyong mga sarili ng kaparehas na hangarin. Sinuman ang naghirap sa laman ay tumigil na sa kasalanan. 2Ang taong ito ay hindi na namumuhay para sa mga pansariling pagnanasa, pero para sa kalooban ng Diyos—sa kaniyang natitirang buhay. 3Sapagkat sapat na panahon na ang lumipas para gawin ng mga Gentil ang nais nilang gawin—kahalayan, pagkahumaling, paglalasing, panggugulo, labis na pagsasaya at kasuklam-suklam na pagsamba sa diyus-diyosan. 4Naisip nilang kakaiba na hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na ito kasama sila, kaya nagsasalita sila ng masama patungkol sa inyo. 5Magbibigay sila ng pagsusulit sa kaniya na handang hatulan ang lahat ng mga tao, patay man o buhay. 6Sa layuning ito, ipinangaral ang ebanghelyo sa mga namatay, sa gayun, kahit na sila ay hinatulan sa kanilang mga katawan bilang mga tao, sila ay makapapamuhay ayon sa Diyos sa espiritu. 7Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba. 9Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo. 10Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen
Panalangin sa Umaga: Ebanghelyo
15Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.” 16Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”. 17Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”. 18Tunay nga sinabi ko sa iyo, noong bata ka pa, dinadamitan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kahit saan mo gusto; subalit pagtumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay, at ibang tao ang magdadamit sa iyo at dadalhin ka sa lugar na ayaw mong puntahan.” 19Ngayon sinabi ito ni Jesus upang ipakita kung anong uri ng kamatayan na maluluwalhati ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi niya kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.” 20Lumingon si Pedro at nakita ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod sa kanila - na siya ring sumandal sa dibdib ni Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo? 21Nakita siya ni Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ano ang gagawin ng lalaking ito?” 22Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais kong maghintay siya hangang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo? Sumunod ka sa akin.” 23Kaya itong pahayag na ito ay kumalat sa mga kapatiran, na yung alagad na iyon ay hindi mamamatay. Ngunit hindi sinabi ni Jesus kay Pedro na ang alagad na ito ay hindi mamamatay, ngunit, “Kung nais ko na dapat siyang maghintay hanggang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo?” 24Ito ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito, at siya ang sumulat ng mga bagay na ito, at alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo. 25Marami pa ring ibang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung ang bawat isa ay naisulat, sa palagay ko kahit ang mundo mismo ay hindi mapagkakasya ang mga aklat na maisusulat.
Sulat
4Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan. 5Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin. 6Kung iyong ilalagay ang mga bagay na ito sa harapan ng mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Jesu-Cristo. Sapagkat ikaw ay pinalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at sa pamamagitan ng mabuting katuruan na iyong sinunod. 7Ngunit tanggihan mo ang mga maka-mundong kuwento na gustong-gusto ng mga matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-diyos. 8Sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, ngunit ang pagiging maka-diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay. Ito ay may pinanghahawakang pangako ngayon at sa buhay na darating. 16Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.
Sulat (San Felipe)
9Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa kahuli-hulihan ng hanay na pinapanood at gaya ng mga taong nahatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao. 10Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan. 11Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. 12Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay. 14Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak. 15Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako.
Ebanghelyo
31Hindi nagtagal, may ilang mga Pariseong dumating at sinabi sa kaniya, “Pumunta ka at umalis dito dahil nais kang patayin ni Herodes.” 32Sinabi ni Jesus, “Pumunta kayo at sabihin sa asong-gubat na iyon, 'Tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ako ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay maaabot ko ang aking layunin.' 33Gayunman, kinakailangan na ako ay magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw, sapagkat hindi katanggap-tanggap na pumatay ng isang propeta sa labas ng Jerusalem. 34Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga ipinadala sa iyo. Kaydalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit hindi mo ito ninais. 35Tingnan mo, iniwan ang iyong bahay. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo ako makikita hanggang sabihin mo, 'Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.”'
Ebanghelyo (San Felipe)
43Kinabukasan, nang si Jesus ay nais na umalis para pumunta sa Galilea, nakita niya si Felipe at sinabi sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” 44Ngayon si Felipe ay galing sa Bethsaida, ang lungsod nila Andres at Pedro. 45Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa kaniya, “Ang siyang naisulat sa kaustusan ni Moises at ng mga propeta - ay nakita namin, si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46Sinabi ni Nathanael, “Maaari bang may magandang bagay na magmula sa Nazaret?” Sinabi ni Felipe sa kaniya, “Halika at tingnan mo.” 47Nakita ni Jesus na palapit si Nataniel sa kaniya at sinabi ang tungkol sa kaniya, “Tingnan ninyo, isa ngang tunay na Israelita, na walang panlilinlang.” 48Sinabi sa kaniya ni Nataniel, “Papaano mo ako nakikilala?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Bago ka tawagin ni Felipe, nang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” 49Sumagot si Nathanael, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang Hari ng Israel!” 50Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, 'Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos', naniniwala ka na? Makakakita ka ng mga bagay na mas higit pa kaysa dito.” 51Sinabi ni Jesus, “Totoo, totoo itong sinasabi ko sa iyo, makikita mong magbukas ang mga kalangitan, at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa sa kinaroroonan ng Anak ng Tao.”
Mga santo ng araw
- Mga Paring Martir Demetrio, Alejandro, Victor, Alexis, Miguel, Miguel, Teodoro, Pedro, Alexis, Sergio, Nicolas, Basilio, Alejandro, Nicolas, Demetrio, Demetrio, Porfirio, Basilio, Jorge, Basilio, Sergio at Alejandro, mga pari, Nicolas na diyakono, Kagalang-galang na Martir Aristarco, Martir Gabriel at Martir Ana (1937)
- Paring Martir Teodoro, pari (1940)
- Paring Martir Sergio, pari (1941)
- Ang tapat sa pananampalatayang Emperador Justiniano (565) at Emperatris Teodora (548)
- Banal na Hirarka Gregorio Palamas, Arsobispo ng Tesalonica (c. 1360)
- Kagalang-galang na Felipe ng Irap (1527)
Ang mga petsa ay ayon sa kalendaryong Juliano ng Simbahang Ruso (gaya ng mga Simbahang Serbiyo at Heorhiyano at ng Bundok Athos): ang Nobyembre 14 sa kalendaryo ng simbahan ay Nobyembre 27 sa sibil na kalendaryo. Ipinagdiriwang ng mga Simbahan sa bagong kalendaryo (Gresya, Romania, Bulgaria, Ukraine…) ang mga di-nagagalaw na kapistahan at ang mga santo sa mismong petsang sibil, 13 araw na mas maaga, at iba ang ilan sa kanilang mga pagbasa; pareho ang Pasko ng Pagkabuhay at ang mga araw na nakasalalay rito.
Mga pinagkunan: Tagalog Unlocked Literal Bible · © Door43 World Missions Community, CC BY-SA 4.0 · Mga pinagkunan at karapatan